"Sinasabi ko nga bang makikialam ka pa rin sa 'min!" galit na sigaw ni Karlo nang muli siyang magising sa loob ng isang cube.
Sinubukan niyang bumangon subalit nabigo siya dahil sa pamamanhid ng kanyang buong katawan, na posibleng epekto ng nalanghap niyang kemikal. Naisip niyang igala na lamang ang kanyang mga mata upang suriin ang buong paligid.
Base sa kanyang obserbasyon, ibang-iba ang cube na ito sa naunang pinagkulungan sa kanya. Bawat bahagi nito ay nasa labindalawang pulgada at binubuo nang makakapal ngunit maliliit na pulang tiles. May makikita ring mga bilog na pintuan, na kasya ang katawan ng isang tao. Subalit ang nakapagtataka ay wala siyang napansing butas para sa susi o kahit ano mang numero o letra na nakalagay sa mga ito. Posible kayang mabilis niya itong mabubuksan?
"Kailangang makawala agad ako sa lecheng cube na 'to," inis niyang sabi nang maalala niyang may posibilidad na sumabog din ito gaya ng unang cube kung saan siya ikinulong noon.
Mabilis niyang iginalaw ang kanyang kamay nang unti-unting mawala ang pamamanhid ng kanyang katawan. Na nagpanumbalik sa pananakit ng kanyang mga sugat sa likod na 'di pa rin humihilum. Subalit kailangan niyang kumilos kaya agad siyang bumangon at lumapit sa pintuang bahagi ng sahig upang subukan itong buksan. Puwersahan niya itong pinihit nang pakaliwa at pakanan subalit hindi ito gumalaw man lang.
"Tangina naman talaga!" gigil niyang sigaw nang wala pa ring mangyari matapos niya itong itulak.
Sa kabila nito, isa-isa pa rin niyang sinubukang buksan ang iba pang pintuan maliban lamang sa bahagi ng kisame dahil hindi niya ito maabot.
"Siguradong 'yon ang daan palabas," giit niya habang nakatitig sa pintuang iyon. Naisip pa niyang tumingkayad kahit alam niyang malabo niya iyong maabot. Nasa ganoon siyang posisyon nang biglang na lamang lamunin ng kadiliman ang buong paligid.
Naramdaman din niya ang mabilis nitong paggalaw paibaba kaya bumagsak siya sa sahig dahil sa pagkawala ng balanse. Agad siyang tumayo nang muling lumiwanag ang buong paligid.
"Akala ko, pahihirapan mo pa 'kong abutin ang pintuan palabas," sarkastiko niyang sabi nang mapansin naging bahagi na ng dingding ang pintuang iyon.
Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon at agad na sinubukang buksan ang pintuan. Tama nga ang kanyang hinala dahil isang tulak lamang ay bumukas na iyon.
Lingid sa kanyang kaalaman, kasabay ng kanyang ginawa ang paglitaw ng ilang maliliit na tubo sa bawat bahagi ng cube, na bigla na lamang nagIalabas ng maliliit subalit napakainit na apoy.
"Siguradong sasabog na 'to."
Agad niyang naramdaman ang pag-init ng buong paligid kaya mabilis siyang pumasok sa pintong iyon. Isang mahinang pagsabog pa ang kanyang narinig nang muli niyang maisara iyon.
Akala niya, makahihinga na siya nang maluwag dahil sa pansamantalang pagkakaligtas sa kamatayan pero muli siyang kinabahan nang mapansin niya ang kalagayan ng taong naroon sa cube na kanyang narating.
"Tulungan mo 'ko..." pagmamakaawa sa kanya ni Margaux na nakasandal sa dingding dahil sa pagkaputol ng kaliwang tuhod nito.
Hindi agad siya nakapagsalita dahil sa muling paggalaw ng cube. Ang pintuang pinasukan niya kanina ay naging bahagi na ng kisame nito.
"Ano ba'ng nangyari dito?" usisa niya habang inililibot ang kanyang mga mata sa buong paligid. Halos kapareho lang din ito ng cube na pinanggalingan niya, maliban lamang sa kulay nitong dilaw.
"Hindi ko alam..." sagot ni Margaux, na tila hindi pa nakararamdaman nang matinding sakit dahil sa posibleng pamamanhid ng katawan nito, "Basta, nang bumukas 'yong bilog na pinto, bigla na lang akong nakaramdam na may humiwa sa tuhod ko," paliwanag pa nito.
Gusto sana niya itong tulungan pero hindi niya alam kung sa paanong paraan. Isa pa, natatakot din siyang lapitan ito dahil posible siyang mapahamak kung gagalaw siya sa kanyang kinatatayuan.
"Please, tulungan mo 'ko, Karlo..." pagsusumamo nitong muli habang unti-unting gumagapang palapit sa kanya.
"Sandali lang. Baka mahiwa rin ako kapag basta na lang akong gumalaw," pagtatapat niya kaya napahinto rin si Margaux dahil sa kanyang sinabi.
"Sige obserbahan muna natin ang paligid," suhestiyon na lamang nito.
Ilang minuto silang naghintay sa mga posibleng mangyari. Kung tama ang kanyang hinala, posibleng lumabas ang bagay na humiwa sa tuhod ni Margaux nang mabuksan niya ang bilog na pintuan. Na sinabayan din nang pagkalat ng mainit na usok sa cube na kanyang pinanggalingan.
Makalipas ang ilang sandali ay nagpasya na siyang lumapit kay Margaux upang suriin ang sugat nito. Kinuha niya ang telang bahagi ng suot nitong pantalon mula sa naputol nitong paa. Iyon ang ibinalot niya upang mapigilan ang pagdurugo niyon.
"S-salamat," ani Margaux habang nakatingin sa kanyang mga mata. Marahang pagtango lamang ang isinagot niya rito. Hindi na siya nagdalawang isip na tulungan ito dahil naisip niyang pareho lamang naman silang naging biktima ng taong kinasangkapan sila sa paghihiganti nito kay Dmitri.
Ilang minutong katahimikan ang nangibabaw sa kanilang dalawa ni Margaux matapos niyang agapan ang pandurugo ng sugat nito.
BINABASA MO ANG
I Know Who Killed Me 3 (Published under LIB DARK)
Tajemnica / ThrillerBook 3 | IKWKM Trilogy "Sa larong ito, buhay mo at ng iyong asawa't mga anak ang nakataya. Kailangan mong malagpasan ang isang linggong pagsubok na siguradong maglalagay sa 'yo sa bingit ng kamatayan. Kaya kapag hindi mo nagawa 'yon, hindi mo sila m...