Chapter Five
MAHIGPIT na nadakot ni Selig ang sikmura nang biglang sumipa ang kanyang gutom. Tahimik siyang napamura dahil sa sariling kapabayaan. May ilang linggo na siyang hindi kumakain o nasasayaran ng dugo ang lalamunan. It wasn't by choice. Daig pa niya ang may sakit na biglang nawalan ng ganang tumikim ng kahit na ano. Pero kanina lamang habang nasa meeting, isang pagkabango-bangong amoy ang halos magpaikot sa kamalayan niya. Gustong-gusto na niya itong hatakin kanina at ibaon ang kanyang mga pangil sa ugat na pumipintig sa ukab ng makinis nitong leeg.
Mariin siyang napakapit sa gilid ng kanyang mesa nang muntik na siyang gumiray sa kinatatayuan. Naramdaman niya ang paglabas ng kanyang mga pangil at ang pagbaon ng matalas na kuko sa mahogany desk. Niluwagan niya ang suot na neck tie. Pakiwari niya ay kakapusin siya sa paghinga. Ipinikit niya ang mga mata upang paglabanan ang unti-unting pagdilim ng kamalayan. Sa sandaling balutin ng dilim ang diwa niya ay mawawalan siya ng kontrol. Puwede siyang makapanakit ng tao. And worst, ang makapatay.
No. Pilit niyang tinatagan ang kanyang sarili. Si Baljit. Tama. Kailangang malaman nito ang sitwasyon.
Subalit bago pa man makagawa ng anumang hakbang si Selig ay nalanghap niya ang pamilyar na samyo sa kanyang paligid.
She's here! panic gripped him. Sa labas ay nakita niyang katirikan ng araw. Kailangan niyang umalis. Ang lumayo pansamantala sa lugar na iyon hanggang sa matighaw ang kanyang gutom.
"Sir?" kasabay ng pagtawag ay narinig niya ang banayad na katok mula sa labas ng kanyang opisina.
Go away, gusto niyang isigaw rito. Ngunit nang magbuka siya ng bibig ay isang ungol lamang ang lumabas mula roon. At sa sumunod na sandali ay nakita niyang bumukas ang pinto. Pumasok ang kanyang sekretarya.
Ang ga-hiblang katinuan na nalalabi kay Selig ay tuluyang napatid. Bago pa niya napigilan ang sarili ay nasunggaban na niya si Gabriela at marahas na isinadlak sa dingding. Lumabas ang kanyang matutulis na pangil at nakahanda na iyong ibaon sa leeg ng dalaga nang makita niya ang matinding takot sa mga mata nito.
Bloody everlasting hell.
Sa huling hibla ng katinuan ay hinawakan niya sa batok si Gabriela at pinisil ang isang partikular na ugat doon. Maagap niya itong sinalo nang dagling lumungayngay ang katawan nito.
"Kamahalan."
Nakita niyang sumulpot mula sa kanyang likuran si Baljit. Kaagad niyang naamoy ang bagay na dala-dala nito. Isang bote ng sariwang dugo.
"Ano ang ginawa mo sa kanya?" tanong ni Helga.
Kasama ito ni Baljit kaya nahulaan ni Selig na ito ang nag-teleport sa kanyang personal manservant sa loob ng kanyang opisina. Sa halip na sagutin ang tanong ni Helga ay binuhat niya si Gabriela at inihiga sa sofa. Kinuha niya ang bote ng dugo mula kay Baljit at mabilis na tinungga. Sinaid niya iyon hanggang sa huling patak. Medyo bitin pa siya ngunit sapat na iyon para makontrol niya ang labis na pagka-uhaw sa dugo.
"You should have seen this coming," ani Helga. "Kulang pa ang panahong inilagi mo sa Lamia Mundi para marendahan ang iyong naturalesa. You should go back. Hayaan mo na lamang na ang ibang executives ng VRG ang mangasiwa sa kompanyang ito."
"Stay out of this, Helga. I know what I'm doing."
"Do you? Sa nakita kong pangyayari ngayon ay hindi iyon ang nakikita ko. Kailangan mong bumalik ng Lamia Mundi para na rin sa kapakanan mo."
"Enough!"
Napipilan si Helga. Mayamaya ay nilapitan nito si Gabriela.
"Did you hurt her?" tanong nito.
BINABASA MO ANG
Selig, the Vampire Prince
VampirePaano kung totoo ang mga bampira? At paano kung maliban sa mundong ginagalawan natin ay may iba pang mundo kung saan nag-i-exist ang mga nilalang na ito? Nagising si Gabriela na limot ang ilang bahagi sa kanyang nakaraan. Partial amnesia, iyon ang...