Chapter One
UMIIKOT ang paningin ni Gabriela nang magmulat ng mga mata. Dugo. Napakaraming dugo. May nakikita siyang apoy. Sinubukan niyang gumalaw, ngunit tila namamanhid ang buo niyang katawan. Sa nanlalabo na niyang paningin ay isang nilalang ang nakita niyang nagbukas ng pinto. Walang anuman nitong hinawi ang mga nakaharang sa kanya atsaka siya maingat na binuhat palabas ng naglalagablab na sasakyan.
Ate Jas, pilit niya itong hinanap ng tingin.
Kasama niya ito at ang asawa nitong si Warrick. Ngunit sino man sa mag-asawa ay hindi niya nakita. Nagsisimula ng balutin ng apoy ang kotseng kanina lamang ay sinasakyan nila.
Tinangka niyang bumangon, sumigaw upang humingi ng saklolo. Ngunit walang tinig na lumabas sa kanyang bibig. Hanggang sa makita niyang sumabog ang sasakyan...
***
NAPABALIKWAS ng bangon si Gabriela. Hayun na naman ang panaginip na iyon. Parang kahapon lamang nangyari ang lahat gayong may dalawang taon na ang nakakalipas sapul nang mangyari ang naturang car accident. Ang car accident na siya ring ikinasawi ng bagong kasal na sina Jasmin at Warrick.
May mga gabing sadyang hindi siya makatulog. Noong una ay inakala ng mga magulang niya na dahil lamang iyon sa nature ng trabaho niya bilang isang call center agent. Siguro raw ay nahirati lang ang katawan niya na sa umaga'y tulog at sa gabi ay gising. She was on graveyard shift. Iminungkahi ng mga magulang niya na mag-resign na muna siya. Matagal-tagal din kasi siyang na-confine sa ospital. Bagaman naghilom na ang mga pinsalang nakuha niya sa aksidente, ay tila nag-iwan naman iyon sa kanya ng mental trauma. Kaparis niyon, kahit himbing na siya sa pagtulog ay kusang dumadalaw ang nakaraan. Binubulabog ang kapayapaan ng kanyang isip.
Bumangon siya at lumabas ng silid. Ang balak niya ay magtimpla ng gatas. Bakasakaling kapag nakainom siya ng gatas ay kumalma ang pakiramdam at puwede na ulit siyang bumalik sa pagtulog. Kailangan niyang makatulog nang maayos dahil may pasok pa siya kinabukasan.
Lumipat na siya ng trabaho. Awa ng Dios ay nakapasok siya bilang purchasing information system analyst. Regular working hours at hindi niya kailangang umuwi ng mga alanganing oras. Hindi na rin mag-aalala ang mga magulang niya na baka kung mapaano siya sa daan. May anim na buwan na siyang pumapasok sa Monague Mining Company. At kada-ikalawang buwan ay lumuluwas ang Mama niya mula sa Bicol upang tingnan ang kanyang kalagayan.
Wala sa loob siyang napatingin sa labas ng glass wall ng kanyang condo unit. Regalo iyon sa kanya ng pinsang si Jasmin. Palibhasa mayaman ang napangasawa nito, sisiw lamang dito ang regaluhan siya ng two-bedroom condo sa isang prestihiyosong condominium tower. Nakakalungkot lang, sa tuwing ililigid niya ang tingin sa kanyang unit ay hindi niya mapigilang malungkot. Dahil nang araw na maaksidente sila ay iyon dapat ang araw na sosorpresahin siya ng pinsan sa binili nitong condo para sa kanya.
It was supposed to be the happiest day of her life, but it ended in a tragedy instead. Minsan ay gusto na niyang ibenta ang unit dahil nagpapa-alala lang 'yon ng isang malungkot na pangyayari sa kanyang buhay. Pero kapag nasa final stage na siya ng kanyang pagpapasya ay bigla na lang magbabago ang kanyang isip. Hindi niya magawa. Ayaw niyang bitiwan ang nag-iisang alaalang ibinigay ng kanyang Ate Jasmin. Kahit na nga ang alaalang 'yon ay may kakambal na lungkot.
Nagsimulang manlabo ang kanyang mga mata. Nang mag-unahan sa paggulong ang mga butil ng luha sa kanyang pisngi ay kaagad niya iyong pinalis.
Kailangan mo ng matulog, paalala niya sa sarili. Lunes kinabukasan at isa iyon sa pinaka-abalang araw sa kanilang opisina.
Patalikod na siya nang tila may magdaang anino sa labas ng glass wall.
Anino? Curious siyang napasilip sa labas ng kanyang bintana.
BINABASA MO ANG
Selig, the Vampire Prince
VampirePaano kung totoo ang mga bampira? At paano kung maliban sa mundong ginagalawan natin ay may iba pang mundo kung saan nag-i-exist ang mga nilalang na ito? Nagising si Gabriela na limot ang ilang bahagi sa kanyang nakaraan. Partial amnesia, iyon ang...