Chapter Nine
HALOS mabingi na si Gabriela sa malakas na tibok ng kanyang puso. Nakalabas na sila ng bar. Ang lalaking may pasan-pasan kay Dianne ay lumiko patungo sa back alley. Samantalang ang lalaking may tutok sa kanya ng kutsilyo ay mahigpit siyang hinawakan sa braso at iginiya pasunod sa lalaking nauuna sa kanila.
Sa sandaling makaalis sila sa publikong lugar ay natitiyak niyang katapusan na nilang pareho ni Dianne.
Dios ko po. Tulong!
Narating na nila ang back alley kung saan may naghihintay na isang itim na van. Balot na siya ng panic. Mukhang nakaligtas siya sa isang malubhang aksidente ngunit hindi sa pagkakadukot ng mga taong halang ang kaluluwa.
"Bitiwan niyo sila."
Napalingon sila sa pinagmulan ng tinig. Napasinghap si Gabriela nang mapagsino ang taong 'yon.
"Harold?"
"Aba, akalain mo nga naman. May gustong magpakabayani," sarkastikong sabi ng lalaking may hawak sa kanya. "Jacques, ikaw na ang bahala sa mga babae. Tuturuan ko lang ng leksyon ang isang 'to."
May takot na naramdaman si Gabriela para sa kaibigan. Hinatak siya ng lalaking may pasan-pasan kay Dianne. Binuksan nito ang likuran ng van at ipinasok doon ang walang malay na dalaga. Siya ay halos ayaw ng ihiwalay ang tingin sa dalawang lalaking parang manok na naggigirian. Hinihintay kung sino ang mauunang umatake.
Nang hatakin siya ng lalaking kasama niya ay ipiniksi niya ang kamay.
"Gusto mo silang panoorin?" parang nakakalokong tanong nito. "Sige, pagbibigyan kita. Huwag ka lang sanang masiraan ng bait sa masasaksihan mo."
Hindi na natanong ni Gabriela ang lalaki kung ano ang ibig nitong sabihin. Dahil sa sumunod na sandali ay nasaksihan niya ang pagbabagong-anyo ng lalaking kalaban ni Harold. He turned into a werewolf! Pero kung sa akala niya ay nakakagulat iyon, mas nagulat siya nang makita ang pagtalim ng mga mata ni Harold at ang paglabas ng mga pangil nito at matatalas na kuko!
"Ah, emergent," reaksyon ng lalaki sa tabi niya.
Emergent? Parang umiikot ang ulo ni Gabriela sa lahat ng nasasaksihan niya. Anong klase bang tao ang mga ito? O tao pa bang maituturing ang mga katulad nila?
Nahahati sa takot at panggigilalas ang kalooban ng dalaga habang pinapanood ang pakikipaglaban ni Harold sa lalaking lobo. Naisip niyang kung isang pangkaraniwang tao lamang ang kaharap nito ay baka may laban pa ang binata. Ngunit sa nakikita niya ay mukhang delikado ito. Malakas ang lobo. Ilang beses nitong ibinalibag si Harold nang walang kahirap-hirap.
Madilim at walang masyadong nagdaraang tao sa bahaging iyon. Gustong-gusto na niyang tumakbo at humingi ng tulong. Ngunit sino ang puwedeng tumulong sa kanya na puwedeng tapatan ang lakas ng mga lalaking may bihag sa kanila?
Noon niya nakita ang taong 'yong. A dark hooded figure walking towards them. Kaaway ba ito o kakampi? Bago pa niya nasagot ang tanong na iyon ay bigla itong naglaho sa kanyang paningin. Sa isang iglap ay nakita niya itong nakatayo sa likuran ng lobo at walang anumang tinapyas ang ulo niyon!
"Put...'na!" tila nagulantang ang lalaki sa tabi niya. Bago pa man siya nakakilos palayo rito mabilis itong nagbagong-anyo at itinutok ang matatalas na kuko sa leeg niya.
"Pawalan mo siya kung gusto mo pang mabuhay."
Napasinghap si Gabriela. Sa kabila ng gipit na kalagayan ay hindi siya maaaring magkamali. Kilala niya ang may-ari ng boses na iyon!
"Sino ka?"
"Hindi ko na uulitin pa."
"Kung gano'n ay wala akong pakialam kahit sino ka pa. Ang importante sa akin ay mak--" hindi natapos ng lalaki ang sinasabi nito nang basta na lamang umangat ang kamay nitong nakapulupot sa leeg ni Gabriela at mabaluktot iyon patungo sa likuran nito!
BINABASA MO ANG
Selig, the Vampire Prince
VampirePaano kung totoo ang mga bampira? At paano kung maliban sa mundong ginagalawan natin ay may iba pang mundo kung saan nag-i-exist ang mga nilalang na ito? Nagising si Gabriela na limot ang ilang bahagi sa kanyang nakaraan. Partial amnesia, iyon ang...