Kapitulo VI - Bagabag

665 27 3
                                    

"Hindi ba't sinabi ko na sa 'yong 'wag na 'wag kang makikipagkita sa taong 'yon?!"
Mas lalo pa niyang idiniin sa duguan nitong mukha ang kanyang hinihithit na sigarilyo dahil sa sobrang pagseselos. Impit naman itong napaungol dahil sa sakit ng kanyang ginagawa pero hinding-hindi niya maririnig ang pagsigaw nito sapagkat may busal ito sa bibig.
"Ako na ang nagmamay-ari sa 'yo kaya hinding-hindi ako papayag na maagaw ka niya sa 'kin," gigil pa niyang sabi habang mahigpit niyang pinipisil ang pisngi nito. Hindi pa siya nakuntento kaya't hinawi niya ang telang nakabusal sa bibig nito bago niya sinibasib ng halik ang duguang mga labi nito. Wala na itong nagawa upang tanggihan ang kanyang kapangahasan kundi umiyak na lamang.
Hindi niya ito sasaktan kung sinusunod lamang nito ang kanyang mahigpit na habilin; 'wag na 'wag itong makikipagkita sa lalaking totoo nitong iniibig.
Nang bahagyang maapula ang kanyang galit ay marahan niyang hinaplos ang pisngi nito.
"'Wag mo nang uulitin 'yon para 'di na kita masaktan..." aniya na tila puno ng pag-aalala sa kalagayan nito.
Maingat pa niyang inalis ang mga taling nakagapos sa mga kamay at paa nito bago ito dahan-dahang kinarga.
"Mahal na mahal kita..." Hinalikan pa niya nang mariin ang noo nitong may mga pasa at ilang patak ng dugo.
Gaya ng kanyang nakagawian, ihinatid niya ito sa kanilang kama. Subalit hindi pa roon matatapos ang paghihirap ng babaeng iyon sa kanyang piling. Sa bawat suntok, sipa, sampal o ano pang sakit na natatamo nito ay tinutumbasan pa niya ng nag-aalab niyang pakikipagtalik. Hindi na mahalaga kung nagugustuhan nito ang kanyang ginagawa dahil kailangan niyang makaraos.

"ANO'NG---. Ano'ng balak mong gawin?"
Hindi na itinuloy ni Bonsol ang paglapit niya kay Lando nang maramdaman nito ang kanyang presensiya.
"Wala. Umuungol ka kanina kaya---" Hindi na niya tinapos ang kanyang sagot dahil naisip niyang sapat na iyon bilang alibi.
Ang totoong dahilan ng kanyang paglapit kay Lando ay upang alamin kung may itinatago rin itong susi gaya ng pinakaiingatan niya. Nang hindi na rin ito nagsalita pa ay agad siyang bumalik sa kanyang puwesto.
Kung sakali mang may itinatago ka ring susi, kukunin ko 'yon sa 'yo sa lalong madaling panahon, giit niya habang palihim na nakatingin kay Lando.
Nang maisip niyang muli ang hitsura ng taglay niyang susi ay pasimple pa niyang kinapa iyon na nasa garter ng kanyang underwear.
Ilang susi pa kaya ang kailangan kong makuha? May letra rin kayang nakaukit sa mga 'yon gaya ng letrang D sa susi ko?
"Ngayong gising na siya, p'wede na tayong magsimula sa paglalakad," ani Karlo kaya agad na rin siyang tumayo upang sundan ito. Muli nilang babagtasin ang magulong daan patungo sa pabilog na gusali na nasa dulong bahagi ng isla, na minsan nang nakita ni Karlo nang umaakyat ito sa isang mataas na puno.
Habang naglalakad ay laman pa rin ng kanyang isipan ang tungkol sa mga susi na kailangan niyang makuha. Malakas ang kutob niyang importante ang mga susing iyon dahil bawat isa sa kanila ay may ganoon.
"Sa palagay n'yo kaya kapag narating natin 'yon ay mabubuhay pa tayo?" basag ni Lando sa kanilang tahimik na paglalakbay.
"Kung ayaw mong sumama sa amin, maiwan ka na rito. Hindi 'yong kung ano-ano pa ang sinasabi mo," gigil niyang sagot saka niya tinutukan ng baril si Lando.
Napahinto ito sa paglalakad at takot na nagtaas ng mga kamay. "H-hindi naman 'yon ang ibig kong sabihin," nauutal nitong sagot. "Alam kong mamamatay din naman tayo rito kaya bakit pa tayo magpapagod na pumunta ro'n?" paliwanag pa nito.
"Kung gusto mong mamatay nang walang kalaban-laban, pagbibigyan kita," aniya kasabay ng pagkasa ng kanyang baril.
"Okay. Okay. Mananahimik na 'ko," giit ni Lando.
"Tumigil na kayong dalawa. Sa oras na marating natin 'yon ay puwede na tayong maghiwa-hiwalay," sabad ni Karlo at muling naglakad palayo sa kanila.
Agad naman niyang tinalikuran ang walang kuwentang si Lando dahil inaaksaya lang nito ang oras niya. Subalit sa panahong maubos na ang pagtitimpi niya ay papatayin niya ito nang walang kalaban-laban.

