Kapitulo VII - Xero

447 20 0
                                    

Author's Note:

Pasensya na sa matagal na paghihintay sa update. Ang kuwentong ito ay muli kong binasa upang maayos kong maipagpatuloy ang pagsusulat nito.
Maraming salamat sa pagsuporta at pag-unawa.

----------------------------------------------

ILANG minuto nang nakatulala sa harap ng computer ang binatang si Xero dahil sa malalim na pag-iisip. Halos mag-lilimang araw na rin mula nang malaman niyang nawawala ang buong pamilya ng taong itinuring na niyang nakatatandang kapatid, na si Dmitri Morris. Isa siya sa mga naglalaan ng oras upang mahanap ang mga ito dahil sa personal nitong paghingi ng tulong sa kanya.

Sa oras na mabasa mo 'to, nasa panganib na rin ako. Ililigtas ko ang aking pamilya kaya sana matulungan mo ako. Nasa opisina ko ang mga papeles na posibleng makatulong sa 'yo. Aasahan kita, Bro. Maraming salamat.

Ito ang nilalaman ng text message na ipinadala sa kanya ni Dmitri bago ito tuluyang nawala. Nang araw ring iyon ay agad niyang hinanap ang mga papeles na sinabi nito.
Nakipag-ugnayan pa siya sa ninong nitong si G. Richard Jamile upang masuri ang mga impormasyong napapaloob sa mga dokumentong ipinagkatiwala nito sa kanya. Sa tulong na rin ni Atty. Silvestre, napag-alaman niyang halos lahat ng impormasyon naroon ay hindi totoo.
"Paano ko nga ba kayo mahahanap, Kuya Dmitri?"
Ayon sa kanyang kaibigan mula sa isang telecommunication company, nasa San Sebastian Cathedral, Batangas noon si Dmitri nang ipinadala nito ang text message sa kanya. Mula roon ay sinubukan na niyang alamin ang sumunod nitong lokasyon subalit nang puntahan niya iyon ay nalaman niyang may nakapulot lang pala ng cellphone nito.
Isang ideya ang kanyang naisip kaya kinuha pa rin niya ang cellphone ni Dmitri upang mapag-aralang mabuti. Sa pamamagitan ng isang software, nagawa niyang mai-download ang huling tawag na natanggap ni Dmitri kaya napakinggan niya ang pakikipag-usap nito sa mga kidnapper. Mula roon ay sinubukan niyang alamin ang lokasyon ng taong tumawag pero sa ngayon ay bigo pa siyang malaman iyon.
"'Wag kayong mag-alala, hindi ako susuko..." giit pa niya.
"Hon..." Agad siyang napalingon nang marinig niya ang boses ng kanyang kasintahang si Sydney. "May update na sa location nila?" usisa pa nito.
"Wala pa rin," matipid niyang sagot saka mabilis na tumayo upang lapitan ito.
"'Wag kang mag-alala, may awa ang Diyos," seryoso nitong sabi. Alam ni Sydney kung gaano kalaki ang utang na loob niya kay Dmitri kaya naiintindihan nito ang kanyang nararamdaman.
"Tama ka," nakangiti niyang sagot.
"By the way, ready na ang dinner."
"Sige, kain na tayo, Hon."
"Ipinagluto kita ng paborito mo," malambing pang sabi ni Sydney nang hawakan niya ang kamay nito.
"Talaga? Thank you, Hon," aniya saka marahang hinalikan ang mga labi nito.
Isang tawag ang kanyang natanggap nang magkalas ang kanilang mga labi kaya agad niyang sinagot iyon.
"Hello, Sir, ano pong resulta ng ipinakiusap ko sa inyo?" bungad niya sa kanyang kausap na si G. Richard Jamile.
"Dito sa opisina ko na ipapaliwanag Xero kaya kailangan mong pumunta rito sa lalong madaling panahon," seryoso nitong sagot.
"Sige po." Nang makasagot siya ay agad din itong nagpaalam sa kanya.
"Okay. Kain muna tayo," ani Sydney nang maipaliwanag niya rito ang kanilang napag-usapan.
Sana makatulong ang mga impormasyong iyon upang malaman niya ang eksaktong lokasyon ng pamilya Morris.

"DMITRI, ikaw na ba 'yan?"
Agad na napatayo si Dora nang maulinigan niya ang ilang kaluskos mula sa kinaroroonan nila ni Manang Ayang. Subalit agad siyang napaatras nang makita niya ang tatlong taong sama-samang naglalakad palapit sa kanilang dalawa.
"Nandito rin pala kayo?" mapang-asar niyang tanong nang makilala niya ang dalawa sa mga iyon; sina Joemar Salinas at Erika Bonsol.
"Ibig sabihin, kasama rin pala kayo sa larong 'to," sarkastiko namang sagot ni Erika, na nagpatiuna sa paglapit sa kanila.
"Tama pala ang hinala naming magkasabwat kayong dalawa," ani Manang Ayang, "Saan n'yo itinago ang mag-iina?" gigil pa nitong tanong.
"'Wag mo nang alamin, Tanda dahil pare-pareho naman tayong mamamatay sa islang 'to," giit ni Joemar. 

I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon