Nakatingin si Jorelle sa babaeng nakadungaw sa bintana. Naglakad papalapit si Jorelle upang silipin ang sinisilip ng babae at laking gulat niya nang makita niya si Charles na may kahalikang babae sa may puno. Bagama't gabi na, kitang kita parin ang mga ito dahil sa medyo maliwanag ang buwan kahit pa nagbabadya ang masamang panahon. Napatingin siya sa babaeng nakaupo at nakita niyang may natulong dugo sa sahig. Tiningnan niya ang kamay nito at nakita niya na may laslas ang pulso nito. Hindi mawari ang itsura ni Chona habang pinagmamasdan ang asawa niya na may kahalikang iba. Nabaling ang tingin niya sa upuan at nakita niyang wala ng tao na nakaupo doon. May narinig naman siyang nagtatatakbo sa labas ng kwarto kaya sumilip siya at nakita niya si Carlo na pumasok sa kwarto niya at sinara ang pinto. Dumungaw si Jorelle sa baba at natanaw niya ang mag-asawa na nagtatalo.
"Ano bang ginagawa mo sa sarili mo? Nababaliw ka na ba?" tanong ni Charles habang nilalagyan ng bendahe ang kamay ng asawa. Si Chona naman ay nakatingin lang sa pinto at hindi kinikibo ang asawa. "Natakot tuloy si Carlo sa iyo. Bakit ka ba nagkakaganyan ha?"
"Itanong mo kay Marie." sarkastikong tugon ni Chona.
"Heto nanaman tayo. Wala nang patutunguhan ang usapan natin. Bakit ba lagi mo nalang dinadamay si Marie?"
"Kung ayaw mong madamay si Marie, sana inisip mo muna 'yon bago mo siya hinalikan sa likod ng bahay." nag-iba ang tono ng pananalita ni Chona.
"Wala akong alam sa pinagsasasabi mo. Nahihibang ka nanaman." tumayo si Charles at nilagay ang first aid kit sa cabinet. Bigla namang tumayo si Chona, sinakal at tinulak ang asawa sa pader.
"Ikaw, huli ka na nga, nagsisinungaling ka pa. Ako pa ang gagawin mong tanga ha?" tila nag-iba ng anyo si Chona sa kanyang ginawa. Nakakatakot ang boses nito at nanlilisik ang mga mata. "Matris ko lang ang hindi gumagana Charles, ang utak, mata, puso ko, nagana pa ng ayos kesa sa iyo. Sana ginamit mo ang utak mo para nakita mo ako na nakasilip sa bintana. At sana kung may gagawin kang kababalaghan, siguraduhin mong hindi ko makikita ha!"
"Bitawan mo nga ako!" nagpumiglas ang lalake at naitulak si Chona sa sahig.
"Tandaan mo Charles, akin ka lang. Hangga't nabubuhay ako, ako ang magmamay-ari sa 'yo. Pag-aari kita Charles. Tandaan mo iyan." nag-iba ang ihip ng hangin sa paligid kaya naman umakyat na si Charles sa taas ng bahay. Kinilabutan ito sa sinabi ng kanyang asawa na sa tingin niya ay hindi nagbibiro.
Sinundan ng tingin ni Jorelle si Charles at nakita niya na pumasok ito sa kwarto nila. Paglingon niya sa may hagdan ulit, naandon na si Chona na nakatingin sa kanya.
"Hindi ko alam kung ano bang pumasok sa utak ko noong mga oras na iyon, may narinig lang akong boses sa paligid ko at pagkatapos ay lumabas na agad ako ng bahay."
Naguluhan si Jorelle sa sinabi ni Chona sa kanya kaya naman tiningnan niya ulit ang baba ng bahay at nakita niya na wala na si Chona doon. Bukas din ang pinto ng bahay kaya naman bumaba din siya at lumabas ng bahay. Nakita niya si Chona na tumatakbo papunta sa may kakahuyan at sinundan niya ito. Habang naglalakad sa madilim na kakahuyan ay hindi maiwasan ni Jorelle na kabahan at kilabutan sa takot. Hindi tinatanggal ni Jorelle ang mata niya kay Chona hanggang sa makita niya na tumigil ito. Nakatayo ito ilalim ng punong kahoy at nakatingin sa taas. Ilang sandali lang ay dumerecho ang tingin nito at tinitingnan niya ang madilim na parte ng gubat. Biglang nagsalita si Chona pero hindi niya maintindihan ang sinasabi nito dahil medyo may kalayuan din ang pwesto niya. Sandaling nanahimik si Chona at bigla nalang may narinig si Jorelle na iyakan, hiyawan at kung ano ano pa sa paligid. Napatakip ng tenga ang dalaga at nang mawala ang tunog, nakita nalang niya si Chona na nakahandusay. Narinig naman niya si Charles na hinahanap ang asawa nito at nang makita ang asawa na nakahiga sa lupa, nagmadali itong binuhat at pinasok sa loob ng bahay. Sumunod naman si Jorelle at pumasok ulit sa bahay. Tinitingnan lang niya ang mag-asawa ng biglang nagpakita nanaman si Chona sa kanya.
