Napangiwi na lamang si Margaux habang iniinda niya ang pagkirot ng kanyang sugat sa binti, na nabaril noong kinuha siya ng isang lalaki mula sa Hacienda Morris. Nilinis niya itong muli upang hindi magkaroon ng malalang impeksyon sapagkat nagdurugo na naman ito dahil sa kanyang matagal na paglalakad. Isa pa, nalamog din ang kanyang katawan, lalong-lalo na ang kanyang mga hita nang tumalon siya mula sa kanyang kulungang nakasabit sa isang malaking puno. Mabuti na lamang nagawa niyang buksan iyon bago pa siya matusta sa loob dahil sa bigla nitong pagsabog.
Matapos niya itong hugasan ng tubig mula sa isang batis ay dahan-dahan niya itong tinalian ng kapirasong tela mula sa kanyang blusa. Saglit pa siyang nagpahinga bago muling nagsimula sa paglalakad. Alam niyang nanganganib ang kanyang buhay kaya hindi siya pwedeng maging kampante.
"Sisiguraduhin kong ako ang papatay sa 'yo," giit niya matapos niyang isuksok ang isang baril sa kanyang beywang. Ipinapangako niya sa kanyang sarili na ang nag-iisang bala nito ang papatay kay Dmitri Morris.
HINDI kalayuan sa ilog na pinaglalanguyan ni Karlo ay may mga matang matamang nagmamasid sa kanya. Paminsan-minsan pang napapailing ang taong iyon dahil nakuha pa nitong magsaya kahit anumang sandali ay posible na itong mamatay. Sa larong kinasasangkutan nila o posible ring sa kanyang mga kamay.
Nang umahon si Karlo sa ilog ay agad niyang ihinanda ang kanyang sarili. Ikinasa niya ang kanyang baril at mabilis itong nilapitan.
"Long time no see, Commander Joemar Salinas,” sarkastiko niyang pagbati habang nakatutok ang kanyang baril sa mukha nito.
Mabilis ding kumilos si Karlo kaya pareho silang nagkatutukan ng baril. "Hindi ko akalaing ikaw ang una kong makikita rito, Commander Erika Bon---este Margaux Enriquez," sarkastiko rin nitong sagot.
"Karlo Ibanez, nakipagkasundo ka rin pala sa demonyong 'yon. Sa palagay mo, sino pa kaya ang mga laruan niya?" dagdag pa niya.
Hindi na sumagot pa si Karlo bagkus ay unti-unti na itong lumapit sa kanya.
"'Wag ka ng magpagod kasi sisiguraduhin ko sa 'yong ako ang makakapatay sa kanya," panunudyo niya rito upang itago ang kanyang pagdadalawang-isip. Posible siyang mapilitang iputok ang kanyang baril kung uunahan siyang barilin ni Karlo pero hangga't maaari ay ayaw niyang gawin iyon dahil nakalaan lamang ang balang iyon para kay Dmitri.
Napansin ni Karlo ang pagkabalisa ni Margaux sa kabila ng matamang pagtitig nito sa kanya.
Hindi kaya isang bala lang din ang laman ng baril? Mas lalo pa siyang lumapit nang maisip niya ang hinuhang ito. Wala rin siyang balak na sayangin ang bala ng kanyang baril kaya hihintayin na lang niyang ito ang magkamali.
"Oh, natatakot ka bang iputok 'yan sa 'kin?" panunudyo pa niya kay Margaux.
"Kayang-kaya kitang patayin kung gugustuhin ko, Karlo," gigil nitong sagot.
"Gawin mo na!" sigaw niya.
Halos isang dipa na lamang ang layo nila sa isa't-isa nang biglang ibinaba ni Margaux ang baril nito.
"Sasayangin ko lang ang bala ko sa 'yo, Karlo kaya pagbibigyan kita ngayon," paliwanag nito habang nakatitig sa kanyang mga mata.
Alam niyang hinahamon lamang siya ni Margaux kaya mas lalo niyang itinutok ang kanyang baril sa ulo nito. Nagtaka siya nang pumikit na lamang ito at hindi na gumalaw pa.
"Sige, pagbibigyan din kita ngayon, Margaux," paliwanag naman niya. "Pareho lang tayo ng ipinaglalaban kaya ba't 'di tayo magkampihan?"
BINABASA MO ANG
I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)
Mystery / ThrillerBook 3 | IKWKM Trilogy "Sa larong ito, buhay mo at ng iyong asawa't mga anak ang nakataya. Kailangan mong malagpasan ang isang linggong pagsubok na siguradong maglalagay sa 'yo sa bingit ng kamatayan. Kaya kapag hindi mo nagawa 'yon, hindi mo sila m...