23

505 27 0
                                    

Chapter Twenty-Three - Day Off!
~~~


Isang oras lang 'ata tulog ko. Hinde—isang oras lang akong nakapikit at niloloko ang sarili ko na makakatulog ako. Kakatapos lang namin ng training ni Tanda, at sasabihin ko sa'yong: katakot-takot na gulpi ang inabot ko.

"Tumayo ka na d'yan at babalik pa tayo sa Guild House." Dinig kong sambit sa akin ni Tanda.

Isang mahinang tumpik sa noo, na sinundan nang marahang pagpunas sa nagmamantika kong mukha ang tangi kong naisagot. Bumuntong hininga akong muli at pagkatapos ay marahang tumayo.

"Opo." Bulong ko.

At nang umaga ring 'yon—mga alas-sais nang umaga, ay tahimik naming binalikan ni Tanda ang daan pabalik sa trapdoor, na naroon naman sa sira-sira at abandonadong kapilya.

Kaibahan sa kahapon, medyo nilamon na nang makapal na hamog ang buong kapilya nang makabalik kami rito. Malamig rin ang panahon kahit pa tumatagos na sa sira-sirang mga bintana ang sikat nang araw, epekto siguro 'to nang hindi paliligo.

"Maliligo na ako mamaya." Sambit ko sa sarili habang kinikiskis ang mga palad sa nanlalamig kong braso.

"Hmm?" Lingon sa akin ni Tanda.

"Wala—" Sagot ko. "Nagugutom na'ko." Dagdag ko.

Hindi na naman nagtanong pa si Tanda, tahimik naming tinahak ang daan pabalik sa bayan, hanggang sa marating namin ang Guild house ng Exisalsis.

Tahimik na binuksan ni Tanda ang malaking kahoy na pinto nitong Guild House. Mukhang tulog pa ang lahat—

"Ang aga n'yo ah?" Bati sa amin ng isang boses.

Mukhang nagkamali ako d'on. May gising na pala.

"Magandang umaga, Nana." Bati ni Tanda kay Nana, na ngayo'y nakatayo sa aming harapan, habang suot-suot ang kulay pink at teddy bear printed na pajama.

"Magandang umaga—" Bumati na rin ako.

Tinanguan lang ako ni Nana at pagkatapos noon ay tumalikod na s'ya at nagsimulang maglakad papalayo, nakakailang hakbang pa lang s'ya nang bigla s'yang huminto at muli kaming nilingon.

"Dumeretso ka na nang kusina, Van." Tawag niya sa akin. "Sabayan mo nang mag-almusal ang mga kaibigan mo d'on." Dagdag n'ya.

Bigla namang kumalam ang sikmura ko, at saka ko na lang naalala na hindi pa pala ako kumakain simula nang matapos ang training namin ni Tanda kagabi.

"Tara, Tand—" Dali-dali kong nilingon si Mang Orthel, para yayain sanang mag-almusal. "—da...?"

Mabilis na kumunot ang noo ko, habang paulit-ulit na nagpalinga-linga. Wala na sa tabi ko si Tanda at hindi ko naman napansin na pumasok s'ya—

"Nasaan na 'yon?" Tanong ko sa sarili. Muli akong nagpalinga-linga, hanggang sa mapabuntong-hininga ulit ako't napakamot.

Wala akong ibang nagawa kung hindi ang mapangisi. 'Yung matandang 'yon talaga.

Dali-dali na akong sumunod patungo sa kusina, na pailing-iling at tila ba natatawa.

---

"Kaya pala wala ka kagabi 'no? Nagtraining ka rin pala—" Saad sa akin ni Con habang ipinapalaman sa mainit na pandesal ang inihapag kong pritong itlog.

"Hindi ko nga alam na may training ako eh." Sagot ko naman. "Pero, okay na rin—akala ko talaga, wala akong training eh." Dagdag ko.

Magkakasama na kami ulit nina Yin, Con, Thea at Sekmeth dito sa kusina, at masayang nakikipag-kwentuhan habang kumakain ng almusal. Mainit na kape, pandesal at itlog lang ang nakahapag pero dahil nga sa masaya yung kwentuhan namin—nakakagana talaga 'tong almusal namin.

Ashereth | A Chronicle | OngoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon