Kapitulo IX - Pagkakaisa?

412 19 0
                                    

Kahit  namamaga na ang kanang kamay ni Lando, ipinagpatuloy pa rin niya ang pagbubukas sa mga pintuan ng pulang cube na kinaroroonan nila Dora. Natamo niya ang pinsalang ito sa cube na kulay lila, na naglabas ng mga palaso nang may maapakan siya sa sahig. Alam niyang makakasagabal iyon sa kanya kaya kahit napakasakit ay pinilit niyang alisin iyon nang makalabas siya roon.
"Kailangang makapasok ka agad sa pinto bago pa uli lumabas ang mga apoy," paliwanag niya kay Dora na hindi pa rin maayos ang pakikitungo sa kanya sa kabila ng pagliligtas niya sa buhay nito. Kung hindi siya nakarating sa asul na cube na kinaroroonan nito, siguradong namatay na ito dahil sa pagkalunod.
"Oo na.Gusto ko pang mabuhay kaya siguraduhin mong tamang pinto 'yang bubuksan mo," giit nito nang 'di man lang mabanggit ang kanyang pangalan kahit maayos naman siyang nagpakilala bilang si Lando.
Sa kabila ng mga nangyayari, hindi pa rin nagbabago ang pagmamahal niya kay Dora. Sa tamang pagkakataon, ipagtatapat niya rito kung sino siya sa buhay nito. Aaminin niya ang kanyang mga kasalanan at papatunayang mahal na mahal niya ito.
Sana po makaligtas pa kami. Gagawin ko po ang lahat makasama ko lang siyang muli, panalangin pa niya. Sa kabila ng ilang taon niyang pagtatakwil sa Diyos, muli siyang nanampalataya sa Kanya dahil muli na naman siyang nalalapit sa kamatayan.
Alam niyang marami pang panganib ang kanilang haharapin kaya kailangan niyang magpakatatag upang makaligtas silang dalawa. Kailangan nilang maging maingat sa kanilang bawat galaw dahil sigurado siyang may kung anong lalabas sa cube na kanilang kinaroroonan kapag may naapakan o nahawakan sila nang 'di sinasadya.
"Ano'ng nangyayari?" gulat na sabi ni Dora nang biglang lamunin ng kadiliman ang buong paligid.
"'Di rin ko alam. Basta humawak ka lang sa 'kin," sagot niya.
Hindi siya sinunod ni Dora subalit mahigpit na siyang hinawakan nito sa braso nang maramdaman nilang gumagalaw ang buong cube. Sabay pa silang napaupo dahil sa pagkawala ng balanse nang mabilis itong umikot pakanan. 
"Kung umikot din ang cube na 'to gaya ng violet, magbabago na ang daan palabas,"  aniya kahit tila hindi siya pinakikinggan nito.
Nang muling lumiwanag ay inulit niya ang pagbubukas sa mga pintuan dahil sa pagbabago nito. Maliban pa rin sa bahagi ng kisame dahil hindi niya ito maabot.
"Ito na ang daan palabas,"  aniya nang mapansing gumalaw ang pintuang bahagi ng sahig. "Ibababa kita nang dahan-dahan kaya humawak ka nang mahigpit sa mga kamay ko," paliwanag pa niya rito.
"Sige," matipid nitong sagot kaya mabilis na niyang binuksan ang pintong iyon.
Halos kalahati na ng katawan ni Dora ang nasa loob nang tumindi ang pananakit ng kanyang kanang kamay kaya muntik niyang itong mabitawan mabuti na lamang may mga kamay na biglang sumalo rito.

"DMITRI, 'di ko na kaya. Iwan mo na 'ko rito."
Ilang beses nang nagpumilit na magpaiwan si Manang Ayang pero isinasama pa rin siya ni Dmitri sa paglabas sa mga cube na kanilang nararating.
"Hindi kita kayang iwan, Manang. Ililigtas ko kayo dahil ako ang dahilan kung bakit kayo nadamay rito," giit niya dahil sa muling paninisi sa kanyang sarili.
