CHAPTER 20
Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa nakita ko. Si Pepper, nakabitin sa sala. Iyong mga paa niya siguro ang naramdaman kong tumama sa akin kanina. Nakayuko ang ulo nito ngunit kitang kita ang lubid na nakasabit sa leeg nito. Dilat ang mga mata nitong mistulang nakatunghay sa amin. Pepper..
Kumuha ng silya si Gabriel, pinilit nitong tanggalin ang katawan ni Pepper sa lubid. Teka-
"Tumawag ka sa ospital Keira! Kahit saan! Basta tumawag ka ng tulong!"
Nagmamadali akong pumasok sa loob ng kwarto upang tawagan ang ospital kung saan namin dinala si Aya noon. Matapos ay nanghihinang napaupo na lamang ako sa sahig, minamasdan ang ginagawa ni Gabriel. Wala na daw pulso si Pepper, umiiling na sinabi nito. Doon nabuo sa isip ko na siguro.. Mahal ni Gabriel si Pepper.. Na ito talaga ang gusto niya.. Bakit kaya hindi nalang ako ang namatay? Tutal, sawang sawa na din naman ako sa nangyayaring kababalaghan sa amin.
"Keira, tawagan mo ang ate ni Pepper. Papuntahin mo agad sa ospital."
Nanghihina at bagsak ang mga balikat na tumayo ako sa aking kinauupuan. Si Aya, ang mga magulang ko.. Ngayon naman si Pepper. Si Jackie at ako na lamang ang natitira. Kung sino mang susunod, sana ako nalang.
Tinawagan ko ang ate ni Pepper. Ito nalang kasi ang natitirang kamag-anak ni Pepper matapos ang mahabang istorya tungkol sa paghihiwalay ng mga magulang nito. Ibinilin kong sumunod nalang ito sa ospital. Apat na oras kasi ang biyahe mula sa kinaroroonan nito hanggang dito sa kabihasnan.
Bumalik ako sa kinaroroonan ni Gabriel. Naabutan kong dinasalan nito ang nagsisimula nang mangitim na bangkay ni Pepper.
Sandaling oras pa ay dumating na ang ambulansya ngunit mukhang sa punenarya na talaga ang diretso ni Pepper. Isa na itong malamig at nangingitim na bangkay.
Inasikaso ni Gabriel ang lahat. Kinausap nito ang mga tauhan ng ospital na pahintulutan munang manatili ang bangkay ni Pepper sa kanilang morgue hanggang sa makarating lamang ang kapatid nito.
Maalinsangan ang gabing iyon. Hindi parin ako makapaniwala sa nangyari kay Pepper. May palagay akong may nagtulak kay Pepper para gawin iyon. Pero ano? Sino?
Naramdaman ko ang mga braso ni Gabriel sa balikat ko. Napatingin ako dito.
"Pasensya ka na Keira, kung hindi kita maalagaang mabuti.." Hinimas-himas nito ang ulo ko.
"Gabriel.. Sa palagay mo.. Bakit iyon nagawa ni Pepper? Wala naman siyang nababanggit na problema.."
Katahimikan. Walang anumang sinabi si Gabriel. Siguro ay nag-iisip din ito.
"Kanina.. Napansin ko lang.. Hindi magulo yung boarding house.. Wala man lang nakakakalat na maski anong pwede niya tuntungan. Hindi naman pwedeng magbigti ng hindi ka tutuntong sa kahit ano..
"Ano bang ibig mong sabihin?"
"Napansin ko lang naman.. Nung dumating tayo, nakalock padin yung pinto hindi ba? Pwede nating sabihin na baka nga si Pepper ang naglock noon. Pero ang isabit ang sarili niya sa kisame ng walang ginagamit upang tuntungan, parang-"
"Ibig mong sabihin may nagsabit kay Pepper sa kisame hanggang mamatay siya? Pero kayo nalang nila Jackie ang may hawak ng susi."
"Si Jackie.. At.. Si Jinn.. Papano kung si Jinn iyon Gabriel? Papano kung siya iyon?!
Hinawakan ni Gabriel ang mga balikat ko. Mariin. May pwersa.
"Hindi tayo sigurado Keira. Pagdating ng Ate ni Pepper, tsaka tayo magpaalam. Hanapin natin si Jackie. Wala akong makitang dahilan para patayin ni Jinn si Pepper. Pero kayo nalang ni Jackie ang natitira. Isa sainyo, pupwedeng mauna."