Chapter Twenty Two
NAGISING si Gabriela na basa ng luha ang mga mata. Naalala niya na ang lahat. Bagama't dalawang taon na ang lumipas, 'yong sakit na naramdaman niya noon ay rumagasang pabalik na parang kahapon lamang nangyari ang lahat. Pero sa lahat naman ng nasaktan, siya lang yata ang bukod-tanging gustong makita ang sanhi ng sakit na dumudurog sa puso niya.
Selig.
Gusto niyang magalit dito, ang ibalik ang lahat ng sakit na nararamdaman niya sa mga sandaling iyon. Pero alam niyang sa kabila ng sakit ay hindi niyon mabubura ang pag-ibig na nararamdaman niya para kay Selig.
Bumangon na siya at nagtungo sa banyo. Hindi na siya nag-abalang uminom ng kahit anong mainit gaya ng mahigpit na bilin ng ina bago maligo. Isa-isa niyang hinubad ang suot na damit at kaagad na pumailalim sa malamig na buhos ng tubig sa shower. Matapos maligo ay nag-toothbrush lang siya at nagbihis na ng pampasok sa opisina. Ni hindi na siya nag-abalang maghanda ng pambaon niyang pagkain.
Lumulan siya ng taksi at parang lutang ang isipang nagpahatid ng opisina.
"Uy, Gabby. Ang daya niyo, ha?"
"A-Alvin," pag-ibis ni Gabriela ng taksi ay ito kaagad ang nakita niya. Mukhang kadarating lang din nito.
"Ano ba ang nangyari at bigla na lang kayong nawala nina Di at Harold?"
"Ah, medyo sumama ang tiyan ko." Hindi nila napag-usapan ni Harold kung ano ang idadahilan kina Lorenza at Alvin sa bigla nilang paglalaho ng gabing magkakasama sila sa dance club.
Pero bahala na kung paano nilang lulusutan iyon mamaya kapag nagtanong ito kay Harold.
Magkasabay na silang pumasok sa loob ng kanilang office building.
"Gabriela, Alvin."
Pasakay na sila ng elevator nang tawagin sila ni Lorenza. Hinintay na nila ito at magkakasabay na silang lumulan ng elevator.
"Ano ang nangyari sa inyong tatlo, ha? Nang-iiwan kayo sa ire."
Katulad ng alibi na ibinigay niya kay Alvin, iyon din ang sinabi niya kay Lorenza.
"Pero sana inabisuhan niyo man lang kami. Mukha kaming tanga ro'n ni Alvin."
"'Sus. Mukhang tanga raw. E, ayaw mo nga halos umalis ng dance floor. At 'yong finger foods na in-order namin ni Harold, hindi mo nilubayan hangga't hindi ubos."
Inirapan ni Lorenza si Alvin. "Kahit pa, ano? Magkakasama tayo, kapag may mga emergency na ganoon kahit paano dapat ay nagpapaalam."
"Pasensya na," hinging-paumanhin ni Gabriela.
Hanggang sa maghiwa-hiwalay sila ay parang masama pa rin ang loob ni Lorenza. Isinantabi na lamang iyon ni Gabriela. May mas importante siyang kailangang gawin.
Maaga pa siya kaya naisip niyang marahil ay wala pa roon si Selig. Naupo na muna siya sa kanyang mesa at nag-check ng e-mails. Pero wala pa siyang sampung minuto nakaupo ay bumukas ang inner office.
"Good morning."
Natigilan siya. Ang inaasahan niyang lalabas mula roon ay hindi ang lalaking kinasasabikan niyang makita.
"Si...?"
"I'm the new deputy president. My name is Reagan Rashid."
"N-new deputy?" Ibig bang sabihin ay wala na si Selig?
"Mr. Demetrius will be taking care of some matters overseas."
"I-I see."
"You must be Gabriela Contreras."
BINABASA MO ANG
Selig, the Vampire Prince
VampirePaano kung totoo ang mga bampira? At paano kung maliban sa mundong ginagalawan natin ay may iba pang mundo kung saan nag-i-exist ang mga nilalang na ito? Nagising si Gabriela na limot ang ilang bahagi sa kanyang nakaraan. Partial amnesia, iyon ang...