Chapter 4 - CHANGE

498 11 5
                                    

Chapter 4 – CHANGE

[Jasmine’s POV]

TATLONG araw na ang nakakalipas pero hindi ko pa rin makalimutan ‘yung nangyari sa amin ni Richard sa rooftop. Simula noon kapag nakikita ko s’ya ay may kung ano akong nararamdaman sa aking t’yan. Sinasampal ko lagi ang sarili ko kapag nangyayari ‘yun. Sinasanay ko na din ang aking sarili na magpakadistansya kay Lance. Mapapadali pa ata ito dahil ang atensyon n’ya ay na kay Christina lagi.

Dumating ang araw ng sabado. Napag-isipan ko na din na pumunta ngayon sa mall. Bukod sa mamimili ako ng groceries ay isasabay ko na din ang pagpapaayos ko. Medyo mahaba na kasi ang aking buhok. Gusto ko ng magpa-makeover. Hindi naman ako mahihirapan dahil may budget ako dito. Parang isa na din itong hakbang para sa bagong simula ng aking buhay.

Pagpasok ko sa supermarket ay bumungad sa akin ang napakaraming tao. Naku, lagot! Kailangan ko palang bilisan ang pagkuha ng mga pinapabili ni mama. Dahil kapag hindi ko binilisan, ay mauunahan ako nung iba sa counter. At kapag nagpahuli ako ay napakahabang pila ang aking aabutin at baka hindi pa ako makapunta sa parlor.

Kinuha ko agad ‘yung listahan na binigay ni mama at binasa. Tapos agad akong pumunta sa section kung nasaan ‘yung pinabibili n’ya hanggang sa nakumpleto ko ito.

“Nine hundred seventy three po lahat.” Agad akong dumukot sa aking bulsa ng isang libo at ibinigay dun sa cashier. Pagkatapos n’ya akong suklian ay agad kong kinuha ang aking pinamili at dumiretso sa David Salon.

Nasa kaduluhan s’ya ng mall. Saktong hindi gaano ngayong dinudumog. Agad akong lumapit dun sa babae. Sa pagkakatanda ko ay dun magpapalista at sasabihin kung ano ang ipapagawa ko. Sinabi ko naman na i-make over ako. Napangiti ito at tinanong kung may napupusuan ba akong lalaki. Namula ang magkabilang pisngi ko at umiling.

Binigay na n’ya ‘yung receipt ko at ako naman ay umupo muna sa waiting area dahil wala pang bakante, maghintay daw ako ng sampung minuto. Wala namang problema sa akin ‘yun dahil hindi naman ako nagmamadali. Kumuha ako ng ilang magazine sa ibabaw ng lamesa at nagbasa-basa. Noong natapos na ‘yung isang nagpagupit ay agad akong tumayo at lumapit dun sa stylist. Kulay blonde ‘yung buhok n’ya tapos may makeup s’ya sa kanyang mukha.

Umupo na ako sa upuan. “Magpapagupit ka ba, miss?”

“O-Opo” nauutal kong tugon habang nakatingin sa napakalaking salamin.

Natawa ‘yung stylist. “Naku ‘teh! ‘Wag mo na akong i-‘po’. Just call me Dhey. Nakakatanda ng beauty ko!” sabay flip ng hair at patuloy parin sa pagtawa.

Agad naman n’ya akong nilagyan ng cape. Kinuha n’ya ‘yung pang-spray n’ya sa buhok sabay kuha dun sa gunting. At nagsimula na sa paggugupit.

--

“Ayan na ‘teh! Talbog mo na ang beauty ko!” ani Dhey habang tinatanggal ‘yung mga buhok sa aking leeg gamit ang isang brush.

Isinarado ko ‘yung binabasa kong magazine at tumingin sa salamin. Napanganga ako. Ako ba ito? Napakalaki ng pinagbago ng itsura ko. Naka-layer na ang buhok ko tapos kulot ‘yung dulo. Tumayo ako at nagpasalamat kay Dhey. Agad akong lumabas sa salon. Habang papalabas ako sa mall ay napapatingin ‘yung mga nakakasalubong ko. Medyo naiilang ako kaya napapatungo pa ako.

Ako nalang [Book 1]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon