Kahit nahihirapan sa paglalakad ay nagawa pa ring makalayo ni Lyzaner mula sa lugar kung saan niya naramdamang tila may mga matang nakatingin sa kanya.
"Sana 'di niya 'ko nasundan," nanginginig niyang sabi habang patuloy na binabagtas ang isang masukal na daang laganap ang mga makahiyang agad na tumitiklop ang mga dahon dahil sa pagsagi niya sa mga ito.
Subalit napahinto siya sa paghakbang nang matanaw niya ang isang malaking ahas na halos isang dalawang dipa lamang mula sa kanyang kinatatayuan. Bahagyang mabilis ang paggapang nito kaya alam niyang anumang gawin niyang ingay ay mababahala ito at mararamdamang malapit lang siya.
Dahan-dahan siyang umatras upang makaligtas sa pagtuklaw nito subalit sa kasamaang-palad ay may nabunggo siya mula sa kanyang likuran kaya agad siyang napasigaw.
"Tumigil ka kung ayaw mong mapansin niya tayo..." ani ng isang pamilyar na boses habang nakatakip ang kanang kamay nito sa kanyang bibig.
Agad siyang nakaramdam ng matinding galit dito pero hindi niya maigalaw ang kanyang kamay upang kunin ang balisong sa kanyang bulsa.
Nang tuluyang makalagpas ang ahas sa kanilang dalawa ay agad din siyang binitiwan nito."Bakit 'di mo pa 'ko hinayang tuklawin ng ahas na 'yon?" panunumbat niya rito.
Hindi siya sinagot nito bagkus ay tinitigan lamang ang kanyang mga mata. Tila ba naghihintay ito sa mga paliwanag niya.
"Oo. Tama ka Sir Dmitri. Nag-apply akong secretary mo para maipaghiganti si Orville Warren Woo," giit niya subalit wala pa ring naging reaksyon si Dmitri. Seryoso pa rin siyang tinititigan nito.
"Pinatay mo siya at ang anak namin kaya dapat kitang patayin!"
Inundayan niya ng saksak si Dmitri pero nailagan nito ang kanyang ginawa. Inagaw pa nito ang balisong at mahigpit na hinawakan ang kanyang mga kamay mula sa kanyang likuran.
"Naiintindihan ko kung gaano ka kagalit sa'kin, Lyza. Pero bakit kailangan mo pang idamay ang pamilya ko? Sana ako na lang ang saktan mo dahil handa akong mamatay para sa kanila," malumanay nitong paliwanag sa kanya.
Hindi na siya sumagot pa dahil hindi na niya kailangang magpaliwanag pa.
"Kung gusto mo 'kong patayin, bakit 'di mo agad ginawa no'ng magkasama tayo?"
Hindi niya ginawa dahil gusto niyang unti-unting munang masira ang pangalan ni Dmitri bago niya ito patayin. Subalit mukhang hindi na niya magagawa pa.Naghintay siya ng halos pitong taon para lang maipaghiganti si Warren pero parang mababalewala lang iyon dahil sa taong gumagamit sa kanya ngayon.
Akala niya mamamatay na siya dahil sa ginawa ng taong iyon pero binuhay siya nito upang maging kasabwat sa malaking plano nito para kay Dmitri. Bilang paalala sa kasunduang iyon ang pagkasira ng kanyang pagkababae, na halos ilang araw na niyang iniinda ang pananakit nito.
"Magsalita ka Lyza. Marami pa 'kong gustong malaman," pakiusap ni Dmitri matapos siyang itulak palayo sa katawan nito. Ihinagis pa nito ang balisong sa lupa, malayo sa kanyang kinasadlakan.
"Wala kang malalaman sa'kin, Dmitri," matigas niyang sagot.
"Gusto kong marinig ang mga paliwanag mo. Alam kong nadala ka lang ng matinding galit mo sa'kin pero naniniwala akong mabait kang tao."
Sarkastiko siyang napangiti dahil sa mga sinabi ni Dmitri. Hindi siya mabait dahil matagal ng kinain ng galit ang kanyang pagkatao. Kaya hanggang nabubuhay pa siya gagawin niya ang lahat upang maipaghiganti si Warren at ang kanilang anak.
"Lyza, please..."
Akma na niyang kukunin ang kanyang balisong nang muli siyang mapilipit dahil sa pananakit ng kanyang pagkababae. Agad siyang nilapitan ni Dmitri pero marahas niya itong itinulak.
BINABASA MO ANG
I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)
Tajemnica / ThrillerBook 3 | IKWKM Trilogy "Sa larong ito, buhay mo at ng iyong asawa't mga anak ang nakataya. Kailangan mong malagpasan ang isang linggong pagsubok na siguradong maglalagay sa 'yo sa bingit ng kamatayan. Kaya kapag hindi mo nagawa 'yon, hindi mo sila m...