Appreciation
"Trishea's Team, reporting!" sabay-sabay naming sinambit habang si Sir Red ay binabasa ang narrative report.
"Mahusay ang pagsagawa ng mga plano, nasolusyunan niyo ang problema ng baryo at bukod pa roon ay nakuha niyong patayin ang witch na 'yon. Ayon pa dito ay mas malaki ang kontribusyon ni Hunter at Zephaniah, tama ba ang nakalagay dito, Trishea?" tanong ni Sir Red.
Napalunok ako at tinuon ang tingin sa baba. Hindi ko alam kung paano ako sasagot kung sakaling tanungin ako tungkol kay Ana, ang mangkukulam.
"Yes, Sir." sagot ni Trishea.
"Hindi ba't merit mo rin ang pagpapagaling sa mga tao roon?" tanong ni Sir.
"Yes," nilingon ni Trishea si Hunter at nagpatuloy, "But without Hunter leading us and investigating things on his own, we won't be able to accomplish the mission, Sir."
"Also, it was Zephaniah's doing that we were able to completely control the situation."
Nanatili kaming tahimik. Pakiramdam ko tuloy ay may mali kaming nagawa. Yung casualties, muntik ko nang makalimutan ang nangyari kay Azeris. 'Yon ang unang beses na nakita ko siyang lugmok at walang magawa.
"Tapos na tayo sa pag-eevaluate ng mga magaganda niyong nagawa, ngayon, ano sa tingin niyo ang naging problema ng grupo niyo?" tanong ni Sir Red.
Inunahan na ni Trishea ang pagsabi, "It was... when I let my groupmates deal with the witch without knowing its strength and weakness. We were short on time so I had to group ourselves into two..." humina ang boses ni Trishea at naramdaman ko ang pagkahiya at panghihinayang niya sa sarili.
"Ako po... binuwis ko po ang buhay ko," hindi ko maiwasang idagdag. Kung wala sila Trishea ay malamang na naging abo na ako kasama ni Ana at ng bahay.
Tinignan kami ni Sir Red isa-isa, mukhang nag-aantay ng sasabihin pa namin. Nilingon ko ang kagrupo ko, si Hunter na nakangiti na nahihiya, si Secret na nakapikit ang mata habang nakayuko at si Azeris... na nakayuko rin ngunit hindi ko na makita kung anong ekspresyon niya. Mukhang hindi niya tanggap ang nangyari sa amin kahapon.
"Azeris, may gusto ka bang sabihin?" tanong ni Sir Red.
Kita ko sa gilid ng aking mga mata ang pag-angat niya ng ulo, "Sir... parehas rin po ng sinabi ni Zephaniah. Saka nagmamadali nga po at... nag-underestimate ako ng kalaban. Hindi ako nag-isip nang mabuti kung anong dapat gawin bago harapin 'yung witch." sambit niya at yumuko ulit. Pakiramdam ko tuloy ay naapektuhan ko sila ng kahihiyan ko at ako naman ngayon ang nag-oobserba sa kanila.
Hindi ko alam kung dahil ba nakapag-usap na kami ni Mama o ano pero hindi na ako masyadong nag-iisip nang negatibo. Siguro ay dahil masyado pa akong abala isipin ang tungkol kay Ana.
"Wala na ba kayong sasabihin? Hunter? Secret?" si Sir Red.
"Wala po," rinig kong sambit ni Hunter.
"Kung wala na, ako naman. Sang-ayon ako sa lahat ng sinabi niyo, lalo na sa sinabi ni Azeris at Zephaniah. Importante na bago kayo sumugod sa base ng kalaban, syempre dapat ay handa kayo. Ang nangyari tuloy ay kayo ang nasupresa, ang masama pa doon ay muntik na kayo mawalan ng dalawang kagrupo."
"Hindi naman nagkulang ng paalala na kung delikado ay pipindutin niyo lamang ang protective necklace niyo para makarating sa amin na kailangan niyo ng tulong. Huwag rin kayong mapressure dahil maiintindihan naman namin na unang misyon niyo 'yon." litanya ni Sir Red.
"Naiintindihan ba?"
Sabay-sabay kaming sumagot, pagkatapos ay nadismiss na rin agad. Paglabas namin ng silid ay kita ko ang mausyosong mga mukha ng iba naming kaklase.
"Anong sabi?" tanong ni Vaughn. "Hindi ko kasi narinig."
Nang makitang walang gustong magsalita sa amin ay lumapit siya kay Hunter na natatanging maaliwalas ang ekspresyon.
"Ayos ka lang ba, She-she?" tanong ni Mika na nakarating na sa amin.
"Yes, just a little bit disappointed." rinig kong sambit niya.
