Kapitulo XIII - Huling Hiling

452 14 0
                                    


"Hintayin mo na lang ako sa impyerno..."
Isang kakaibang ngiti ang namutawi sa mga labi ni Dr. Lozano dahil naisakatuparan niya ang paghihiganting matagal na niyang inaasam.
"Ano'ng nangyayari?!" Subalit bigla siyang napasigaw nang huminto ang malaking cutter kasabay nang pagkabasag ng glass tube, na naging dahilan upang umagos ang tubig na laman nito patungo sa kanyang kinatatayuan.
"Janina!" sigaw naman ni Dmitri na nakapagtatakang nakawala sa pagkakadena nito. "Ano'ng ginawa mo sa kanila?"
Agad siyang nilapitan nito at pinagsusuntok nang malakas. Hindi siya naging handa kaya ilang beses siyang nasaktan nito.
"Sige, patayin mo na 'ko hanggang may pagkakataon ka pa," panunudyo pa niya kay Dmitri nang pumaibabaw ito sa kanyang katawan.
"Hindi ako ang babawi sa buhay mo, Dr. Lozano. Sa amin ka man nagkasala, sa Kanya ka dapat humingi ng kapatawaran," mahinahon nitong sagot habang unti-unting itinatali patalikod ang kanyang mga kamay.
"Pagsisisihan mo ang pagkakataong ito," giit na lamang niya rito.
Mabilis siyang iniwan ni Dmitri nang masigurong hindi na siya makakagalaw pa.

"JANINA, please gumising ka..." pagsusumamo ni Dmitri habang mahigpit niyang yakap ang kanyang asawa.
"'Wag kang mag-alala, mayamaya magigising din siya." Agad siyang napalingon nang marinig niya ang boses ng isang lalaki. "Sa ngayon ay ligtas na ang mga anak n'yo," dagdag pa nito habang karga sa mga bisig nito si  Vladmir.
Isa pang lalaki, na nakasalamin ang lumapit sa kanilang kinaroroonan. "Pero kailangang mahigop sa lalong madaling panahon ang kaunting lason na pumasok sa kanilang katawan," paliwanag pa nito habang pinagmamasdan ang karga nitong si Ysabelle.
"Maraming salamat. Pero sino ba kayong dalawa?"
"Ako si Jon at siya naman si Mikael," pagpapakilala ng lalaking nakasalamin. "Kami ang nagpahinto ng ilang mga makina sa loob ng lugar na 'to," paliwanag pa nito.
"Naikulong na rin namin sa iba't ibang kuwarto ang ibang mga tauhan ng mastermind namin," dagdag ni Mikael matapos maibigay sa kanya sina Vladmir at Ysabelle, "Makakalabas lang sila roon 'pag dumating na ang tulong mula kay Xero."
"Si Xero? Paano n'yo siya nakilala?"
"Naghanap kami ng ilang impormasyon tungkol sa 'yo. Isa siya sa mga kaibigan mo na posibleng makatulong kaya siya ang kinausap namin," sagot ni Jon.
"May isa pa 'kong tanong. Kung mga tauhan din kayo ni Dr. Lozano, bakit n'yo kami iniligtas?"
"Iniligtas namin kayo dahil ayokong may mapahamak pa dahil sa Cubes Of Death na pilit niyang ipinagawa sa akin. Isa pa, naawa kami sa 'yo, lalong-lalo na sa mag-iina mo," paliwanang muli ni Jon.
"Maraming salamat sa inyo, Jon at Mikael. Tatanawin ko 'yon bilang isang malaking utang na loob," aniya habang nakatingin sa mga mata ng mga ito, "Kung may maitutulong naman ako sa inyo, sabihin n'yo lang sa akin."
"Thank you rin. Saka na nating pag-usapan ang tungkol sa maitutulong mo. Kailangan na nating umalis sa islang 'to," nakangiting sabi ni Mikael.
"Pero paano?"
"Kailangan nating mahanap ang anim na susi para mabuksan ang daan palabas dito."
Agad niyang inilabas ang mga susing nasa loob pa rin pala ng kanyang bulsa. Bakit kaya hindi kinuha ni Dr. Lozano ang mga ito nang muli siyang mahuli nito? Isa pa, bakit nito ibinigay sa iba ang mga susing magiging posibleng daan upang masira ang paghihiganti nito sa kanya?
"Kailangan na nating umalis---"
"Hindi ko hahayaang makalabas pa kayo rito!" sigaw ni Dr. Lozano na biglang lumitaw sa kanilang harapan, nakatali pa rin ang mga kamay, "Pagbabayaran n'yo ang pagtatraydor n'yo sa 'kin," giit nito kina Mikael at Jon.
"Wala ka nang magagawa pa," sagot ni Mikael.
"Sama-sama tayong mamamatay sa islang 'to!" sigaw muli Dr. Lozano saka humalakhak.
"Bilisan n'yo! Kailangan na nating umalis bago sumabog ang buong isla," utos sa kanila ni Jon, na agad na kinuha ang kanyang mga anak, "Binuksan niya ang self-destruction kaya ilang minuto na lang ang nalalabi sa atin."
Agad niyang kinarga si Janina upang mabilis na lisanin ang kuwartong iyon. Subalit palapit pa lamang sila sa pinto nang marinig nila ang mahinang pagsabog sa kinatatayuan ni Dr. Lozano.
"Dmitri, pakiusap..." daing nito na tila nanghihingi ng tulong.
Sa kabila ng mga nagawa ni Dr. Lozano ay nakaramdam pa rin siya ng awa para dito. Kaya pansamantala niyang ipinaubaya si Janina kay Mikael at mabilis niya itong pinuntahan.
Naabutan niya itong nakahandusay sa sahig dahil sa pagkasunog ng halos kalahati ng katawan nito.
"Dmitri, 'di ko hihilinging iligtas mo ako..." bungad nito nang muli silang magkaharap, "Gusto kong humingi ng tawad sa mga nagawa ko sa 'yo, at sa iba pang tao," sinsero nitong sabi habang nakatitig sa kanyang mga mata.
"Bago ko tanggapin 'yan gusto kong hingin ang kapatawaran mo," mahinahon niyang sagot.
"Oo. Pinapatawad na kita..."
"Pinapatawad na rin kita. Kung ano man ang mga naging kasalanan natin dito sa mundo ay maglalaho sa oras na humingi tayo ng tawad sa Diyos."
"Tama ka. Naiintindihan---" Tila bumabagal na ang paghinga ni Dr. Lozano kaya hindi na nito naituloy ang sasabihin. "Bago ako mamatay, gusto kong humingi sa 'yo ng pabor---" Muli itong nahirapan sa paghinga kaya minabuti niyang ilapit na lamang ang kanyang tainga upang marinig ang sasabihin nito.
"'Wag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat upang mailigtas sila," aniya bago pa ito tuluyang nalagutan ng hininga.
Ihiniga muna niya nang maayos ang katawan ni Dr. Lozano bago niya ito iwan doon. Nang makabalik siya sa kanyang mga kasama ay iniutos niyang lisanin na ng mga ito ang gusaling iyon sa lalong madaling panahon.
"Magkikita pa tayong muli kaya hintayin n'yo ako..." bulong niya kay Janina matapos niyang halikan nang mariin ang mga labi nito.
Kung papalarin, sinabihan niya sina Mikael at Jon na hintayin siya sa dalampasigan.

I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon