"Ysabelle."
Mariing ipinikit ng isang pitong taong gulang na batang babae ang kanyang mga mata upang balewalain na lamang ang ilang beses na pagtawag sa kanyang pangalan.
"Halika rito, Ysabelle." Ayaw pa rin siyang tigilan nito kaya yumuko na lamang siya sa lamesa at mahigpit na tinakpan ang kanyang mga tainga.
Halos ilang araw na siyang ginagambala nito pero wala siyang mapagsabihan dahil natatakot siya na walang maniniwala sa kanya. May ilan pa siyang kaklase na tinutukso siyang baliw dahil bigla na lamang siyang napapasigaw sa tuwing magpapakita ito sa kanya.
"Hindi kita titigilan hangga't 'di mo ako tinutulungan, Ysabelle," giit nito, na malinaw niyang narinig dahil tila inilapit nito ang bibig sa kanyang tainga.
"Ysa---"
"Tama na! Ayoko na!" sigaw niya nang maramdaman niya ang malamig na hanging tumama sa kanyang batok.
"Ano'ng nangyayari sa 'yo, Ysabelle?" Nanlaki ang kanyang mga mata nang malaman niyang nasa kanyang harapan ang kanilang guro, na si Bb. Abigail Sajul.
"Miss Sajul, nababaliw na naman po si Ysabelle," natatawang sabi ng kaklase niyang si Kizzia Gaile kaya tumawa na rin nang malakas ang iba pa nilang kaklase.
"Tigilan n'yo nga siya?!" pagtatanggol naman ng matalik niyang kaibigan, na si Mia France.
"Class, stop laughing," saway ng kanilang guro pero mas lalo lamang lumakas ang tawanan.
"Sisa-belle! Sisa-belle!" pang-aasar pang muli ng iba pang kasapi sa grupo nina Kizzia Gaile.
"Ysabelle, okay ka na ba?" Marahan siyang umiling habang pinipigilan ang pagbagsak ng kanyang mga luha. "Gusto mo na bang umuwi na lang? Ipapatawag ko na ang Mama Janina mo..."
"'Wag na po, Miss Sajul. Magiging okay rin po ako," malungkot niyang sagot habang nakatitig sa mga mata nito, "Puwede po ba akong lumabas para puntahan ang kakambal ko?" pagpapaalam na lamang niya.
"Sige, Ysabelle. Excuse ka muna sandali. Bumalik ka na lang sa klase kapag magaan na ang pakiramdam mo," paliwanag pa nito.
"Maraming salamat po," aniya saka mabilis na isinuot ang kanyang backpack at lumabas sa kanilang kuwarto.
Nang makalabas siya ay patuloy pa rin siyang ginambala ng isang batang kaluluwa na ilang araw nang sumusunod sa kanya. Sumasabay ito sa kanyang paglalakad kaya tumakbo siya upang kahit sandali ay maiwasan ito.
"ARAY!"
Subalit isang batang lalaki ang kanyang nabunggo nang makarating siya sa hagdan patungo sa ikalawang palapag ng gusaling iyon. Mabuti na lamang hindi sila nahulog mula rito.
"Ysabelle, ano'ng nangyayari sa 'yo? Bakit ka tumatakbo? Sino'ng nagpaiyak sa 'yo?" Sunod-sunod na tanong ng kakambal niyang si Vladmir, na imbes na magalit dahil nabunggo niya ito, inalala agad nito ang kanyang kalagayan.
"Vlad, ginugulo na naman niya ako," malungkot niyang paglalahad kaya mahigpit siyang niyakap nito.
"Kailangan na nating sabihin kina Mama at Papa," suhestiyon ng kanyang kakambal na sinang-ayunan agad niya.
"Pa'no kung hindi sila maniwala?" naguguluhan niyang tanong.
"Maniniwala sila sa 'yo dahil nagsasabi ka ng totoo, Ysa," nakangiti nitong sagot. Bumitiw pa ito sa kanyang mga bisig at hinawakan ang kanyang kanang kamay, "Kaya kapag nagpakita uli siya, tawagin mo lang ako. O kaya 'pag wala man ako, isipin mo na lang na kasama mo ako."
Bahagya na rin siyang ngumiti dahil gumaan ang kanyang pakiramdam. "Thank you, Vlad."
"Tayong dalawa ang magkakampi kaya hinding-hindi kita pababayaan," ani Vlad at nagsimula nang humakbang pababa sa hagdanan. "Ihahatid na kita sa classroom mo."
