33. Madamot Ako

18 1 0
                                    

Ikaw na mismo ang nagsabi
Madamot ako.
Pero kahit di mo sabihin...
Inaamin ko, napakadamot kong tao.

Gaya na lang kapag kailangan mong pumunta sa kanya,
Hinahayaan kita
Kasi ipinagdadamot ko 'yong oras mo para makasama ako.

Kapag kailangan mo ng masisilungan,
Ikaw ay dali-dali kong pinapayungan,
Sa'yo nakatapat ang mas malawak na banda,
Kasi ipinagdadamot ko ang silong para sa sarili ko.

Kapag kailangan mo ng makakapitan,
Nilalahad ko ang kamay ko na sa mga hawak
Ay sobra nang nabibigatan,
Kasi ipinagdadamot ko ang pagpapahinga sa sarili ko.

Kapag kailangan mo ng salitang makakapagpalubag ng loob mo,
Bawat totoo at magandang salita
Kahit minsan wala na ngang tugma
Sa'yo pa rin ay sinasabi ko
Kasi ipinagdadamot ko ang ganoong salita sa sarili ko.

Kapag kailangan mo ng balikat na maiiyakan at masasandalan,
Hinahayaan kong gawin mong unan
Ang balikat kong hindi naman basahan
Kasi ipinagdadamot ko na ipakita ang sariling kalungkutan.

Kapag kailangan mo ng mahihiraman,
Ikaw ay aking binibigyan
Kasi ipinagdadamot ko ang salapi para sa sarili kong pangangailangan.

Kapag kailangan mo ng makakausap,
Ako'y laging tumutugon sa iyong mga matang nangungusap
Kasi ipinagdadamot ko ang katahimikan sa sarili ko.

Kapag kailangan mo ng taong masisisi
Tinatanggap ko lahat ng paratang mo,
Tahimik kong tinatanggap lahat ng pamimintang mo
Kasi ipinagdadamot ko ang pag-asang ako'y maunawaan.

Kaya oo, madamot ako!
Madamot ako sa maraming bagay, maraming aspeto.
Sobrang damot ko kaya napakaraming nagagalit sa ugali ko.

Pero sana man lang
Sa kabila ng pagdadamot ko
Natanong mo ako
Kung ayos lang ba ako.

Sana man lang...
Bago mo sabihing napakadamot ko
Inisip mo ang lahat ng buong puso at taos-pusong bagay na ginawa ko
Para lang makita mo ako bilang tao,
Bilang isang kaibigan mo,
Bilang isang taong handang ilahad ang kamay para sa'yo.

Sana bago mo sinabing ika'y nasaktan ko...
Sana bago mo sinabing ika'y iniwan at tinalikuran ko...
Sana bago mo sinabing tinangay na ako ng damot at pangarap ko,
Sana naisip mo na tao rin ako,
May sariling buhay na kaiba sa'yo.

Sana bago mo ako pinatay...
Sana bago mo pinatay ang tiwala ko sa sarili ko...
Sana bago mo ako pinatay sa mga salitang pinakawalan mo...
Sana nakita mo kung paano at gaano ako naging madamot sa sarili ko,
Para lang makita mo kung sino talaga ako,
Para lang matanggap ako ng mga tao sa ating ginagalawang mundo.

Sana nakita mo kung paano ko pinigilan ang sarili ko
Na maging malaya sa pagiging madamot ko.
Sana nakita mo kung paano ko ininda ang bawat sakita na binigay ng mundo.
Sana nakita mo na ang pagiging madamot ko
Ay ginawa ko lang sa sarili ko.

(Hindi kailanman sa'yo!)

Quondam Solace 1Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon