3:59 ng umaga.
Naunahan pa ng pagdilat ni Sinag ang pagpatak ng alas-kwatro sa orasan sa tabi ng kama niya. Mula pa pagkabata'y nakasanayan na niyang gumising ng ganito kaaga. Mabilis siyang bumangon at inabot ang dulo ng kanyang mga paa hanggang sa tumunog ang natutulog niyang likod – tanda na gising na rin ito.
Suot lamang ang puting sando at ang itim na shorts na ginamit niya sa pag-eensayo kagabi, na binabawan ng kulay abo na jacket, sinuot ni Sinag ang paborito niyang sapatos. Ang kulay nito'y isang malalim na asul, na tila gabi, magaan lamang, malambot, ginawa talaga upang gamitin sa pagtakbo.
—
4:45 ng umaga.
Sakto lamang ang pagdating niya sa pinakamalapit na palengke. Papasikat pa lamang ang araw, kasabay ng mga mangingisdang naghahatid ng kanilang huli sa mga suki nilang tinderang hinasa na ng panahon sa tawaran. Tahimik lamang si Sinag na nag-aabang sa tapat ng suki niyang puwesto, iniiwasan ang pangiti-ngiti ni Jing-jing, habang tinutulungan ang nanay niyang si Aling Siony na mag-ayos ng mga tinda nilang alimango.
"Batang 'to, mahiya ka nga kay Kuya Justin mo, kabata-bata mo pa, kumekerengkeng ka na!" Bungad ni Aling Siony nang mahuli si Jing-jing sabay salubong ng paghila sa buhok nito.
"Nanay naman! Umagang-umaga, natutulog pa nga ang Diyos, nanenermon ka na!"
Napangiwi si Sinag sa pagkabanggit ng pekeng pangalang ibinigay niya sa tinderang halos naging nanay na niya sa nakalipas na anim na taong pagtangkilik niya sa puwesto nito. Binibigyan na nga niya ang mag-ina ng regalo tuwing pasko, dahil wala naman siyang ibang itinuturing na pamilya.
Tila anim na taon na rin ang nakakaraan nang tanungin siya nito kung ano ang pangalan niya at sa pagmamadali'y Justin na lang kanyang isinagot – pangalan na nakasulat sa damit ng isang mamimiling nakatayo sa likod ni Aling Siony.
Kung gaano ang pait ng simangot ni Jing-jing sa nanay niya ay siya namang tamis ng ngiti niya kay Sinag.
"Anong bibilhin mo ngayon kuya? Sariwang-sariwa ang mga alimango namin ngayon. Kita mo naman, naninipit pa, parang si ina."
"Ah, haha, oo nga eh. Pero talaba ang gusto ko sanang bilhin ngayon. Meron ba kayo?"
"Siyempre naman Kuya Justin, basta para sa'yo, sariwa ang talaba namin."
"Hay Dios mio! Lumayas ka na nga dito Jing-jing! Iba na lang ang landiin mo." Sabat ni Aling Siony, hawak-hawak ang isang tray ng mga talaba na nakapatong sa mga balde ng mga gumagalaw na isdang nakikiusap na ibalik na sila sa pinanggalingan nila. Nilapag niya ang tray sa tabi ng mababaw na kahoy na kahon na pinaglalagyan ng mga alimangong nakatali pa ang mga sipit.
"Ano bang problema mo? Sabi mo nga sa'kin noong isang araw, kapag pinatulan ako ni Kuya Justin eh okay lang sa'yo kasi yayaman tayo!"
Namumulang humarap si Aling Siony kay Jing-jing na naka-amba na ang kanang kamay, handa nang manampal. "Sige, pag hindi ka pa umalis, makikita mo kung gaano katigas itong panipit ko!"
BINABASA MO ANG
Sinag
Science FictionSa mundo na nabalot na ng mga makamundong sakit, nahati ang populasyon sa dalawang uri - ang mga Natural (mga taong nilikha sa pakikipagtalik) at ang mga Artipisyal (mga taong nilikha mula sa mga laboratoryo). Mahigpit nang ipinagbabawal ang pagkaka...