"Ganyan pala mag-alala sa akin ang asawa ko. Walang malay kasi ako ng mga panahong iyan kaya hindi ko alam."
"Ano 'ng nangyari sa 'yo doon sa may kakahuyan. Bakit ka ba nahimatay?" tanong ni Jorelle.
"Hawakan mo ang kamay ko." tugon ni Chona, hinawakan niya nga ito at napunta siya sa sitwasyon na iyon ni Chona.
Nakaupo lang si Chona sa may sahig at naiyak nang may narinig itong boses.
"Lumabas ka, lumabas ka." walang anu-ano'y lumabas si Chona at naglakad. Binibigyan siya nung boses ng direksyon. Sinusundan lang niya ito at pagkatapos ay napadpad na siya sa may kakahuyan at doo'y napatigil sa may ilalim ng puno. Napatingin siya sa itaas at nakita niya ang buwan na nagtatago na sa may ulap. Biglang may boses siyang narinig. Napatingin siya sa harap niya sa may madilim na parte ng gubat. Doon nanggagaling ang boses.
"Kamusta ka, Chona."
"Sino ka?"
"Hindi na importante ang pangalan ko. Gusto mo bang mabawi ang asawa mo?"
"Oo. Papaano ko mababawi ang asawa ko?" tugon ni Chona.
"Simple lang. Kapag nagkaanak kayo ulit, mababawi mo na ang asawa mo. Iyon lang naman ang dahilan niya kaya siya nakikipagkita kay Marie. Inaakit siya ni Marie, Chona. Dapat mabawi mo ang asawa mo." wika ng boses.
"Hindi na raw kami magkakaanak pa sabi ng mga doktor. Papaano mangyayari iyon?" tanong ni Chona.
"Walang imposible sa akin Chona, ang gusto ko lang naman, makatulong."
"P-Papaano?"
"Kailangan, bago matapos ang kabilugan ng buwan, may maibigay ka sa aking limang kaluluwa. Anim tao, para sa isang anak. Hindi na masama iyon diba? Walang siyensya ang makakapagbigay sa inyo ng anak. Ako lang Chona. Naiintindihan mo ba iyon? Naiintindihan mo ba iyon? Hahahahahahaha!"
Napahinga ng malalim si Jorelle at bumalik sa pangitain katabi si Chona. Nakatingin lang sa kanya ito at nanlumo ito. Hindi niya inaasahan na malakas pala ang kumakapit kay Chona. Hindi lang basta kaluluwang ligaw.
"Pumatay ako ng tatlong tao. Yun pala ang kapalit ng kasunduan namin. Hindi ko alam ang gagawin ko. Tutulungan mo na ba kami ng makaalis dito Jorelle?" tanong ni Chona.
"Papaano ko ba kayo matutulungan?"
"Buksan mo ang cabinet na may salamin na iyon. Andun ang mga kaluluwa namin. Kailangan mo kaming mapaalis sa lalong madaling panahon. Paparating na siya. Tulungan mo kami, tulungan mo si Mariz!" ani Chona.
Lumapit si Jorelle sa may salamin at minsadan niya ito. Alam nyang parang may mali sa kanyang gagawin pero wala na siyang maisip na paraan para makatulong kung hindi ang pakawalan ang mga kaluluwa. Hahawakan na niya ang pinto ng cabinet ng biglang dumikit ang palad niya sa salamin.
BINABASA MO ANG
The Mirror #Wattys2016
HorrorThe Clairvoyant Files Series #1 Isang sikat na DJ si Jorelle Anne Dela Cruz Barnes ngunit hindi lang pagiging isang disk jockey ang kanyang trabaho. Isa rin siyang clairvoyant na trumatrabaho ng mga paranormal cases kasama ang kanyang mga kaibi...