Alas Singko

157 2 0
                                    

Alas singko ng hapon,
Naaalala mo pa ba?
Ganitong oras mo ako dating sinusundo.
Mag aabang ka sa puno ng manggahan.
At sa aking paglabas,
Salubong mo'y matamis na ngiti.

Alas singko ng hapon kanina,
Taksil ang mga matang 'to dahil
Tila may sarili silang utak na
Hinahanap ka

Baka sakali.
Baka sakali na makita ka
Tingin sa kaliwa,
Sa kanan, sa likod pero wala.

Nilandas ko ang kahabaan ng kalsada
Kung saan minsan na nating dinaanan.
Kung saan pasimple mo akong aakbayan,
At sasapakin kita bigla sa braso.

Ang kalsada na saksi ng mga harutan,
Biruan na walang humpay
At masasayang kwentuhan.
Ni hindi natin alintana ang pagod o layo.

Alas sais ng gabi,
Ganitong oras tayo madalas kumain ng kwek kwek,
Sa may kanto malapit sa simbahan.

Pagkatapos doon tayo sa footlong na kapag bumili ka ng isa, libre na ang isa.
At kung sino ang huling makaubos,
Ang siyang magbabayad.

Magchachaa muna tayo bago mo ako ihatid sa bahay.
Magkkwentuhan pa sa mga bagay bagay.
Mag aaway pagkatapos magbabati.
Hanggang sa mag aya nakong umuwi

Alas sais ng gabi kanina,
Kumain ako ng kwek kwek, MAG ISA.
ISA... DALAWA... TATLO... APAT... LIMA...
Hanggang sa naka walo ako.
Balak ko sanang gawing sampo kaso,
Nawalan ako ng gana.

Hindi ko alam kung paano pero,
Hindi na masarap kumain ng kwek kwek pag di ka kasama.
Nakakaumay ang foot long 'pag ako lang mag isa.
Nakakalungkot pala pag di kita kasabay.

Kaya naman,

Bumalik ako sa puno ng manggahan
Kung saan madalas mo akong hintayin
Tuwing alas singko ng hapon.
Tumayo ako kung saan ka naghihintay.

Mula doon, tinahak kong mag isa ang mga daan na minsan na nating nadaanan.
Pinuntahan ko ulit ang mga lugar na madalas nating puntahan.
Kumain ulit ako ng kwek kwek.
Bumili ng footlong
At uminom ng chaa, MAG ISA.

Baka sakali.
Baka sakali na mabura ko ang mga alaala mo sa bawat kanto ng daraanan ko.
Baka sakaling malimutan ko na kasama nga pala kitang pumunta sa lugar na yon.
Baka sakaling bumalik ang sigla kong kainin ang mga paborito kong pagkain na ipinakilala ko sayo ng makilala kita.

Sinubukan kong gawin ang mga bagay na nakasanayan na nating gawing dalawa.
Yung mga oras na tayo ang magkasama.
Dahil bago pa naman kita nakilala,
Ako muna.
Kaya umaasa ako na sa bawat hakbang ko, mabubura nito ang alaalang iniwan mo
At ang marka ko lang ang maiiwan.
Walang bakas mo.

Masasanay na akong wala ka sa puno ng manggahan sa tuwing sasapit ang ala singko ng hapon.

POETRY: A Work Of HeartWhere stories live. Discover now