"Margaux!"
Halos magkasabay na napasigaw sina Janina at Dora nang makita nila ang pagtama ng isang itim na palaso sa noo ni Margaux. Na naging dahilan ng pagkakadikit ng katawan nito sa isa sa mga dingding.
Gusto sana ni Dmitri na lapitan si Margaux pero mas nananaig sa kanyang sistema ang pag-aalala sa mga posibleng mangyari. Hindi na rin nakagalaw ang iba pa dahil sa takot na may lumabas na namang palaso sa bawat mali nilang galaw.
Binalewala niya ang pag-aalalang iyon nang muling mapaiyak si Janina. Agad niya itong nilapitan at niyakap nang mahigpit.
"Mahal, tama na," pang-aalo na lamang niya sa kanyang asawa na hindi pa rin mapigilan ang paghikbi. Walang mangyayaring masama sa inyo. Hinding-hindi ko hahayaang mangyari 'yon, giit pa niya sa kanyang sarili.
"Sorry. Hindi ko sinasadya. Kasalanan ko..." natatarantang sabi ni Lando.
"Wala ka nang magagawa kaya tumigil ka na," inis na sagot ni Dora habang matalim na nakatitig sa mga mata nito.
"Kailangan nating maghintay ng ilang minuto bago nating buksan ang mga pintuan," ani Karlo na maingat na lumapit sa wala nang buhay na si Margaux. Dahan-dahan nitong inalis ang pagkakadikit ng palaso sa dingding upang maihiga nang maayos ang katawan ng kanilang kasama. Ipinikit pa nito ang mga mata ni Margaux na nanlaki dahil sa pagkagulat sa nangyari, "Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa. Makakasama mo na ang Ate Monique mo," bulong pa nito saka bahagyang ngumiti.
Ilang minutong nangibabaw katahimikan sa buong cube, na binasag ng pagtatangka ni Lando na buksan ang pintuang nasa isa sa mga dingding.
"Umalis na tayo rito," giit nito nang mabuksan ang tamang daan palabas. "Yellow cube kaya mas kailangan nating mag-ingat," paliwanag pa nito, na nagpatiuna na rin sa pagpasok sa cube na iyon.
Si Manang Ayang pa rin ang nauna nilang ipinasok kahit pa nagpumilit itong iwan na siya sa violet cube.DORA, hindi ko hahayaang mamatay ka sa cube na 'to. Kahit buhay ko pa ang maging kapalit, mailigtas lang kita.
Napalunok na lamang si Lando nang pagtaasan siya ng mga kilay ni Dora dahil nahuli siya nitong nakatitig.
Gustong-gusto na sana niyang sabihin dito ang kanilang ugnayan pero lagi naman siyang tinititigan nito nang masama. Ito na ang hinihintay niyang tamang panahon upang ipagtapat ang kanyang tunay na pagkatao.
"May gusto sana akong sabihin sa 'yo, Dora," aniya nang maisip niyang ito na ang tamang panahon upang ipagtapat niya iyon. "Bago pa may mangyaring masama sa akin..."
Hinarap siya ni Dora at muli siyang tinitigan nang masama. "Ano'ng problema mo?!" sigaw pa nito nang hindi agad siya makapagsalita.
"Ano'ng nangyayari sa inyo?" usisa ni Dmitri na pumagitna na sa kanilang dalawa.
"Ayokong mamatay nang 'di niya nalalaman kung gaano ko siya kamahal," paliwanag niya ikinagulat ng kanilang mga kasama.
"Ano'ng pinagsasabi mo, Lando? Hindi kita kilala kaya tumigil ka na," giit ni Dora.
"Hindi mo ba talaga siya nakikilala o naaalala?" sabad ni Manang Ayang, tumitig pa sa kanyang mga mata. "Siya ang kasintahan mo."
"Hindi ko siya kilala," ani Dora at tumalikod na lamang sa kanila.
"Mahal na mahal kita noon pa man, Dora. Ako ang nakasama mo sa loob ng ilang taon mula nang lumayas ka sa Hacienda Morris," paglalahad niya. "Pero ang pagmamahal na 'yon ay naging obsesyon nang malaman kong si Dmitri ang tunay mong mahal."
Binalingan niya si Dmitri na napayuko na lamang habang hawak ang kamay ng asawa nito.
"Tumigil ka na," giit ni Dora, na hindi pa rin siya hinaharap.
"Dahil sa sobrang pagmamahal ko sa 'yo, nasaktan kita at muntik nang mapatay," pagsisiwalat niya habang unti-unting umiiyak dahil sa sobrang pagsisisi, "Pero matagal ko nang pinagsisisihan 'yon, Dora. Kaya kung mamamatay ako para mailigtas ka, gagawin ko," giit pa niya.
Nilapitan siya ni Dora at malakas na sinampal. "Wala akong pakialam kung sino kang siraulo ka. Gusto ko pang mabuhay kaya kailangan kong makalabas dito."
"Tama na 'yan. Nasabi mo na sa kanya ang gusto mo kaya kumilos na tayo uli," ani Karlo na marahang lumapit sa bilog na pintuang nasa sahig pero hindi nito nabuksan iyon.
Hindi na siya kumilos pa dahil sapat na ang naging reaksiyon ni Dora upang mawalan siya ng ganang mabuhay. Subalit gaya ng ipinangako niya sa kanyang sarili, ililigtas niya ito.
"Kung wala sa mga dingding at sahig, nasa taas ang daan," ani Janina kaya agad namang kumilos sina Dmitri at Karlo upang mabuksan iyon.
"Kapag nabuksan natin ang pintuang 'to, lalabas ang mga laser kaya iwasan n'yong mabuti," paliwanag pa ni Karlo na siyang nakatakdang magbukas niyon.
BINABASA MO ANG
I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)
Mystery / ThrillerBook 3 | IKWKM Trilogy "Sa larong ito, buhay mo at ng iyong asawa't mga anak ang nakataya. Kailangan mong malagpasan ang isang linggong pagsubok na siguradong maglalagay sa 'yo sa bingit ng kamatayan. Kaya kapag hindi mo nagawa 'yon, hindi mo sila m...