"Ano ba kasi mission niyo at bakit parang mahirap?" tanong ni Brei. Kagabi ay wala kaming oras para makapag-usap, maaga akong nakatulog dahil sa pagod kaya't hindi ko aakalaing ngayon palang kami makakapag-usap tungkol sa mission. Mukhang ganoon rin sa kabilang side ng boys.
"A witch cursing a small village." sagot ni Trishea.
"Same answer? I guess you don't want to disclose it." rinig kong sambit ni Brei.
"Ayos lang 'yan, She-she! Mataas pa rin naman ata evaluation niyo." rinig kong sinabi ni Mika.
"It was only 95..." ramdam ko ang lungkot sa boses ni Trishea.
Natahimik sila. Binagalan at ginaanan ko ang lakad ko dahil ayaw kong mapansin nila na nasa likod lang nila ako habang aksidenteng napakikinggan ang usapan. Saktong napalingon si Mika. Wala akong nagawa kundi pilit na ngumiti.
"An-An, ayos ka lang ba?" tanong niya.
Tumango ako. Dahil hindi ako nagsalita ay hilaw na napangisi na lang si Mika at hindi na ako nilingon.
"Hoy! Sandali!" rinig kong sigaw ni Vaughn galing sa likod.
Dahil huminto sa paglakad ang nasa harap ko ay wala akong nagawa kundi gumilid at lumingon rin.
"Ililibre daw tayo ng pagkain ni Sir Red." nakarating agad sa harap namin si Vaughn, sa likod niya ay ang iba pa naming lalaki na kaklase.
"Yay!" si Mika.
"Pwede bang huwag sumama?" rinig kong sinabi ni Brei. Sabagay... hindi naman siya nakain ng pagkain. Sana nga ay puwedeng hindi sumama.
"Lahat daw ay sasama." sambit ni Azeris. Bahagyang nagtama ang tingin namin, kinilabutan ako at nag-iwas ng tingin. Ano 'yon? Warning ba 'yon na huwag akong sumama o ano? Pero hindi naman siya mukhang galit...
"Ano ba 'yan," reklamo ni Brei.
At dahil doon ay sabay-sabay na kaming naglakad, nagpahuli ako dahil nasa unahan ang maingay na sina Vaughn at Brei. Wala si Azeris dahil hanggang ngayon ay tahimik pa rin siya at nasa huli rin!
Pasimple akong lumingon dahil pakiramdam ko ay may gagawin siya sa akin, hindi ko alam kung galit ba siya o ano. Kunot ang noo at malalim ang iniisip. Unti-unting lumiit ang distansya namin at kasabay ko na siya ngayon sa paglalakad.
"Salamat." rinig kong bulong niya.
"H-Ha?!" napalakas ang pagtanong ko dahil hindi ako makapaniwala. Hindi kami napansin ng nasa unahan dahil abala sila sa pag-aasaran. Napalingon ako kay Azeris na palipat-lipat rin ang tingin sa unahan at sa akin, ngayon ay halata na ang pagka-irita sa mukha niya. Lukot-lukot ang ekspresyon.
"Sorry!" sambit ko at hinanda ang sarili sa posibleng pag-atake niya gamit ang nakakatakot niyang mata at masakit na salita.
"A-Anong sorry?! Nagthank you ako dahil niligtas mo ang buhay ko!" pautal-utal na sambit ni Azeris.
Hindi ako nakapag-react agad dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam ang mararamdaman ko, si Azeris na laging galit, na ang tingin sa akin ay mas maliit pa sa langgam, ay nagpapasalamat sa akin?!
Pero hindi naman para sa kaniya talaga ang ginawa ko, gusto kong patunayan ang sarili ko na kaya ko, tulad nila, na humarap sa hamon ng buhay.
"B-Binuwis mo ang buhay mo para sa akin, nagpapasalamat ako para doon. Nakaya mo rin talunin ang mapanlinlang na Ana na 'yon. Simula ngayon ay hindi na mahina ang tingin ko sa'yo," sambit niya.
Hindi pa ako nakakapagsalita ay may dinagdag na siya, "Isa ka nang malakas sa paningin ko, Anya." deklara niya na siyang nagpatibok sa puso ko nang malakas.
Hindi ko aakalain na ang mga salitang 'yon ang kailangan ko para gumaan ang pakiramdam, at hindi ko rin aakalain na galing pa kay Azeris 'yon. Ganito ang pakiramdam na may naniniwala sa'yo maliban sa sarili mo...
"Salamat rin," bulong ko sa likod ni Azeris na nagmamadaling humabol sa mga kasama namin.
BINABASA MO ANG
Fear Thy Death
FantasyKamatayan. Isa 'yon sa pinakakinakatakutan ng lahat. May mga iilang nagsasabi na hindi ito mapipigilan, at lahat tayo ay mamamatay rin kalaunan. Ngunit kung may kakayahan ka bang makakita ng kamatayan ng isang tao, pipigilan mo ba ito?