"Greg, hijo, tama na 'yan. Sige na, umuwi ka na. Hating-gabi na rin. Masyado kang masipag na bata ka," sabi sa kaniya ng amo niya.
Nagtatrabaho kasi siya sa isang Appliances Shop. Isa siyang helper. Taga-bitbit sa sasakyan ng appliances na binili or all-around boy siya. Kagaya ngayon, nagliligpit siya. Hindi niya rin kasi maiwan ang amo niya na halos tumayo na rin bilang pangalawa niyang ama rito sa Maynila.
Isa lamang siyang probinsyano noon na nagbakasakali sa Maynila. Nasa probinsya ang nanay niya at dalawang kapatid na babae. Matagal nang wala ang tatay niya. Nagkaroon ito ng malubhang sakit, at hindi rin naman nila kayang magbayad para sa pangpa-ospital nito.
Iyon ang dahilan kaya lumuwas siya ng Maynila. Siya ang panganay. Kailangan niyang kumita para sa dalawang nakababatang kapatid na babae. Mahirap ang pera sa probinsya. Kung wala kang sariling lupain ay halos wala ka ring pagkakakitaan. Naibenta na nila ang lupa nila noong nagkasakit ang tatay niya. Walang-wala na sila.
Kaya bitbit ang pangarap para sa pamilya, at lakas ng loob ay nagtungo siya ng Maynila para magtrabaho. Mahirap. Sobrang hirap. Pero kailangan niyang magtiis para may maipadala sa pamilya niya.
Noong unang dating niya sa Maynila ay naging kargador siya sa isang palengke. Halos mamatay ang batang katawan niya noon sa pagod. Pero ayos lang 'yon sa kaniya.
Para sa pamilya niya ay magtitiis siya. Ano ba naman iyong kaunting pagod kapalit ng diploma at magandang buhay ng mga kapatid niya?
Ang sumunod sa kaniya na si Gemma ay nasa Grade 7 na. Nasa top ito palagi. At bawing-bawi ang pagod niya tuwing nalalaman na nag-aaral itong mabuti.
Ang bunso niyang kapatid naman na si Georgina ay nasa Grade 5 na. Hindi man palaging nasa top ay active naman ito sa mga school activities.
Kaya lahat ng dugo at pawis niya ay hindi lang napunta sa wala.
"Ayos lang po ako, Boss. 'Wag ka pong mag-alala," sagot niya rito.
Malaki ang utang na loob niya sa Boss niya. Noong panahong hirap na hirap na siya ay tinulungan siya nito. Binigyan ng disenteng trabaho na may disente ring suweldo. Dahil dito ay may tinutuluyan siya. Wala iyong bayad. Isang maliit na kuwarto na pagmamay-ari ng amo niya.
Kaya nakakapagpadala siya ng medyo malaki para sa pamilya niya.
"Gabi na, Greg. Alam mo namang delikado sa daan. Baka mapag-tripan ka pa. Kaya sige na. Umuwi ka na," sabi nito sa kaniya.
Inayos niya ang huling gamit sa puwesto at tumayo.
"Tapos na po. Sige na po, Boss. Mauuna na 'ko," paalam niya rito.
"Mag-iingat ka sa daan, Greg," sabi nito.
Nakangiting lumabas siya ng tindahan. Sandaling nag-inat bago sinimulang maglakad.
Kaunting ipon pa at makakabisita na rin siya sa Pamilya niya.
Ilang taon na ba noong huling beses siyang nakauwi? Dalawa? Hindi niya na maalala.
Pero plano niyang mag-pasko sa probinsya nila dahil nalulungkot na siyang mag-isa. Atleast kahit man lang sa pasko ay may makasama siya.
-----
Tahimik na naglalakad lang siya nang pumasok na siya sa madilim na eskinita pauwi sa tinutuluyan niya.
Halos ala-una na rin ng madaling-araw. Mas gusto niya 'yon, ang umuwi ng ganoong oras dahil wala ng tao sa daan papunta sa kanila. Masyado kasing madilim ang daan sa kanila kaya walang tumatambay.
BINABASA MO ANG
Deadly Romance (completed)
Aksi-COMPLETED- ---- She's a hired killer. She was hired to kill him. He is her target. He was supposed to be dead. Isang lalaking hindi sinasadyang masaksihan ang isang krimen. Isang babaeng binabayaran para pumatay. But fate has other plan. Who would...