Kapitulo I - Cube

977 35 0
                                    


Lord, please gabayan N'yo po ang aking pamilya. 'Wag N'yo pong hayaang masaktan sila...Ako na lang po...

Taimtim munang nanalangin si Dmitri bago siya dahan-dahang lumabas sa kanyang kotse.

Nang tuluyan siyang makalabas ay agad niyang napansin ang isang itim na van, na nakaparada rin sa harap ng San Sebastian Cathedral, at ilang dipa lamang ang layo sa kanyang nakaparadang sasakyan.

"Dmitri Morris," ani ng isang matangkad na lalaking sumalubong sa kanyang paglalakad. "Sumunod ka sa'kin..." kapagdaka'y utos nito, na agad niyang sinunod.

Matapos ang ilang hakbang ay nakarating na sila harap ng itim na van. Nakabukas ang pinto nito kaya agad siyang pumasok sa loob. Agad ding siyang piniringan ng lalaking nakatabi niya sa upuan. Tinalian pa ang kanyang mga kamay paharap sa kanyang katawan kahit pa wala siyang balak na manlaban.

Ilang sandali lamang ay naramdaman na niya ang pag-andar ng kanilang sasakyan.

Mahal, hintayin N'yo 'ko. Parating na ako para iligtas kayo...

Halos wala pang limang minuto ang nakakalipas nang maramdaman niya ang malakas na pagpalo ng kung anong bagay sa kanyang batok. Nahilo siya hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng malay.

"HINDI MO 'KO MALOLOKO!"

Halos mabuwal si Lyzaner sa kanyang kinatatayuan nang sigawan siya ni Warren. Napayuko na lamang siya dahil sa pagkaawa sa kanyang sarili.

"Hinding-hindi ako maniniwalang akin 'yang ipinagbubuntis mo. Alam kong peperahan mo lang ako," giit nito kaya hindi na niya naapula ang pagtulo ng kanyang mga luha.

Pareho nilang alam na may nangyari sa kanilang dalawa nang gabing sila ay malasing. Aminado siyang pinangarap niyang mangyari iyon pero itinatak na niya sa kanyang isipan na masasaktan lamang siya sa bandang huli.

"Umalis ka na sa condo ko bago pa kita ipakaladkad sa mga guards," pagbabanta pa ni Warren kaya nanlulumo siyang tumalikod dito.

Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa pintuan habang patuloy na umiiyak. Hanggat kaya pa niyang magtiis, maghihintay siya na mahalin din siya nito.

"Ang kapal ng mukha mong ipaangkin sa'kin 'yan. Sisirain mo lang ang career ko!" panunumbat pa nito.

Gustong-gusto niyang sagutin si Warren pero pinigilan niya ang kanyang sarili. Kung may balak talaga siyang sirain ang career nito, sana ay ipinialam na lang niya sa mga showbiz reporter ang kanyang kalagayan. Sana hindi siya nagtatago kahit sa manager, personal assistant o maging sa iba pang fans nito. Alam niya kung gaano kahalaga kay Warren ang singing career nito kaya hindi niya kayang sirain iyon.

"Anak, 'wag kang mag-alala, hindi ka pababayaan ni Mama. Balang araw, mamahalin din tayo ng Papa mo..." malungkot niyang sabi habang hinahaplos ang kanyang tiyan.

Ang gabing iyon ang huli nilang pagkikita ni Orville Warren Woo. Nakuntento na lamang siyang panoorin ang pagkanta ng kanyang pinakamamahal sa iba't-ibang palabas nito sa telebisyon. Agad din niyang binibili ang mga bagong album nito at pinakikinggan iyon habang kinakausap ang kanilang magiging anak. Sa kabila ng pagtalikod ni Warren sa kanilang mag-ina, masaya dahil sa unti-unting pag-angat ng career nito.

Apat na buwan na ang kanyang ipinagbubuntis nang malaman niya ang panliligaw ni Warren kay Isabelle Kae. Matagal na niyang alam na kinahuhumalingan nito ang babaeng iyon kaya hindi niya naiwasang masaktan. Subalit tila tuluyan nang gumuho ang kanyang mundo nang malaman niya ang karumal-dumal na pagpatay kay Warren. Dumadagdag pa sa dagok ng kanyang buhay ang pagkawala ng kanilang anak dahil sa pagkahulog niya sa hagdan nang araw na iyon.

I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon