💛 Chapter Four 💛
NAPAMAANG ANG BIBIG NI LOU dahil sa gulat. Minsan lang kasi magsalita si Taru pero kapag nagsalita ito, hindi na nito nag-iisip kung makakasakit ba ito ng iba. Harap-harapan nitong nasupalpal si Marivic sa buong klase.
"Well," pagbasag ni Miss Ancheta sa tensyong nabuo. At parang narealize nito na may punto ang sinabing iyon ni Erick.
"I agree!" sigaw ni Jaypee na nagtaas pa ng kamay, "Si Lou din ang boto ko, ako kasi ang huli ninyong tatanungin eh! Baka makalimutan n'yo ako kaya nagvolunteer na ako!"
Inis na binalingan ni Lou ang kaibigan, at pinagbantaan niya ito sa pamamagitan ng pag-arko ng kamao niya. Pero hindi na niya napigilan nang isa-isa nang nagtaasan ng kamay ang iba nilang mga kaklaseng lalaki na mabilis nagbago ng isip dahil sa mga sinabing iyon ni Erick.
"Okay, Lou. Ikaw na ang bagong Maria Clara ng seksiyong ito!" nakangiting sabi ni Miss Ancheta.
"P-Pero..." napailing si Lou, at nanlulumong napasubsob siya sa kanyang desk na parang naluging Intsik sa Divisoria.
"Wala ka rin namang problema sa mga kailangan mo," dagdag ni Erick.
Hindi naman iyon ang iniisip ni Lou. Para sa kanya, hindi siya karapat-dapat na maging Maria Clara dahil hindi naman siya ganoon kaganda. Kapag titingin na nga siya sa salamin ngayon, bakas na bakas ang stress dahil sa mga responsiblidad na nakapatong sa kanyang balikat. Ano ba ang tingin ng mga kaklase niya sa kanya, isang robot? Paano ba niya pagsasabayin lahat? Ngayon pang inutusan siya ni Miss Bacani na bumili ng mga pintura para ayusin ang ilang props nagagamit nila sa play.
"Haaaaayyyyy...."
Ginulo-gulo ni Lou ang kanyang buhok. Kasalukuyan na silang nasa Theatre Area ng kanilang eskwelahan, at hinihintay na lang nila si Miss Bacani para sa kanilang practice ngayong araw. Pakiramdam ni Lou, mas bagay siyang gumanap na Sisa sa itsura niya ngayon. Para na kasi siyang mababaliw sa mga nangyayari.
"Okay lang 'yan, Maria Clara!" biro ni Jaypee sa kanya.
"Hindi ko alam kung gumaganti lang ba kayo sa akin o ano?" inis niyang binalingan ang kaibigan.
"Hindi, ah!" deny ni Jaypee.
"Naisip ko rin na ikaw ang nararapat. Kasi kung kukuha ka ng ibang Maria Clara sa mga kaklase natin, magugulo ang line-up ng play. Lalo tayong kakapusin sa oras at panahon. Tama si Erick, sa lahat ng babae sa klase, ikaw lang ang nakakaalam ng bawat galaw ng mga character dahil ikaw ang gumawa ng script," mahabang paliwanag ni Rhea.
Lalo siyang nanlumo.
"Pero nakakapagtataka. Bakit kaya ikaw ang tinuro ni Taru?" makahulugang bulong ni Rhea, "Hindi naman maiisip ni Erick na ikaw ang ipalit kung hindi sinabi ni Taru."
"Maritess ka rin noh!" saway ni Jaypee kay Rhea, "Ako talaga, kay Lou ang boto ko!"
Pero matatalim na tingin lang ginanti ni Lou rito. Dahil ang totoo, gusto na niyang sabunutan ang tatlong lalaking nagpahamak sa kanya.
Nahinto lang ang kanilang pagkekwentuhan nang dumating na si Miss Bacani para simulan ang practice nila. Hindi na rin lingid sa kaalaman nito na may konting pagbabago sa play dahil sa biglaang pagkawala ni Fatima. Pero hindi naman naging sagabal iyon. Kahit nahihirapan na kasi si Lou ay pilit pa rin niyang ginagawa ang nakakaya niya dahil ayaw niyang madissappoint ang guro nila lalo na ang Mama niya.
Ang Literature ang last subject nila bago mag-uwian. Ang oras ding iyon ang inilalaan ng kanilang guro para sa practice nila. Kanina bago sila iwan ng kanilang guro ay nagbilin ito na magtulungan sila sa pag-aayos ng props para mabilis silang matapos. Pero halos wala pang kalahating oras ay nagpaalam na si Marivic kay Lou.
"Bida-Bida, mauna na ako. Tapos na rin naman ang practice, eh!" nangungutyang pagpapaalam ni Marivic.
Lihim lang napakuyom ang mga kamao ni Lou habang hawak niya ang paint brush. Hindi niya magawang lingunin si Marivic dahil baka ano lang ang masabi niya rito. Simula kasi nang mapili siyang ipapalit kay Fatima ay hindi na siya nito tinitigilan sa pagtawag na 'Bida-Bida.' Hindi rin ito ang unang beses na iniwan sila ni Marivic sa ere. Iyon nga lang kapag nauuna itong umalis, isa-isa nang nagsisi-alisan ang iba nilang kaklase.
Lumipas pa ang isang oras. Madilim na sa labas nang magpaalam na sa kanya si Rhea.
"Lou, sorry! Nagtext na kasi si Daddy! Gusto sana kitang tulungan pero maaga niya akong pinapauwi," ani Rhea.
"Sige, ako na lang ang magtatapos nito," matipid siyang ngumiti rito, "Si Jaypee?"
"Kanina pa umalis? Hindi mo kasi pinapansin kaya hindi na siya nagpaalam sa'yo," sabi nito.
Bahagya namang nakaramdam ng guilt si Lou.
"Mauna na ako, Lou. Promise ko sa'yo, ako ang bahalang mag-ayos sa'yo sa parada!" anito saka nagmamadaling kinuha nito ang mga gamit saka patakbong lumabas na ng Theatre Room.
Nagpakawala ng marahas na hininga si Lou. Siya na naman ang huling naiwan. Siya na naman ang magtatapos ng mga iniwang gawain ng mga pasaway niyang kaklase. Muli niyang hinarap ang pintura pero nagulat siya dahil hindi niya napansin na naroroon pa pala si Taru.
Abala pa rin ito sa pagpipintura.
Masyado kasing tahimik kaya akala ni Lou nag-iisa na lang siya.
"P-Pwede ka nang umuwi," pagtataboy niya rito. Oo naiinis siya sa ginawa nito, pero hindi niya maunawan ang kanyang sarili kung bakit hindi mawala ang kabang nararamdaman niyang ngayong silang dalawa na lang ang nasa lugar na iyon.
Hindi kumibo si Taru patuloy lang ito sa pagpipintura.
"Ihinto mo na 'yan. Ako na lang ang gagawa ng lahat ng ito!" pagtataboy ni Lou. Nagawa na niyang lapitan ito, at tinangka rin niyang agawin ang paint brush na hawak nito. Pero mabilis iyong iniwas ni Taru sa kanya. Nagawa rin nitong tignan siya.
💛💛💛💛💛💛💛
BINABASA MO ANG
The Song Of Us
Storie d'amoreFirst love ni Lou si Taru. Naudlot ang kanilang love story dahil bigla na lang nawala si Taru na parang bula. Dalawang taon ang lilipas, isang malaking balita ang nakarating sa kanya. Ikakasal na pala si Taru sa sikat ring singer na si Ara. Ang in...