Alam niyang unti-unti nang nanghihina ang katawan ni Manang Ayang dahil sa mga kapahamakang naranasan nito. Mula sa ilang araw na pananatili sa bilog na bakal na may malaking cutter hanggang sa mga asidong nalampasan nito kanina lamang. Bawat paghihirap na nararamdaman nito;  ni Dora ; at lalong-lalo na ang kanyang pamilya ay kasalanan niya.
Kahit buhay ko pa ang maging kapalit, sisikapin kong mailigtas kayo. Ito ang ipinangako niya sa kanyang sarili mula nang magsimula ang paghihiganti ng hindi pa rin niya nakikilalang kaaway.
"Maraming salamat, anak. Pero 'pag kailangan mo na talaga akong iwan, gawin mo para sa pamilya mo," giit  nito at bahagya pang ngumiti.
Naiintindihan niya ang gusto nitong ipahiwatig kaya muli na lamang niyang ipinagpatuloy ang maingat na pagbubukas sa mga bilog na pintuan.
Ayon sa kanyang obserbasyon, bawat cube ay may nakatagong trap na posibleng lumabas nang kusa kung gugustuhin ng taong gusto silang mamatay. O kaya kung may magalaw sila nang hindi sinasadya sa loob nito.
Sa ngayon ay tatlong cube na ang kanilang narating. Una, ang puting cube na mayroong kuryente, na masuwerte niyang natakasan. Ang orange cube ang ikalawa, kung saan niya nailigtas si Manang Ayang mula sa mga asido. At ang ikatlo ay kulay itim na kasalukuyan nilang kinaroroonan. Sa pagkakataong ito ay wala pang lumalabas na trap kaya kailangan nilang maging maingat sa kanilang bawat galaw.
"Manang, kumapit po kayo sa---" Akma na sana niyang bubuksan ang pintuang bahagi ng sahig nang biglang mamatay ang ilaw.
"Ano'ng nangyayari?" ani Manang Ayang nang pareho nilang maramdaman ang mabilis na paggalaw ng buong cube.
Nang muling bumukas ang ilaw ay agad niyang napansin ang pagbabago ng mga pintuan dahil sa mga markang inukit niya gamit ang isang susi sa mga nasubukan na niyang buksan.
"Umikot ang buong cube kaya nagpalit-palit ang mga pintuan," paliwanag niya.
Kahit na umikot pa ang cube, dalawang pintuan na lamang ang kailangan niyang subukang buksan.
"Kung 'di 'to ang daan palabas, nasa dingding na 'yon,"  aniya nang hindi niya mabuksan ang nasa bahagi ng sahig.
Kailangan na nilang makaalis kaya muli niyang inalalayan si Manang Ayang palapit sa dingding na nasa kanilang harapan.
Ilang saglit lamang ay nabuksan na niya ang pintuan palabas doon subalit nanlaki ang kanyang mga mata nang muli niyang makita si Janina, na nasa kabilang cube.
"Dmitri, nandito ako!" sigaw ng kanyang asawa nang makita rin siya nito.
"Mahal!" Kusang tumulo ang kanyang mga luha nang mapansin niyang umiiyak ito. "Sandali lang, papasok na kami ni Manang Ayang," paliwanag pa niya rito.
Subalit hindi lang pala si Janina ang naroon kundi maging ang mga taong bahagi ng paghihiganti laban sa kanya. Isang pagsasama-sama na inaasam niyang mangyari upang makahingi ng tawad sa mga ito. Lalong-lalo na kina Margaux at Karlo, kahit pa hindi nila tanggapin nang maayos ang kanyang pagsisisi.
Bahagya siyang napaatras sa pinto nang lumapit si Karlo upang tulungan siyang maipasok sa loob si Manang Ayang.
Pansamantala niyang binalewala ang presensiya ng ibang tao nang yakapin niya nang mahigpit si Janina.