NAGPASYA si Dmitri na pansamantalang iwan sina Dora at Manang Ayang upang maghanap ng kanilang makakakin. Nang makalayo siya ay agad na nilapitan ni Dora ang kanyang tiyahin upang masinsinan itong kausapin.
"Tiya, sundin n'yo lang po ang mga sinabi ko. Siguradong makakaligtas tayo sa islang ito," seryoso niyang sabi habang nakatitig sa mga mata nito.
"Sige," matipid na sagot ni Manang Ayang sa kabilang ng pag-aagam-agam sa tunay na mga plano ni Dora.
Hindi niya akalaing mabubuhay pa siya matapos ang ilang araw na pananatili sa makinang iyon. Nang una siyang magkamalay ilang araw na ang nakakalipas ay natagpuan na lamang niya ang kanyang sarili roon. Alam niyang hindi na anomang sandali ay mamatay na siya kaya ipinalangin na niya ang agaran niyang kamatayan. Subalit isang himalang maituturing ang pagkakaligtas sa kanya nina Dmitri at Dora. Hindi niya maisip kung paano sila nakarating sa islang ito pero alam niyang may kinalaman iyon sa taong nanggugulo sa pamilya nina Dmitri.
"Sa oras na mahanap natin ang iba pang mga susing gaya ng nakuha n'yo sa bulsa ng duster n'yo, posible tayong makaalis dito," paliwanag pa nito sa kanya. Muli ring inilabas ni Dora ang susing tinutukoy nito na may nakaukit na letrang M at ang susing taglay nito na may letrang T.
"Si Dmitri rin ba may ganyang susi?" usisa niya nang maisip niyang hindi pa yata napapag-usapan nina Dmitri at Dora ang tungkol doon.
Hindi agad nakasagot si Dora bagkus ay ibinaling nito ang tingin sa himpapawid. "Sana makabalik si Dmitri bago pa dumilim," pagbabago pa nito sa kanilang usapan.
"Ligtas pa ba ang gumala siya nang mag-isa?" aniya nang makaramdam siya ng pag-aalala sa kaligtasan ng kanyang anak. "Hindi pa siya mapapahamak gaya ng nangyari sa akin?"
"Sa tingin ko po ay kaya niya nang ipagtanggol ang kanyang sarili, Tiya. Pinigilan ko siyang umalis kanina pero nagpumilit siyang umalis," paliwanag pa ni Dora.
Hindi niya mawari kung paano pero napapansin na niya na tila may malaking pagbabago sa pagkatao ng kanyang pamangkin.
Hindi kaya bumalik na ang mga alaala niya? aniya sa sarili habang nakatitig sa mga mata nito. Siguro nga tama ang hinala niya dahil hindi na ito naiilang pang makipag-usap kay Dmitri.
"Magiging ligtas po tayo hangga't magkakasama tayo," ani Dora bago ibinalik ang mga susi sa loob ng suot nitong brasierre.
Napatango na lang siya at marahang yumuko sapagkat muli niyang naaalala ang huling pangyayari bago siya nakarating sa islang ito.
Sana makaligtas kami para makita at makasama ko pa ang anak ko, taimtim niyang hiling.
Sa kabila nito ay nagdadalawang-isip pa rin siya kung panininiwalaan niya ang mga impormasyong ipinaalam sa kanya ng isang misteryosong tao dahil sa kasalukuyan nilang sitwasyon. Magkagayon man ay gusto pa rin niyang malaman kung ano man ang kinalaman ni Nathaniel sa mga nangyayari.
Naikuwento na niya kina Dora at Dmitri ang tunay na dahilan nang kanyang pagkawala. Gaya ng naisip niya, naguguluhan din ang mga ito kung may katotohanan ba ang mga impormasyong iyon.

