Kapitulo III - Isla

731 25 1
                                    

Sa huling pagkakataon ay pinigil ni Karlo ang kanyang paghinga dahil sa tuluyang pagsakop ng tubig sa kanyang kulungan. Subalit hindi nito napawi ang paniniwala niyang makakalabas siya ng buhay mula roon. Ilang beses pa siyang nakainom ng tubig. Nalasahan niyang maalat iyon kaya agad niyang naisip na nasa ilalim siya ng dagat ngayon.

Kailangang ko ng makaalis dito! sigaw ng kanyang isipan kaya mabilis niyang pinihit ang tatlong numerong malaking bahagi ng kanyang buhay upang makalabas na roon.

Agad siyang lumangoy paitaas nang tuluyan siyang makawala sa kulungang iyon. Pinuno niyang muli ng hangin ang kanyang mga baga habang inililibot niya ang kanyang mga mata sa paligid. Hindi naman pala ganoon kalalim ang pinaglaglagan ng kanyang kulungan dahil natatanaw pa niya ang isang malawak na dalampasigan ilang kilometro mula sa kanyang kinaroroonan.

Matapos makapagpahinga ng ilang minuto ay agad siyang lumangoy palapit sa isla na kanyang natatanaw. Mabuti na lamang marunong na siyang lumangoy kaya hindi na gaanong manganganib ang kanyang buhay. Subalit, alam niyang may naghihintay sa kanyang panganib sa islang kanyang pupuntahan pero mas manganganib siya kapag nagtagal siya sa dagat dahil posibleng maamoy ng mga pating ang sugat niya sa likod. Isa pa, hindi niya alam kung gaano kalayo ang kanyang lalanguyin upang muling makatagpo ng isa pang isla. Kaya wala na siyang magagawa kundi muling ipagsapalaran ang kanyang buhay.

Hapong-hapo siya nang makarating sa dalampasigan ng islang kanyang natanaw kaya hindi na niya napigilan ang pagpikit ng kanyang mga mata.

Nang muli siyang magkamalay ay nangingibabaw na ang liwanag sa buong paligid. Agad niyang naramdaman ang pagkalam ng kanyang sikmura kaya agad siyang bumangon upang makapaghanap ng makakain.

Naisip niyang tahakin ang isang daan papasok sa loob ng isang madawag na gubat. Ilang hakbang pa lamang ang kanyang nagagawa nang makaapak siya ng isang patibong, na naging dahilan upang makulong siya sa isang lambat na nakaangat ng ilang talampakan mula sa lupa.

"Welcome to Deadly Survival Game, Karlo Ibanez." Isang boses ang kanyang narinig na hindi niya mawari kung saan nga ba nagmumula. "Sa larong ito, buhay mo ang nakataya. Kailangan mong malagpasan ang isang pagsubok na siguradong maglalagay sa'yo sa bingit ng kamatayan. Kaya kapag hindi mo nagawa 'yon, magkita na lang tayo sa Impyerno..."

"Hindi mo na kailangang ulit-ulitin pa," giit niya dahil bago siya makulong sa cube na iyon ay alam na niyang may mangyayari pang pagsubok.

Muli siyang napilitang makipagkasundo sa isang demonyo dahil iyon ang kapalit ng mga bagay na ibinigay at ginawa nito para sa kanyang paghihiganti. Matagal na niyang alam na naghihiganti rin ang demonyong iyon kay Dmitri kaya nang itakas niya si Ysabelle ay pinarusahan siya nito. Iyon ang sariwa pa ring sunog mula sa kanyang likod pababa sa kanyang mga paa, na patuloy pa rin niyang iniinda upang kahit paano ay maipagpatuloy ang kanyang nasimulan.

Gamit ang kanyang maliit na balisong ay pilit niyang pinutol ang ilang bahagi ng lambat upang makawala siya roon.

"Sisiguraduhin kong ang balang 'to makakapatay sa 'yo Dmitri Morris," giit pa niya habang pinagmamasdan ang baril na nagtataglay lamang ng isang bala.

Ipinagpatuloy niya ang paglalakad papasok sa gubat dahil sa paniniwalang anumang sandali ay magkakatagpo silang muli nito. Sa pagkakataong iyon ay sisiguraduhin niyang mapapatay muna niya si Dmitri bago siya pamatay ng demonyong kanyang nakakasunduan.

MATAMANG pinagmasdan ni Dmitri ang susing ibinigay sa kanya ni Lyza. Alam niyang mahalaga ito kaya hinubad niya ang kanyang suot na kwintas upang ipalawit doon ang susing iyon. Sana lang malaman niyang kung ano ang gamit nito sa lalong madaling panahon.

I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon