CHAPTER 14
Pagdating ko sa boarding house ay agad akong sinalubong nila Pepper at Jackie, kapwa nakabungisngis. Ano nanaman kayang binabalak ng mga ito?
"Halika Keira, ipapakita na namin yung sorpresa namin sayo." sabi ni Pepper. Lumingkis ito sa aking braso at inaya ako papunta sa kwarto.
Bago ang aming double-deck. Hindi na yung katulad ng dating lumalangitngit ng malakas kapag nagalaw ng konti.
"Oops. Hindi yan ang sorpresa namin sayo.." sabi ni Jackie.
Iniabot nito sa akin ang isang malaki at matigas na bagay na tinatago nito sa likod kanina. Nakabalot ito sa magandang papel.
"Ano to?" tanong ko. Ngunit umiling ang dalawa. Buksan ko na lamang daw.
Bumungad sa mga mata ko ang isang makapal at malaking itim na libro.
THE BIG BLACK BOOK OF SPELLS
Sa katunayan ay dati ko pa gusto ang librong ngayo'y hawak-hawak na ng aking mga kamay. Kaya lang, kung gaano ito kalaki ay ganun din kalaki ang presyo nito. Siguro nama'y alam niyo na kung ano ang nilalaman nito.
"Paanong-"
"Pinag-ipunan namin yan nila Aya at Pepper." ani Jackie. Tumango at ngumiti si Pepper. "Dapat ibibigay pa namin yan sa birthday mo kaso naisip namin ni Pepper na baka umuwi ka sainyo."
Halos magkandabulol-bulol ako sa pagpapasalamat sakanila. Nawaglit sa aking isipan ang babae sa sementeryo.
"Mamaya ka na mag-Thank you, Keira. Dahil hindi pa tapos ang sorpresa namin sayo."
Nagulat ako sa sinabi ni Pepper. May isa pang sorpresa?
"Pasok na!" sabi ni Jackie.
Pumasok ang isang nakasisilaw na nilalang. Kinusot ko ang aking mga mata at saka kumurap-kurap.
"Gabriel?!" Siya ang sorpresa nila Jackie at Pepper sa kin? Pero bakit?
Tumingin ako kay Gabriel. Ano bang ginagawa niya dito? Maya-maya'y napansin kong may dala siyang isang itim na maleta. Teka, hindi ko maintindihan.
"Dito na satin titira si Gabriel, Keira." Kilig na kilig na sabi ni Pepper. "Bumalik na kasi ang mama niya sa ibang bansa. Kaysa naman sa iba pa siya mangupahan, eh di dito nalang diba? Para may kasama tayong lalaki."
Hindi ako makapaniwala sa sinabing iyon ni Pepper. Nang tumingin ako kay Gabriel ay nginitian ako nito. Ang ngiting nakakapagpatibok ng puso ko. Ang gumigising sa kamalayan ko. Ang ngiting yun na una yatang papatay sakin.
Lumabas ako ng aming kwarto. Bakit dito pa? Hindi ko yata makakayang makasama siya sa bawat oras ng buhay ko. Mamamatay ako.
Pagbukas ko ng pinto ay may malalamig at mapuputlang kamay na humawak sa kamay ko. Kinilabutan agad ako ng maalala muli ang nakita kong babae sa sementeryo ngunit naglakas loob padin akong tignan kung sino ito.
Napaatras ako ng makita ko ang pamilyar na mukha ng babaeng nakaitim. Lumuluha ito ng dugo na siya namang pumapatak sa sahig.
"AKIN SIYAAAAA."
Niyugyog nito ang mga balikat ko, pagkaraa'y lumabas nanaman ang maraming dugo na sinundan ng hindi pa gaanong nabubuong sanggol. Pilit nitong iniaabot ang sanggol sa akin. Hinila ng babae ang kamay ko. Pagtalikod ko ay nakita ko si Gabriel. Naramdaman ko ding wala ng humihila sa kamay ko. Lumingon ako. Wala na ang babae.
Paglingon ko kay Gabriel, ay napanganga na lamang ako. Dahil sakanya'y nakasakay ang babae, nakapulupot pa ang mga hita nito sa katawan ni Gabriel. Ang mga braso nito'y nakayakap sakanya.
Hindi na ito lumuluha ng dugo. Ngayo'y nakalabas ang mahabang dila nito, umaagos pa ang dugo dito. Ngumisi ito, na naging dahilan upang gumalaw ang mahabang dila nito.
Nakita kong lumapit si Gabriel, pagkatapos niyo'y wala na kong matandaan.