"POSIBLE kayang makita namin dito ang nawawalang anak ni Manang Ayang, na si Nathaniel?" ani Dmitri habang marahan siyang naglalakad pabalik sa lugar na pinag-iwanan niya sa kanyang mga kasama. Isang piling ng hinog na saging ang hinihila niya gamit ang kanyang kanang kamay at sa kaliwa naman ay hawak niya ang ilang maliliit na papaya.
"Bakit bibigyan ng ganoong impormasyon si Manang Ayang kung hindi 'yon totoo? Ginawa lang kaya nila 'yon para lokohin siya at sumama sa kanila?" sunod-sunod niyang tanong dahil sa pagtataka sa tunay na motibo ng kanilang mga kalaban.
Kung posible nga nilang makita rito ang nawawalang anak ni Manang Ayang, ano kayang kinalaman nito sa paghihiganti sa kanya?
Alam niya kung gaano inaasam ni Manang Ayang na makita at makasamang muli si Nathaniel kaya matagal na niya ipinahanap ito kay Inspector Matta. Ayon sa mga impormasyong nakalap nito ay matagal nang patay si Nathaniel. Subalit kung totoo ang ipinagtapat ni Inspector Estrada, posible kayang isa ang impormasyong iyon sa mga pekeng impormasyong ibinigay sa kanya ng mga ito?
Halos palapit na siya sa isang malaking puno nang maulinigan niyang ang ilang mahihinang kaluskos. Agad siyang nagtago sa likod nito upang magmatiyag mula roon.
"Magkasabwat nga talaga sina Karlo at Margaux," giit niya nang makita niya ang mga ito habang binabagtas ang daang kailangan din niyang bagtasin upang makabalik sa kinaroonan nina Dora at Manang Ayang.
"Pero sino kaya ang kamag-anak ng taong 'yon? Sino ang ipinaghihiganti niya?" sunod-sunod niyang tanong habang matamang pinagmamasdan ang lalaking kasama ng mga ito.
Subalit nagulat na lamang siya nang biglang tutukan ng baril ni Margaux ang lalaking iyon kaya napahinto ito sa paglalakad at agad na nagtaas ng mga kamay. Alam niyang may pinagtatalunan ang mga ito na hindi naman niya marinig dahil sa kalayuan ng kanyang pinagtataguan. Sa huli ay hindi rin naituloy ni Margaux ang balak nito dahil sa mga sinabi ni Karlo bago ito nagpatuloy sa paglalakad.
Bago pa tuluyang makalayo ang mga ito ay palihim na niyang tinahak ang ibang daan upang makabalik sa kinaroroonan nina Dora at Manang Ayang dahil sa pag-aalalang mapahamak kapag nakita ng kanilang grupo.

"HAHAYAAN ba natin silang makarating dito?"
Isang tango lamang ang isinagot ni Jon sa tanong na ito ni Mikael na kasalukuyang nakatitig sa harap ng ilang mga computer. Kasalukuyan nilang binabantayan ang bawat pagkilos ng kanilang mga subject o maaari ring tawaging laruan.
"Basta ang utos lang niya ay patayin ang sinomang magtatangkang tumakas lalong-lalo na ang magtatangkang pumatay sa kanyang major subject," paalala pa ni Jon sa utos na kanilang dapat sundin.
"Naiintindihan ko," giit ni Mikael kahit alam naman niya ang tungkol doon.
Saglit siyang tumayo upang kumuha ng kape sa kanilang coffee maker. Matapos niyang sumimsim ay muli niyang naisip ang mag-iinang hawak ng kanilang grupo. Mula nang makita niya ang kalagayan nina Janina, Ysabelle at Vladmir ay unti-unti na siyang binabagabag ng kanyang konsensya.
Mayroon na rin siyang asawa't anak na kailangan niyang pansamantalang iwan upang maisakatuparan ang kanilang napakasunduan ng isang misteryosong lalaking nakilala lamang niya sa alyas na Kamatayan. Ang kapalit nito ay ang pagpapaopera at pagpapagamot sa kanyang bunsong anak na si Mikaella na may cancer sa dugo.
Halos tatlong buwan na rin silang nagkakawalay kaya hindi niya maiwasang malungkot at maawa sa tuwing nakikita niya ang mag-iinang iyon.
"Ikuha mo na rin ako ng kape," untag sa kanya ni Jon kaya pansamantalang nahinto ang kanyang pag-iisip. Agad niya iyong ginawa at tuluyan nang bumalik sa kanilang puwesto.
Muli siyang napaisip nang mapansin niya ang bahagyang pag-iling ni Jon nang mapanood nito ang kasalukuyang kuha sa kuwarto kung saan naroon ang kambal na mga sanggol.
Nakokonsensiya na rin kaya ito kapag nakikita sila? O kung may sarili na rin ba itong pamilya gaya niya? Sa kabila ng matagal nilang pagsasama nito ay wala siyang alam na kahit anong impormasyon tungkol dito maliban sa pangalan o alyas nitong Jon. Halos lahat ng taong kabilang sa kanilang grupo ay walang nalalaman sa bawat isa dahil mahigpit na ipinagbabawal sa kanila ang pag-usapan ang tungkol doon. Higit sa lahat, hindi pa niya nakakausap o nakikita man lang ang kanilang mastermind.

©2015.Mysterious Eyes | Xerun Salmirro

I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon