Dalawang linggo na ang nakalipas simula noong aksidente niyang nasaksihan ang pagpatay ng Mayor nila sa isang lalaki. Dalawang linggo na pero parang kahapon lang nangyari ang lahat.
Hindi rin niya mapigilan ang maya't-maya na paglingon sa likuran niya. Magsisinungaling siya kung sasabihin niyang hindi siya natatakot.
Pero sa kabila ng takot na 'yon ay hindi niya pa rin mapigilan ang konsensya niya. May pamilya ngayon na humihingi ng hustisya, at hindi man lang niya kayang magsumbong nang dahil sa takot.
Gustong-gusto niya nang sabihin ang nakita niya. Gusto niyang ibunyag ang ginawa ng Mayor nila. Pero nag-aalinlangan pa siya. Sino ba naman siya? Isa lamang siyang hamak na nagtatrabaho sa isang appliances shop. Samantalang Mayor ang kalaban niya. Isang tinitingala at iginagalang na tao.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari. Hindi niya lubos maisip na ganoong klaseng tao ang lalaking inirespeto niya noon.
Maganda ang reputasyon ng Mayor nila. Mahal na mahal ng mga tao. Hindi niya inakala na mali pala ang pagkakakilala nila rito.
At ngayon ay nakita niya na ang tunay na pagkatao nito. At sana ay hindi niya na lang iyon nalaman.
"Greg!" Napapitlag siya nang sigawan siya ng katrabaho niya.
"Putek! Tulungan mo 'kong buhatin tong ref! Kanina ka pa tulala riyan!" sita nito sa kaniya. Nagmamadali siyang kumilos para tulungan itong dalhin ang ref sa sasakyan ng buyer.
Pagbalik nila sa Shop ay nakita niya kaagad ang balita na ipinapalabas sa TV.
Ini-interview ang Mayor nila.
"Mayor, ano po ba talagang nangyari sa nangyaring pagpatay sa bayan niyo sa biktimang si Reynaldo Caisip? Totoo po ba ang balita na pinagtatakpan ng mga pulis ang nangyari?" tanong ng Reporter dito.
"Bilang Mayor ng bayan na ito, lubos kong ikinalulungkot ang nangyari. Pakiramdam ko ay nabigo ko ang aking mamamayan. Pero gusto ko pong linawin sa lahat na walang tigil sa pag-iimbestiga ang mga pulis. Ginagawa nila ang lahat," sagot nito sa Reporter.
Ang mga sumunod pang usapan ay hindi niya na narinig nang maayos. Pakiramdam niya ay maduduwal na siya. Lahat ng tao ay maniniwala sa Mayor nila.
Malaki nga ang chance nitong maging Senador dahil maingay ang pangalan nito ngayon. Kung paanong ipinamigay nito ang lupain nito para tayuan ng bahay para sa mga mahihirap. Kung paanong ipinagtatanggol nito ang karapatan ng mga bata at kababaihan. Kung paanong suportado nito ang pagtulong sa mga Senior Citizen.
Mabango at malinis ang pangalan nito.
Pero alam niya ang totoo. Alam niya kung sino ito. Kung ano ang kaya nitong gawin.
Naisip niya tuloy bigla kung may kinalaman din ito sa mga biglaang pagkamatay ng ilang tao sa bayan nila. Hindi iyon malabong mangyari.
-----
Nangangatog na napalinga-linga siya sa paligid. Sinilip din niya ang likuran niya. Huminga siya nang malalim bago umabante at pumasok sa building.
Desidido na siya.
Kinakain na rin siya ng konsensya niya. Natatakot siya. Pero hindi niya na kayang manahimik na lang.
Kaya heto siya ngayon. Nasa loob ng Police Station at planong sabihin lahat ng alam niya.
Para na rin sa ikatatahimik niya. Para na rin sa pamilyang naghahanap ng hustisya.
BINABASA MO ANG
Deadly Romance (completed)
حركة (أكشن)-COMPLETED- ---- She's a hired killer. She was hired to kill him. He is her target. He was supposed to be dead. Isang lalaking hindi sinasadyang masaksihan ang isang krimen. Isang babaeng binabayaran para pumatay. But fate has other plan. Who would...