"Mahal, 'wag ka nang umiyak. Hinding-hindi na kita iiwan," giit niya habang marahang hinahaplos ang likod nito.
"Akala ko hinding-hindi na kita makikita pa," ani Janina sa pagitan ng mga mahihinang paghikbi. "Akala ko rin, mamamatay na---"
"Tama na, Mahal. 'Wag kang mawalan ng pag-asa. Kahit ano pang mangyari, ililigtas ko kayo nina Ysabelle at Vladmir," putol niya sa pangangamba nito.
"Oo nga. Tama na 'yang drama n'yo, mamamatay pa rin tayong pare-pareho rito." Napatingin siya kay Margaux dahil sa mga sinabi nito.
"Tumigil ka na, Margaux. Akala ko ba gusto mo pang makabalik sa mga magulang mo, bakit nawawalan ka na naman ng pag-asa?" saway naman ni Karlo rito.
Binalewala na lamang niya ang mga sinabi ni Margaux upang pakinggan ang kanyang asawa. Ayon dito, naunang dumating sina Margaux at Karlo rito sa cube, na sinundan nina Dora at ng lalaking nagpakilalang si Lando.
Ngayong nasa iisang cube na lamang silang pito, maaaring mapadali ang kanilang kamatayan kung iyon ang nanaisin ng kanyang kaaway. Pero posible pa rin silang makalabas ng buhay kung sila ay magkakaisa lamang.
"Hindi ko hinihiling na patawarin n'yo ako sa mga kasalanan ko sa mga pamilya n'yo..." aniya habang matamang nakatingin kina Margaux at Karlo. "Pero alam kong pare-pareho nating gusto pang makalabas nang buhay rito kaya sa ayaw o gusto n'yo makikipagtulungan kayo," giit pa niya.
"Pero paano tayo makakaalis dito, Dmitri?" usisa ni Dora na katabi na si Manang Ayang.
"Baka bago pa mangyari 'yon ay mamatay na tayo sa trap na nakatago rito," sarkastikong sabi ni Lando.
"Kaya kailangan na nating kumilos agad," sagot niya saka mabilis na lumapit sa pintuang bahagi ng sahig.
"Kahit isa-isa pa tayong mamatay, kailangang balikan ang mga cube na narating natin. 'Yon lang ang tanging paraan para makita natin ang daan paalis sa mga cube na 'to," paliwanag ni Karlo na sinang-ayunan niya.  
"Kung pito tayong nasa loob nito, mayroon ding pitong cube. At pang-walo ay 'yong walang trap na nakalagay," dagdag pa ni Margaux.
"Posible nating maiwasan ang mga trap dahil alam na natin kung anong kulay ng cube lalabas ang mga 'yon," paliwanag naman niya.
"Okay. Ako na ang magsisimula," ani Karlo. "Apoy ang nasa loob ng pulang cube."
"Laser, sa yellow cube," ani Margaux.
"Sa blue, tubig," ani Dora.
"Mga palaso sa loob ng violet," ani Lando.
"Asido ang nasa orange," ani Manang Ayang.
"Sa puting cube ay may kuryente," aniya bago niya binalingan si Janina, "Dito sa green, mahal?"
"Hindi ko pa rin alam kahit ilang oras na akong nandito. Ilang beses ko pang sinubukang buksan ang mga pinto pero hindi ko magawa. Kaya nga nagtaka ako nang mabuksan n'yo ang mga 'yan," paliwanag ni Janina.
"Naiintindihan ko, Mahal," aniya saka bumaling sa iba pa nilang kasama, "Sa palagay ko, sinadyang buksan ang mga pintuan para magkasama-sama tayo sa iisang cube. Kapag umalis na tayo rito, magsisimula na rin ang bago niyang plano. Kaya posibleng magbago-bago pa rin ang mga daan palabas sa bawat cube," paliwanag niya ayon sa kanyang hinala.
