Napabuntung-hininga na lamang si Dmitri dahil sa ginawa ng kanilang mga kasama. Hindi niya akalaing may lihim pa lang galit si Dora sa kanilang mag-asawa. Si Manang Ayang ay tiyak nadamay lang sa desisyon ng mga ito.
"Pa'no na tayo makakalabas dito, Mahal?" umiiyak na sabi ni Janina.
"Gagawa ako ng paraan. Mukhang plano na nilang dalawa na iwan tayo rito sa red cube," paliwanag ni Dmitri.
"Ano'ng kasalanan natin kay Dora? Akala ko ba, kakampi natin---" Hindi na naituloy ni Janina ang gusto nitong sabihin dahil sa biglaang pagkamatay ng ilaw.
Agad niyang niyakap nang mahigpit ang kanyang asawa dahil sa mabilis na pag-ikot ng buong cube.
"Magbabago na naman ang pagkakaayos ng mga cube," ani Janina.
Makalipas ang ilang minuto ay huminto na ang pag-ikot ng cube kaya sinimulan na niya ang pagbubukas sa mga pintuan. Muli niyang ginamit ang susi upang malagyan ng tanda ang kanyang mga nabuksan na.
"Nasa sahig na---Mahal, gumilid ka!" Nang mahanap niya ang tamang daan ay agad siyang naalarma nang mapansin niyang may tubig na lumabas doon.
Naisip niyang buksan iyon nang tuluyan dahil sa isang hinala. Mabilis na umagos ang tubig sa loob ng cube subalit unti-unti rin iyong hinigop patungo sa pinakagitnang bahagi nito.
Nang maglaho iyon ay parehong nanlaki ang kanilang mga mata nang makita nilang nasa sahig ng blue cube sina Karlo, Dora at Manang Ayang.
"Tulungan natin sila," giit ni Janina kaya marahan niya itong ibinaba sa loob nito, saka siya sumunod.
Ihiniga nila nang maayos ang katawan ng mga ito at sinuri kung may pulso pa. Sabay pa nilang ginawan ng CPR upang muli silang magkamalay.
"Gising na siya. Ako nang bahala kay Manang Ayang," aniya nang maunang magkamalay si Karlo.
Sabay namang nagising sina Manang Ayang at Dora, na parehong hindi makatingin sa kanilang dalawa.
"Bakit iniligtas n'yo pa kami?!" galit na sigaw ni Dora saka malakas na itinulak ang kanyang asawa.
"Bakit hindi, Dora?" giit ni Janina, matapos niyang alalayang bumangon. "Kahit iniwan n'yo kami, tinulungan pa rin namin kayo dahil 'yon ang tama," katwiran pa nito.
"Sana pinabayaan n'yo na kami," ani Manang Ayang na matalim ang titig sa kanya, "Alam na namin ang totoo, Dmitri."
"Ano pong ibig n'yong sabihin?" kunot-noo niyang tanong.
"Hindi ko na makikita pa si Nathaniel dahil matagal mo na siyang pinatay!" gigil nitong sigaw.
Nanlaki ang kanyang mga mata dahil sa rebelasyon nito. Isa pala ang katotohanang iyon sa mga impormasyong itinago sa kanya ni Inspector Estrada.
"Siya si Henry Osmenia," pagpapatuloy ni Dora, "Isa pa, hindi ako ang Dora na kilala n'yo dahil ako si Emerald Dinglasan-Osmenia," paliwanag pa nito.
Bumagsak ang kanyang mga balikat dahil sa panlulumo. Agad naman siyang nilapitan ni Janina at marahang hinaplos ang kanyang likod.
Gusto-gusto niyang humingi ng tawad nang ilang beses pa pero tila walang lumalabas na boses ang kanyang bibig.
"Kahit ilang beses ka pang humingi ng tawad, hinding-hindi ka namin mapapatawad, Dmitri. Pinatay mo ang asawa ko, kaya nadamay na rin ang anak kong si Crystal," giit ni Emerald.
"Emerald, Manang Ayang, alam kong hindi madaling kalimutan ang ginawa ng asawa ko pero sana kahit sa maikling panahon ay magkaisa tayo para mabuhay," paliwanag ni Janina, kaya napatingin siya rito. "Kung gusto n'yo pa ring patayin si Dmitri 'pag nakaligtas tayo rito, isama n'yo na rin ako. 'Wag lang ang aming mga anak."
"'Wag mong sabihin 'yan, Mahal," saway niya rito habang pinipisil ang kamay nito, "Ako ang dapat na magbayad sa kanilang lahat kaya buhay ko lang ang magiging kapalit."
"Hindi ako papayag," katwiran ni Janina na humarang sa kanyang harapan. "Hindi namin iniligtas ang mga buhay n'yo sa pagkalunod para magkautang na loob kayo sa amin. Kung ano man ang mangyayari matapos nating makaligtas dito, tatanggapin namin 'yon," paliwanag pa nito.
Hindi na nagsalita pa ang kanilang mga kasama kaya muli siyang hinarap ng kanyang asawa at mahigpit na niyakap.
"Tandaan mo, hinding-hindi kita iiwan..." bulong pa nito sa kanya.ILANG minutong katahimikan ang nangibabaw sa blue cube bago iyon binasag ni Karlo nang buksan niya ang pintuang bahagi ng sahig.
"Kung gusto n'yo pang makaalis dito, kumilos na kayo," giit niya saka sinubukang buksan ang pintuang nasa isa sa mga dingding.
Ang mag-asawa lamang ang nakinig sa kanyang mga sinabi kaya nginisian na lamang ang magtiyahin.
Hindi ako magdadalawang-isip na iwan kayo rito, mga walang kuwentang tao, sa isip-isip pa niya.
"Ito ang daan pero babalik tayo sa white cube dahil sa pag-ikot ng buong cube kanina," ani Dmitri nang mabuksan nito ang pintuang katapat ng kanyang kinatatayuang dingding.
"Iisa lang ang daan palabas kaya kailangan nating bumalik sa cube na 'yan," sagot niya.
Napatango na lamang sina Janina at Dmitri kaya lumapit na siya sa pintuang iyon. Siya pa rin ang naunang pumasok doon.
"Mauna na po kayo uli, Manang," ani Janina kaya napailing na lamang siya dahil sa inis. Sa kabila ng nagawa ng magtiyahin, nagtitiwala pa rin sila sa mga ito.
Ilang segundo siyang naghintay bago lumapit sa pintuan si Manang Ayang, na tila napipilitan pa. Si Dora ang sumunod, na tinabig pa ang kanyang mga kamay nang tangkain niya itong alalayan.
Nang makapasok silang lima sa loob, nanatili ang mga babae na nakaupo sa sahig. Samantala, silang dalawa ni Dmitri ang naghanap sa tamang pintuan.
BINABASA MO ANG
I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)
Misterio / SuspensoBook 3 | IKWKM Trilogy "Sa larong ito, buhay mo at ng iyong asawa't mga anak ang nakataya. Kailangan mong malagpasan ang isang linggong pagsubok na siguradong maglalagay sa 'yo sa bingit ng kamatayan. Kaya kapag hindi mo nagawa 'yon, hindi mo sila m...