Hindi niya maintindihan kung bakit nangyari ito sa buhay niya. Tahimik lang naman ang buhay niya noon. Bakit kailangan pa niyang masaksihan ang ginawa ng Mayor nila?
Higit sa lahat, bakit siya tinutulungan ng babaeng kasama niya ngayon? Bakit mas pinili siya nitong iligtas kaysa sa sampung-milyon kapalit ng buhay niya?
Hindi man lang ito nakaramdam ng takot. Mukha itong nagalit. Pero hindi ito natakot.
Naisip niya tuloy kung hindi ba talaga ito takot mamatay?
Nakapikit pa rin siya habang nakahawak sa baywang nito. Kung hindi niya lang ito kilala, hindi sasagi sa isip niya na killer ito.
"Puwede bang dahan-dahan naman. Baka masemplang tayo," sabi niya rito. Naramdaman niya ang paninigas ng katawan nito. Nakapatong kasi ang ulo niya sa balikat nito, at ang bibig naman niya ay nakatapat sa tainga nito.
"Ilayo mo nga 'yang mukha mo sa'kin! Babarilin na kita!" inis na sagot nito sa kaniya.
Inilayo niya kaagad ang mukha rito. Mukhang bad mood kasi ito. Galit na galit ito noong nasira ang kotse nito.
"Dahan-dahan lang kasi. Wala tayong helmet," paalala niya rito. Ipinulupot niya ang braso sa baywang nito.
"Sobrang duwag mo, 'no? Bitiwan mo nga 'ko!" naiinis na sabi nito.
"Saan ako hahawak? Baka mahulog ako!" reklamo niya.
"Ayaw kong hinahawakan mo 'ko! Kapag hindi ka bumitaw ngayon mismo, babaliin ko 'yang kamay mo!" pagbabanta nito sa kaniya.
Ayaw man niya ay pinilit na lang niyang kumapit sa upuan. Mahirap man ay wala siyang choice. Baka totohanin pa nito ang pagbali sa kamay niya.
Napatingin siya sa paligid. Madilim na. Hindi niya alam kung anong oras na. Napatingin siya sa kamay ni Iris. May relo ito. Tatanungin niya na lang ito mamaya kapag hindi na ito nagda-drive. Baka maaksidente pa sila.
Mga ilang sandali pa ay naramdaman na niya ang pagpatak ng ulan.
"Umuulan na," wala sa sariling sabi niya.
"Mukha bang hindi ko alam? Manahimik ka na nga lang diyan. Gusto na kitang barilin sa kadaldalan mo," masungit na sabi nito.
Huminga siya nang malalim. "Kailangan muna nating tumigil. Baka maaksidente pa tayo."
"Alam ko, Okay?! Hindi ako tanga! Naghahanap lang ako ng Hotel or Motel na puwede nating matuluyan. Manahimik ka na nga lang diyan!" Halatang mainit na talaga ang ulo nito.
Napakapit siya bigla sa baywang nito nang muntik dumulas ang motor sa daan. Basang-basa na sila sa ulan.
"Putek!" sigaw ni Iris nang muntik silang mawalan ng balanse.
"Dahan-dahan lang kasi," sabi niya rito.
"'Yong kamay mo!" sabi nito sa kaniya. Binitiwan niya ulit ito at kumapit sa upuan.
Mga ilang minuto pa ay nakakita rin sila ng Hotel. Nagmamadali siyang bumaba ng motor nang huminto na ito.
Pagpasok sa Hotel ay dumiretso kaagad sila sa Receptionist. Kung siya lang ang tatanungin, nakakahiya ang itsura nila. Pero mahalaga pa ba 'yon? Muntik na silang mamatay. At walang alam ang mga tao sa Hotel kung ano ang nangyari sa kanila.
Hindi niya na naman mapigilan ang mapatingin kay Iris habang nakikipag-usap ito sa Receptionist.
Kung hindi ba naman siya isa't-kalahating tanga, gandang-ganda lang naman siya sa babaeng muntik ng pumatay sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Deadly Romance (completed)
Action-COMPLETED- ---- She's a hired killer. She was hired to kill him. He is her target. He was supposed to be dead. Isang lalaking hindi sinasadyang masaksihan ang isang krimen. Isang babaeng binabayaran para pumatay. But fate has other plan. Who would...