"Tama ka," sagot ni Karlo. "Kaya kailangan na nating magplano agad dahil baka mayamaya, may trap nang lumabas dito."
"Okay. Simulan natin sa paghahanap ng tamang daan palabas," mungkahi niya. "Kung may walong cube, may twenty-four na pintuan sa outer layer nito. May twenty-four na pintuan din sa inner layer nito pero magkakadikit naman," paliwanag pa niya ayon sa kanyang imahinasyon tungkol sa cube.
"Gaya ng isang rubix cube, puwedeng mabago-bago ang kinalalagyan ng bawat cube, na nangyayari kapag nawawalan ng ilaw sa loob nito," paliwanag naman ni Karlo.
"Kapag nahanap na natin ang tamang pintuan, isang lalaki ang unang papasok para tulungan makapasok nang mabilis ang mga babae," ani Lando habang matamang nakatingin kay Dora.
"'Pagpasok natin loob, kailangang tumapat na tayo sa bawat bilog na pinto para nakahanda na tayo sa sabay-sabay pagbubukas ng mga 'to. Maliban sa nasa kisame dahil kailangang dalawang tao ang magbukas n'on," paliwanag ni Margaux.
"Kung naiintindihan na ng lahat ang plano, simulan na natin," ani Dora kaya isa-isa na silang tumapat sa mga bilog na pintuan.
Akma na sana nilang bubuksan ang mga pintuan, nang biglang gumalaw ang buong cube. Mahigpit silang kumapit sa isa't isa upang hindi mabuwal sa kanilang kinaroroonan.
"Ang tagal nang pag-ikot ng---" ani Margaux na bigla na lamang hinimatay matapos nitong magsalita.
Na sinundan din nang pagbagsak nina Manang Ayang at Janina kaya agad niya itong niyakap.
"N-nahihirapan na rin akong h-huminga," bulong pa ni Dora bago tuluyang nawalan ng malay.
"Malapit nang maubusan ng oxygen dito sa loob kaya kailangan na nating mahanap ang tamang pintuan," giit ni Karlo, na agad sinubukang buksan ang ilang mga pintuan kahit na mahirap gawin dahil sa patuloy na paggalaw ng cube.
Tumulong na rin siya at si Lando sa pagbubukas kaya mabilis nila itong nahanap, kasabay nito ang paghinto sa paggalaw ng cube.
"Kailangang makalabas na tayo rito," ani Karlo nang mabuksan nito, sa tulong niya ang bilog na pintuang nasa bahagi ng kisame. "Violet cube kaya mag-iingat kayo sa loob," giit pa nito.
Nagdesisyon siya na unang pumasok sa loob ng cube na iyon. Pinagtulungan naman nina Lando at Karlo ang marahang pag-angat sa mga babae. Una si Manang Ayang at Margaux dahil sa kalagayan ng mga ito.
Magkakatabi nilang ihiniga ang mga katawan ng mga ito sa sahig. Nang makapasok na sina Karlo at Lando ay sabay-sabay nilang ginising ang mga ito.
"Mahal, ano'ng nangyari?" usisa sa kanya ni Janina nang magkamalay ito.
"Nang mabuksan ang tamang pinto sa green cube, nawalan naman ng oxygen," paliwanag niya.
"Kung maayos na kayo, p'wede na tayong magpatuloy..." ani Karlo, na nakatayo na sa harap ng pintuang nasa sahig.
Mabilis namang kumilos ang iba maliban pa rin kina Margaux at Manang Ayang. Pinisil pa niya ang kamay ni Janina bago sila tumapat sa mga pintuang bahagi ng dalawang magkatabing dingding.
Masyadong mabilis ang pangyayari, akma na sanang bubuksan ni Lando ang pintuang nasa isa sa mga dingding nang mapansin niyang may lumubog na tiles sa kinatatayuan nito.
Isang itim na palaso ang mabilis na lumabas at tumama sa noo ng isa sa kanila!

Itutuloy...

2016©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro

I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon