Kapitulo V - Susi

720 31 3
                                    


"Sa palagay mo, makakaalis pa kaya tayo rito?"

Napatingin na lamang si Dmitri kay Dora dahil sa mga sinabi nito. Alam niyang unti-unti na itong nawawalan ng pag-asang mabubuhay pa sila. Siya rin naman nakakaramdaman ng ganoon subalit pinanlalabanan niya na lamang iyon. Sapagkat kailangan niyang maging matatag upang mailigtas ang kanyang pamilya.

"Pasensya na, Dmitri. Hindi ko na talaga alam kung ano'ng iisipin ko," ani Dora nang mapagtanto siguro nito na hindi niya dapat sinasabi ang mga salitang iyon.

"Naiintindihan kita da..." Hindi na niya naituloy pa ang kanyang sasabihin nang matanaw niya ang isang malaking bagay sa 'di kalayuan. "Dito ka lang. May titingnan ako ro'n," agad niyang paalala kay Dora bago siya dahan-dahang lumapit sa bagay na iyon.

Isang puting cube ang naroon gaya ng pinagkulungan sa kanya noon. Halos kalahati na lamang iyon na sigurado siyang nasira dahil sa pagsabog. Sa kabila nito ay maingat pa rin niyang sinilip kung may tao pa ba roon. Mahirap nang maging kampante sa kalagayan nila ngayon.

"Kung sino man ang nakakulong dito, siguradong hinahanap na rin niya ako ngayon," aniya saka siya palihim na bumaling kay Dora. Posible kayang nanggaling din siya sa isa sa mga ganito?

"Ano? May tao pa ba d'yan?" ani Dora kaya agad na siyang tumayo upang palapitin ito.

Matama niyang sinuri ang buong cube nang makalapit na si Dora. Naisip niyang puwede nilang gawing pansamantalang taguan iyon habang nagpapahinga silang dalawa pero hindi sila maaaring magtagal doon dahil kailangan nilang magpatuloy sa paglalakbay.

"Dito muna tayo para makapagpahinga ka," deklara niya.

"Sige, para makain na natin 'tong mga prutas na nakuha ko kanina," sagot ni Dora matapos nitong umupo sa loob ng cube.

"Mauna ka nang kumain," aniya nang mahawakan niya ang isang maliit na bahagi ng cube na napulot niya roon. Bahagya pa siyang lumayo upang suriin iyon nang mabuti.

"--nesis Corporation," basa niya sa mga salitang nakasulat doon. Genesis Corporation nga kaya 'to? Isang international company na gumagawa ng mga high-tech na kulungang gaya ng cube na 'to, aniya sa sarili.

Minsan na niyang narinig ang kompanyang iyon mula sa kanyang Ninong Richard. Ayon dito ang Genesis Corporation ang lihim na gumagawa ng mga cube na nagkakahalaga ng halos dalawa hanggang tatlong milyong dolyar, na ginagamit ng ilang bansa upang ikulong ang kani-kanilang mga natatanging bilanggo. Kung ganoon kamahal ang mga cube na iyon, sigurado siyang hindi ordinaryong tao ang kanyang binabangga.

"Dmitri, kumain ka na," tawag sa kanya ni Dora kaya napilitan na siyang puntahan ito.

Nang makapasok siya sa loob ng cube ay agad nitong iniabot ang isang hinog na papaya. "Ano'ng nalaman mo?" pag-uusisa pa nito na sinagot na lamang niya ng iling.

"Nalaman ko lang kung ano'ng kompanya ang may gawa ng mga cube na gaya nito," paliwanag pa niya matapos niyang lunukin ang kinakain niyang papaya.

"Makakatulong ba 'yon sa 'tin?"

"Hindi," matipid niyang sagot saka niya ipinagpatuloy ang pagkain. Hindi na nagtanong pa si Dora kaya pansamantalang nangibabaw ang katamikan sa pagitan nilang dalawa.

HALOS isang oras lamang silang nanatili sa cube na iyon. Muli silang nagpatuloy sa paglalakbay kahit hindi nila alam kung saan sila patutungo. Ang mahalaga ay maging maingat upang hindi sila mapahamak sa anumang posible nilang kaharapin.

"Sandali lang. May naririnig ako..."

Agad na napahinto sa paghakbang si Dora nang biglang magsalita si Dmitri.

I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon