Chapter 8
Hindi namin maiwan si Aya nang araw na iyon. Hindi na rin kami nakapasok. Wala kaming magawa nila Jackie, Jinn, Pepper at Gabriel kundi pagmasdan ang kalunos-lunos na kalagayan ni Aya. Sa tuwing tatangkaing lumapit nila Jinn at Gabriel dito, ay nagwawala lamang ito, binabantaan pa silang magpapakamatay ito. Nagsimula na kaming mag-alala nang makita naming marami nang dugo ang nawawala kay Aya. Tumawag na kami sa mga magulang ni Aya ngunit ang sabi ng katulong ay nasa ibang bansa ang mga ito upang dalawin ang nakatatandang kapatid ni Aya. Tumawag na din kami sa pinakamalapit na ospital upang masaklolohan si Aya.
Matapos ang mahigit na isang oras ay narinig na namin ang pamilyar na sirena ng ambulansya. Sinalubong nila Jackie at Pepper ang dalawang lalaking nurse at sinamahan ito sa aming silid. Narinig kong nagwala si Aya. Pumasok ako. Nagwawala si Aya, pumipiglas ngunit maingat at mabilis kumilos ang dalawang nurse na nilagyan agad ito ng straight jacket. Kaming dalawa ni Gabriel ang sumama sa loob ng ambulansiya. Sina Jackie, Jinn at Pepper ay susunod na lamang sa ospital.
"AKIN TOOOOOOOO! PAPATAYIN KITAAA! UMALIS KAAAA!" nagpupumiglas si Aya sa dalawang lalaking nurse. Ang isa'y mariing nakahawak kay Aya habang ay isa nama'y nilalapatan ng panandaliang lunas ang kamay ni Aya.
Wala sa loob na tumulo ang luha ko. Ayokong makitang nagkakaganun si Aya. Nahihirapan din ako. Naiyak ako lalo nang maalala ko ang mga pinagsamahan namin. Napayuko ako.
Nagulat ako nang hawakan ni Gabriel ang mukha ko, at punasan ang luha ko.
"Matapang si Aya, Keira. Kaya niyang malampasan yan."
-----
Pagkarating sa ospital ay inihatid agad sa Emergency Room si Aya na patuloy parin sa pagwawala. Laking pasasalamat namin nang may doktor agad na tumingin dito. Halatang nahirapan ito dahil inutusan nito ang isang nurse na bigyan ng pampakalma si Aya upang mas maobserbahan ito.
Kinausap ng doktor si Gabriel. Ayon dito, kailangang sumailalim ni Aya sa MRI at CT scan upang malaman ang tunay na kondisyon nito. Ipapa-schedule pa raw ito. Sa ngayon ay kailangan muna nitong manatili sa ospital upang maobserbahan.
Dahil nasa ibang bansa ang mga magulang ni Aya, nagboluntaryo si Pepper na siya na muna ang magbabantay dito.
"Okay ka lang ba?" tanong ni Gabriel.
Tumango ako pero sa totoo lang ay mabigat na ang pakiramdam ko. Kulang ako sa tulog. At talagang pagod na pagod ako. Pero sa isang banda, kasalanan ko rin naman kung bakit iyon nangyari kay Aya. Hindi ko siya nagawang ipagtanggol mula sa Alyanna Ponce na yon. Nakikita ko siya pero wala akong magawa. Ako ang dapat sisihiin. :|
-----
Kinagabihan ay napagpasyahan na naming umuwi. Galing si Pepper sa boarding house upang kumuha ng konting damit at gamit ni Aya. Si Jackie ay kila Jinn muna mananatili. Gusto ko siyang pigilan. Pero anung sasabihin ko? Na demonyo si Jinn? Na matagal na itong patay? Baka hindi ko alam, isama na din nila ako kay Aya.
Kasama si Gabriel ay umuwi na kami sa boarding house. Matigas talaga ang ulo ng lalaking iyon. Kahit anung sabi kong huwag na ko samahan pauwi ay nagpumilit pa rin ito. Maputla daw kasi ako. Sa totoo lang ay parang binabayo ang ulo ko sa sobrang sakit, idagdag pa ang bigat ng pakiramdam ko.
Sa kasamaang palad ay umulan pa ng gabing iyon, kaya naman basang basa kami ni Gabriel nang makauwi sa boarding house.
"Magpunas ka, basang basa ka." sabi nitong hinagisan ako ng tuwalya.
Naglakad ako papunta sa aming kwarto. Wala na ang mga bakas ng dugo ni Aya. Marahil ay nilinis ni Pepper kaninang umuwi siya. Sumunod si Gabriel sakin. Narinig kong binuksan niya ang TV. Ako nama'y nahiga sa kama ni Pepper.
"Keira! Bakit ka nahiga dyan?! Basang basa ka pa! Magpatuyo ka muna't magpalit ng damit."
Ayoko. Ayoko nang gumalaw. Sobrang bigat na ng pakiramdam ko. Ang init. Bakit ba ang init init? Narinig ko ang mga yabag ni Gabriel.
"Nilalagnat ka.." malumanay ngunit mababakas ang pag-aalalang sabi nito.
Naramdaman ko ang bawat kilos niya. Habang pinupunasan at tinutuyo niya ang katawan ko. Habang pinapalitan niya ko ng damit. Naramdaman ko ang init ng katawan niya. Yakap mo ba ako, Gabriel? Gusto kong magprotesta, pero ayaw ng katawan ko. Ayaw ng puso ko. Dito ka lang Gabriel. Huwag kang aalis. Huwag mo kong iiwan. Hindi ko kaya. Dito ka lang sa tabi ko.
Gabriel..
Bawal ba talaga?
Hindi ba pwedeng mahalin ka?
"Matulog ka na Keira. Bukas pagkagising mo, magaling ka na.."
![](https://img.wattpad.com/cover/1205384-288-k945866.jpg)