Ang mariing halik sa noo ni Janina ang naging daan upang siya ay magising. Nang imulat niya ang kanyang mga mata ay nasilayan niyang muli ang maamong mukha ng kanyang asawa.
"Mahal, 'wag ka ng mag-alala. Hinding-hindi na tayo magkakalayo..."
Nakaramdam siya ng katiwasayan ng loob dahil sa mga sinabi ni Dmitri. Marahan niyang hinaplos ang pisngi ng kanyang asawa habang nakatitig sa mga mata nito.
"Nasa'n na sina Jan Vladmir at Jana Ysabelle?"
Hindi na siya sinagot ni Dmitri bagkus ay inilalayan siya nitong tumayo upang lumapit sa kuna ng kanilang mga anak.
"Miss na miss ko na kayo," naiiyak niyang sabi habang nakatingin sa mukha ng kanilang mga anak na mahimbing na natutulog.
Ihinilig ni Dmitri ang kanyang ulo sa dibdib nito habang mahigpit nitong hawak ang kanyang kanang kamay. "Hinding-hindi na tayo magkakalayo pa, mahal," pangako pa sa kanya nito.
"Maraming-salamat, mahal." Akma niyang hahalikan ang mga labi ng kanyang asawa nang biglang mamatay ang ilaw sa kanilang kwarto. "Mahal? Ano'ng nangyayari?"
Halos limang minutong nangibabaw ang kadiliman, kasabay niyon ang paulit-ulit niyang pagtawag sa pangalan ng kanyang asawa't mga anak.
"'Wag n'yo kong iiwan ulit! Nasa'n na kayo, mahal?"
Nang muling manumbalik ang liwanag ay hindi na niya nakita pa ang kanyang pamilya. Subalit hindi lang sila ang naglaho kundi maging ang buong paligid. Sapagkat tanging siya na lamang ang nakatayo ngayon sa isang malawak na puting kawalan.
"Dmitri! Vladmir! Ysabelle!"
"Janina! Vladmir! Ysabelle!"
Umalingawngaw ang bahaw na tinig ni Dmitri nang magising siya sa isang masamang panaginip. Nasa loob pa rin siya ng kanyang kotse subalit hindi niya namalayang nakaidlip na pala siya dahil sa patuloy na paghahanap sa kanyang pamilya.
Simula nang makalabas siya sa kulungan ay sinuyod na niya ang mga lugar na posibleng pagdalhan sa kanyang mag-iina.
"Mahal, 'wag kang susuko dahil hinding-hindi ako susuko sa paghahanap sa inyo," aniya habang unti-unting pumapatak ang kanyang mga luha.
Marami na siyang hiningan ng tulong upang mahanap sila sa lalong madaling panahon pero bigo pa rin sila.
"Sana ako na lang ang kinuha nila. Sana ako na lang ang pahirapan nila. Ako na lang...'wag ang pamilya ko," giit niya habang nakatitig sa kanilang family picture, na nasa kanyang pitaka. "Ako ang puno't dulo ng paghihiganti nila kaya bakit nila idadamay ang pamilya ko?"
Punong-puno siya ng pagsisisi dahil sa panganganib ng kanyang pamilya. Hinding-hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili kapag may nangyaring masama sa kanila.
Nagambala ang kanyang pag-iyak nang biglang may tumawag sa kanyang cellphone. Agad niya iyong sinagot dahil hindi niya kilala ang numero nito.
"Handa ka na bang makita ang asawa't mga anak mo?" bungad ng isang boses ng lalaki.
"Mananagot kayo sa'kin kapag sinaktan n'yo sila," pagbabanta niya rito.
"Hindi sila masasaktan kung susunod ka sa mga gusto namin," giit nito.
"Gagawin ko kahit anong gusto n'yo."
"Mabuti naman. Sige, pumunta ka ngayon sa harap ng San Sebastian Cathedral. Maayos kang sumama sa mga taong maghihintay sa'yo ro'n," paliwanag nito.
"Sige, hintayin n'yo 'ko ro'n."
"Tandaan mo, kapag may ginawa kang hindi namin nagustuhan, hinding-hindi mo na makikita ang asawa't mga anak mo."
Hindi na siya nakasagot pa dahil pinutol na nito ang kanilang pag-uusap. Agad niyang binuhay ang makina ng kanyang kotse at mabilis itong pinaandar patungo sa kanilang tagpuan.
Kahit ano pang mangyayari, itataya niya ang kanyang buhay upang mailigtas ang kanyang asawa't mga anak.
©2016.Mysterious Eyes | Xerun Salmirro
BINABASA MO ANG
I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)
Gizem / GerilimBook 3 | IKWKM Trilogy "Sa larong ito, buhay mo at ng iyong asawa't mga anak ang nakataya. Kailangan mong malagpasan ang isang linggong pagsubok na siguradong maglalagay sa 'yo sa bingit ng kamatayan. Kaya kapag hindi mo nagawa 'yon, hindi mo sila m...