Season 1 Special Chapter #3

359 18 0
                                    

Se01 Special Chapter #3 - Bandits, Academics, and an Airship
~~~


Nasa katangian at ugali na siguro ng mga tao ang mamintas at ituring na kakatwa ang mga taong sa tingin nila'y kakaiba o iba ang tipo ng pamumuhay na malayo sa kanilang nakamulatan at nakasanayan. Isang magandang patunay na rito ang pagkaka-iba ng mga taong biniyayaan ng marangyang pamumuhay at mga taong ipinanganak na salat sa salapi at kulang sa kasangkapang pansamantala lamang ang dulot na kaligayahan.

Mga marangya at simple.

Mayaman at mahirap.

Mga nakakataas at mga taong hanggang sa pagtanda'y hindi na nagawang makausad.

Mga Adventurers...

At Academics....

Masyadong naging sarado ang mga mata at pananaw ng mga tao sa kung anong kagandahan mayroon ang bawat isa at natuon na lamang ang atensyon sa mga bagay na kaaya-aya lamang sa umpisa—subalit pumapangit at gumagaspang sa paglipas ng panahon.

Nakakalungkot mang isipin, subalit ito ang katotohanan.

Sisimulan natin ang kwento sa isang maliit na isla, kung saan abala sa pag-aayos ng mga kagamitan ang mag-lolong tila ba nagmamadali, habang maya't maya ang pagtanaw nila sa papalubog na araw. Dapit-hapon na noon, at base sa bilis nang kanilang mga kilos ay tila ba, ayaw nilang abutin ng dilim.

"Ilang sako pa ba ang kailangan nating ipasok dito?" Tanong ng matandang si Meisser sa apong humahapo habang karga-karga ang isang mabigat na sako ng tinapay. "Kaya mo pa ba?" Nag-aalala niyang tanong.

Nginitian lamang ng dalaga ang kanyang apo at masigla itong sinagot: "O-opo!" Saad niya, marahan niyang iniayos ang pagkakahawak sa sako't dahan-dahang nagpatuloy patungo sa mga nakapatong na sako. "Isa na lang po. Dala na ni Jiro." Dagdag niya.

Mula sa ibaba nama'y papalapit ang isang bakal na aso, habang kagat-kagat nito't hila-hila ang huling sako ng tinapay. Ipinationg rin ito ng Familiar sa kung saan naroon ang mga sako ng tinapay at nagmamadaling nilapitan ni Yin habang masigla nitong iwinawagayway ang maliit at bakal nitong buntot.

"Okay na 'yan Jiro!" Masiglang sambit ni Yin sa bakal na aso. "Pwede ka nang magpahinga, maraming salamat!" Saad niya. Kinuha niya mula sa kanyang bag ang isang maliit na bato, hinimas ito ng bahagya kung saan mabilis naman itong nagliwanag.

Sumunod namang nagliwanag ang Familiar na si Jiro, at makalipas ang ilang sandali'y tuluyan na itong naglaho, kasunod rin nito ang dahan-dahang paghupa ng liwanag mula sa hawak-hawak na bato ni Yin.

Tumango naman ang matandang si Meisser. "Mukhang areglado na ang lahat, tayo na?" Tanong niya sa apo.

"Opo!" Masiglang sagot ni Yin.

At pagkatapos noo'y nagmamadaling nagtungo ang dalagang si Yin sa taberna para kalagan ang tali ng naka-rolyong layag. Marahan itong bumukadkad habang nagsisimula nang paikutin ng matandang si Meisser ang mga naglalakihang elesi ng sinasakyan nilang airship.

At matapos ang ilang minutong pagpapainit sa makina ni Aurora, ay marahan nang umangat sa lupa ang airship.

Hindi na rin nagtagal ay nagsimula nang maglayag sa kawalan ang mag-lolo, pauwi sa kanilang munting bayan...

Ni hindi man lang nila napansin ang ilang mga bandidong kanina pa naka-abang sa kanila at naghihintay lamang ng tamang pagkakataon para umatake.

Mga bandidong sumira sa pangalang, minsang nang naitalaga para sa mga manlalakbay na may kakaibang kakayahan subalit hindi nagawang maka-usad para sa susunod na baitang, mga nilalang na may kakayahang tapatan ang lakas ng mga Elites.

Ashereth | A Chronicle | OngoingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon