Kapitulo XII - Sakripisyo

414 15 1
                                    


"Kung walang trap dito sa black cube, posibleng nandito rin ang tamang daan paalis sa malaking cube."
"Tama ka. O posibleng hindi lang isang pintuan ang mabuksan natin," dagdag pa ni Dmitri sa sinabi ni Karlo. Kung tama ang hinala nito, kailangang mahanap nila iyon sa lalong madaling panahon.
"Sige, simulan na natin ang paghahanap," ani Dora saka lumapit sa pintuang bahagi ng sahig.
Si Karlo ang nagboluntaryong magbukas sa apat na mga dingding. Samantala, siya at si Janina naman ang bahala sa nasa kisame.
Makalipas ang ilang minuto, nakapagtatakang bigo silang mabuksan ni isa man sa anim na bilog na pintuan.
"Bakit wala tayong mabuksan sa mga pintuan?" malungkot na sabi ni Janina. Hinawakan niya ang kamay nito at matamang tinitigan.
"Gagawa ako ng paraan," sagot niya nang isang ideya ang maisip niyang gawin upang mailigtas ito at ang kanilang mga kasama.
"Ano 'yon, Mahal?"
"Ano'ng balak mong gawin?" usisa naman ni Emerald.
Hindi na siya umimik pa bagkus ay tumayo siya sa pinakagitnang bahagi ng cube.
"Alam kong naririnig mo 'ko ngayon," giit niya habang nakatingala sa kisame. Sigurado siyang pinanonood ng taong iyon ang kanilang pakikipaglaban sa kamatayan, "Ako ang kailangan mo kaya pakawalan mo na sila," pakiusap pa niya saka bumaling sa umiiyak niyang asawa.
"'Wag mong gawin 'to, Dmitri. Hinding-hindi kita iiwan dito," giit pa ni Janina habang mahigpit siyang yakap, "Akala ko ba, magkasama tayong lalaban?!"
Bumitaw siya sa mga bisig ni Janina at marahang pinunasan ang mga luha nito. "Hindi ko kayang isakripisyo ang buhay n'yo para sa paghihiganti niya," nakangiti niyang paliwanag habang hinahaplos ang pisngi nito.
"Pero hindi ko kayang mawala ka sa amin," sagot ni Janina sa pagitan ng mga hikbi.
"Alam ko 'yon dahil hindi ko rin kaya. Pero kailangan ko kayong iligtas."
Hindi na nakapagsalita pa si Janina dahil sa paghagulgol nito ng iyak. Kaya sa bawat pagpatak ng mga luha nito, tila inuukit ng patalim ang kanyang puso.
"Dmitri, please 'wag mong gawin---"
Pare-pareho silang nawalan ng balanse dahil sa mabilis na pag-ikot ng buong cube. Agad silang umupo ni Janina sa sahig at mahigpit na humawak sa bilog na pintuan upang hindi gaanong masaktan.
"Pakawalan mo na kami rito!" sigaw ni Dora, na muntik nang makabitaw sa pagkakakapit niya sa isa sa mga pintuan.
"Sinasabi ko na nga ba, hindi siya papayag na buhayin kami," giit naman ni Karlo, na ilang beses na humampas ang katawan sa mga dingding kahit na nakakapit pa siya sa isa sa mga pintuan. "Dmitri, kunin mo ang mga susi na hawak namin ni Dora dahil posible 'yong makatulong sa 'yo..."
"Sige. Gagawin ko," sagot niya rito kahit hindi niya alam kung bakit nito nasabi iyon.
Makalipas ang ilang minuto, nanlaki ang mga mata nilang mag-asawa dahil kasabay ng paghinto ng cube, ang kahindik-hindik na pagkamatay ng kanilang mga kasama. Si Karlo ay nakahiga sa sahig at halos kinain na ng asido ang kalahati ng katawan nito, mula mga paa hanggang beywang.  Samantala, naidikit naman sa isa sa mga dingding si Dora sa pamamagitan ng tatlong palasong tumama sa noo at sa mga mata nito.
"Hindi ko hahayaang mapahamak kayo kaya ako na ang tatapos nito," giit niya habang mahigpit na yakap si Janina. Naging alerto rin siya sa mga trap na posibleng lumabas sa cube, kung saan tila naroon ang lahat ng trap na kanilang kinaharap.
Mabilis niyang nilapitan ang katawan ng kanilang mga kasama nang maalala niya  ang mga susing itinatago ng mga ito.
Anim na susing may nakaukit na mga letra ang kanyang hawak ngayon. Letrang D, I at R mula kay Karlo. Samantala, letrang M at T naman ang mula kay Dora. Ang huli ay may letrang I mula kay Lyzaner.
"Pangalan mo ang bubuo sa mga letrang 'to, Mahal," ani Janina na tinanguan na lamang niya, "Pero para sa'n kaya ang mga 'to?"
"Malalaman din natin 'yon dahil haharapin ko na siya..." giit niya.
"Halika rito sa impyerno, Dmitri Morris." Nagkatinginan na lamang silang mag-asawa nang umalingawngaw ang isang boses sa loob ng cube. Kasabay nito ang mabilis na pagkalat ng puting usok kaya agad silang nakaramdam ng pagkahilo.
"Lord, iligtas N'yo po ang aming pamilya," panalangin na lamang ni Janina bago ito bumagsak sa kanyang mga bisig. Marahan pa niya itong ihiniga sa sahig kahit na nahihirapan na rin siyang huminga.
O Diyos ko, isinusuko ko na po ang aking sarili sa Inyo. Kayo na po ang bahala sa akin, lalong-lalo na sa aking pamilya.
"Hihintayin ka namin..." Ito ang mga huling salita na kanyang narinig bago siya tuluyang nawalan ng malay.

I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon