Chapter Eleven
"I LIKE darkness. There's something to the feeling of not knowing your surroundings, not seeing the color of things as they appear but as they truly are. There's something about the unknown, the quiet, the cold. There's something unspoken about the dark, something I can never quite put words to. Something terrifying yet beautiful." Anonymous.
Sinulyapan ni Gabriela si Selig matapos niyang basahin ang excerpt na iyon mula sa isang libro. Akmang-akma kasi iyon para ilarawan ito. O ang nararamdaman niya para rito.
He looks terrifying sometimes, yet beautiful, saloob-loob ng dalaga habang pinagmamasdan ang prinsipe ng mga bampira.
"Kung magbabasa ka, magbasa ka nang tahimik."
Awtomatiko siyang napangiti sa sinabi nito.
"Affected ka talaga sa presence ko, 'no?" nangalumbaba siya sa harapan nito. "Aminin mo na kasi. Tumatalab na sa'yo ang charm ko."
Mataman siya nitong tiningnan. May ilang saglit nitong pinasadahan ng tingin ang mukha niya sa iba't ibang anggulo.
"Nasaan?"
"N-nasaan ang alin?"
"'Yong charm na sinasabi mo."
"Hala, grabe siya. Meron kaya," napasimangot siya. Napaka-brutal talaga ng lalaking ito!
Ang paghihimutok niya ay tila nalipat sa kanyang tiyan. Bigla iyong kumulo sa gutom. Napilitan siyang lumayo kay Selig. Nakakahiya, baka narinig na nito ang pagkulo ng kanyang tiyan.
Walang anu-ano ay bigla itong tumayo. Nanlumo siya. Mukhang tuluyan na itong napikon sa kanya. Dahilan para lumabas ito sa malaking library kung saan sila naroroon.
Napapabuntong-hiningang inikot niya ang tingin sa kinaroroonang silid. Napaliligiran siya ng napakaraming libro. At mukhang karamihan sa mga ito ay mga first edition pa. Kung sasabihin ni Selig na ang isang libro roon ay kasintada ng unang nalimbag na Bibliya, malamang ay maniniwala siya.
Nang sa palagay ni Gabriela ay hindi na babalik ang kanyang napaka-accommodating na host ay ipinasya ng dalagang lumabas na ng library. Pero eksaktong pagpihit ay nagulat na lang siya nang makabangga ito.
As usual, unreadable ang mukha ng mahal na prinsipe. Mahirap hulaan kung ano ang iniisip.
"Kunin mo."
Mula sa mukha nito ay lumipat ang kanyang tingin sa kamay nitong may hawak na brown paper bag. Napakurap-kurap siya para tiyaking tama ang nakikita niya.
"J-Jollibee?"
"Nagugutom ka na, di ba? Walang ibang pagkain dito kaya ibinili kita sa labas."
Magtutumalon na sana siya sa galak dahil sa ginawa nito. Pero naudlot iyon sa sumunod nitong sinabi.
"Mas maingay pa sa bibig mo ang pag-iingay ng sikmura mo, alam mo ba 'yon? Nai-istorbo ang pagbabasa ko."
Muntik ng malaglag ang panga niya sa sinabi nito. Nakaligtaan niyang matalas nga pala ang pandinig nito kumpara sa kagaya niyang ordinaryong tao. Bakit nga ba nakaligtaan niya iyon? Nang hindi kaagad siya kumilos para kunin ang binili nito, kinuha ni Selig ang kanyang kamay at ipinatong doon ang mainit-init pang brown paper bag. Pagkatapos ay parang walang anumang bumalik ito sa dating kinauupuan at ipinagpatuloy ang binabasang libro.
"Salamat."
Hindi ito sumagot. Sa halip ay nagpatuloy lang sa pagbabasa na parang wala itong narinig.
BINABASA MO ANG
Selig, the Vampire Prince
VampirePaano kung totoo ang mga bampira? At paano kung maliban sa mundong ginagalawan natin ay may iba pang mundo kung saan nag-i-exist ang mga nilalang na ito? Nagising si Gabriela na limot ang ilang bahagi sa kanyang nakaraan. Partial amnesia, iyon ang...