"Sige."YSA, hayaan mo silang lumapit sa 'yo. Pakinggan mo rin ang kanilang mga sinasabi. Hanggang 'di nila nararamdamang magaan na ang na loob mo sa kanila, patuloy ka nilang gagambalain. 'Pag alam na nilang wala kang maitutulong sa kanila dahil nga bata ka pa, maayos silang lalayo sa 'yo.
Hanggang ngayon ay laman pa rin ng isipan ni Ysabelle ang ipinayo ng kanilang mga magulang. Nalaman pa nila ni Vladmir na minsan na rin pa lang nagkaroon ang mga ito ng kakayahang gaya ng sa kanya, na minabuti nilang isara upang magkaroon nang maayos na buhay. Subalit kung pipiliin niyang tanggapin ang kakayahan iyon, gagabayan at susuportahan siya ng mga ito.
"Sisa-belle, nasa'n na ang kaibigan mong multo?" Agad siyang napalingon nang marinig niya ang panunudyo ni Regina. Kung mamalasin nga naman, nakasulubong pa niya ang dalawa sa miyembro ng grupo ni Kizzia Gaile.
Hindi na siya umimik at naglakad na lang palayo rito dahil ayaw niyang makipag-away.
"Sa'n ka pupunta, Sisa-belle?" giit ni Analiza, na humarang pa sa kanyang harapan. "Gusto naming malaman kung nasa paligid 'yong kaibigan mong multo kaya kausapin mo siya," natatawa pang utos nito.
"Wala siya rito ngayon kaya please, tigilan n'yo na 'ko," pakiusap niya at umiwas sa harapan ni Analiza pero bigla siyang itinulak nito.
Halos sumubsob ang kanyang mukha sa lupa dahil sa lakas nang pagkakatulak nito. Gusto sana niyang tumayo agad pero tinapakan pa ni Regina at Analiza ang kanyang mga kamay.
"Aray! Tama na!" sigaw niya pero mas lalo siyang sinaktan ng mga ito, "Vlad, tulungan mo 'ko. Vlad..." dagdag pa niya at tuluyan nang tumulo ang kanyang mga luha.
"Ano'ng ginagawa n'yo sa kakambal ko?!" Isang sigaw ang kanyang narinig kasabay ang pagbagsak sa lupa nina Analiza at Regina.
Agad siyang itinayo ni Vladmir at sinuri ang kanyang mga natamong sugat o gasgas.
"Isusumbong ka namin sa mga magulang namin!" pagbabanta ni Analiza habang dinuduro ang kanyang kakambal.
Nginisian sila ni Vladmir, "Sige lang para malaman nila kung ano ang mga kalokohan n'yo," giit pa nito.
Hindi na nakasagot pa sina Analiza at Regina kaya tumakbo na ang mga ito palayo. Muli siyang nilapitan ni Vladmir nang tuluyang makaalis ang mga ito.
"Bakit 'di mo sinabi sa 'kin, binu-bully ka nila?" panunumbat nito. "Nangako tayo na walang secrets na itatago sa isa't isa 'di ba?"
"Sorry, Vlad," matipid niyang sagot at yumuko na lamang.
"Pa'no kung napahamak ka kanina, sino ang mananagot kina Mama at Papa?"
Alam niyang ito ang mapapagalitan kapag may nangyaring masama sa kanya kaya hindi na niya sinabi ang pambu-bully sa kanya ng grupo ni Kizzia Gaile dahil siguradong ito ang mapapahamak.
"Sorry---" Hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin dahil sa biglang pag-alis ni Vladmir.
Hinabol niya ang kanyang kakambal at ilang beses na tinawag pero hindi siya pinansin nito.
"Ysabelle!" Subalit nang lingunin siya nito ay huli na upang makaiwas pa siya sa pagbagsak ng paso sa kanyang ulo. Na sigurado siyang kagagawan ng grupo ni Kizzia Gaile.
Sa unang pagkakataon ay nakita niyang umiyak ang kanyang kakambal habang mahigpit siyang yakap nito.
"Sorry, Ysa. Hindi ka mapapahamak kung 'di ako umalis..." paninisi pa nito sa sarili.
"Wala kang kasalanan..." sagot niya habang marahang pinupunasan ang mga luha nito.
"Sorry. Hinding-hindi na kita hahayaang masaktan," pangako pa nito bago siya tuluyang nawalan ng malay.
BINABASA MO ANG
I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)
Mystery / ThrillerBook 3 | IKWKM Trilogy "Sa larong ito, buhay mo at ng iyong asawa't mga anak ang nakataya. Kailangan mong malagpasan ang isang linggong pagsubok na siguradong maglalagay sa 'yo sa bingit ng kamatayan. Kaya kapag hindi mo nagawa 'yon, hindi mo sila m...