Twenty two

2K 89 6
                                    

Tahimik na nakinig si Owyn Pendragon sa Khosana. Kaninang marinig niya ang boses ng Khosana ay bumilis ang pagtibok ng kanyang puso. Ilang taon na bang huli niyang narinig ang boses ng isang Gwawrddydd? Matagal-tagal na rin. Ang huli niyang narinig ay ang utos sa kanya ni Khosana Tiama. May mga habilin ito sa kanya bago nilisan ang kanilang mundo. At ito na rin ang huling pagkakataon na marinig niya ang boses ng Khosana, ang bagong Khosana ng Khu-Gwaki. Halos magkatunog ang boses ng dalawang Khosana, tanging kaibahan ay mas malamyos ang boses ng kasalukuyang Khosana. Pero nakarating sa kanya na malakas ito. Matigas din ang loob at walang takot. Nakikita na niya noong bata pa ang Khosana. Ngayon nasa harapan niya ito ay nagulat siya sa laki ng pagbabago ng dating dalaga.

Dahil ang kapatid niya ay advisor ni Khosana Tiama at siya ay isang Elite Weredragon Guard, paminsan-minsan ay nakikita at may mga pagkakataong binabantayan niya ito. Tahimik at seryoso itong bata. Lahat ng mga sinasabi ni Khosana Tiama ay itinatak nito sa isip at puso. Halata ang kagustuhan nitong akuin ang lahat para lang hindi mapansin ng ina nito ang bunsong kapatid na sa mga panahong iyon ay hindi pa rin makapagpalit ng anyo. Naramdaman ni Owyn ang kagustuhan ng batang si Dayanara na protektahan ang kapatid, kaya naman inako nito ang lahat. Ngayon ay ito na ang Khosana, naipahanap na rin nito ang kapatid. Masaya siya para dito.  Sana pagkatapos ng pangyayaring ito ay maging wais at matalino ang Khosana, dahil alam ni Owyn na umpisa palang ito, marami pa ang susunod. Masusubok sa susunod na mga araw ang lakas at tatag ng Khosana. At sana magwagi ito, dahil kung hindi, mawawalan ng silbi ang lahat.

------
Hindi maiwasan ni Firen na magtaka. Noong bata pa siya, kilala niya si Lord Owyn. Ang asawa nito ay ang namamahala sa napakalaking Archive sa Khu-Gwaki. Daan-daang libo ang libro ang laman nang Archive. Ilang libong kaalaman na nasa pahina ng libo-libong libro. Noong kabataan ni Firen ay pinakagusto niya ang amoy ng pahina ng libro. Halos nakatira na siya sa Archive, isa ring dahilan kaya naroon siya ay dahil sa walang humpay niyang paghahanap ng lunas sa kanyang problema noon. Ang hindi niya pagpalit sa anyong dragon.

Mabait ang asawa ni Owyn na si Kaliya, hindi siya itinataboy nito bugkos ay tinutulungan pa siya. Mainit ang trato ng mag-asawa sa kanya kahit ang iba ay malamig at may panghahamak. Kahit ang anak ng mga ito na si Cadre na sumunod sa yapak ng ina at halos nakatira na sa Archive ay mabait sa kanya. At ang apo nitong si Morghanen ay kaibigan niya.

Napansin din ni Firen ang matangkad na lalaking nakatayo at madilim ang mukha sa likuran ni Lord Owyn. Agad na nakilala ito ni Firen base na rin sa pamilyar na hitusra nito. Walang iba kundi si Morghanen. Mas tumangkad ito at kabaliktaran sa hitsura ng ama nitong sa Cadre na mukhang skolar, si Morghanen ay mukhang warlord. Hitsura palang nito ay mukhang may kakayahan ito.

Napakunot noo si Firen. Dahil siya ang dahilan sa nangyayaring ito. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi matuklasan ng kanyang kapatid na si Dayanara ang tungkol sa PIT. Pero matay man niyang isipin ay hindi niya talaga lubos maisip kung bakit kasali doon si Lord Owyn.

Sino sa angkan nito ang kasali? Hindi naniniwala si Firen na magawang magtraydor ni Lord Owyn. Mula pa sa kanunununoan nito ay lahi na nang mga royal advisor ng mga Gwawrddydd ang angkan nang mga Pendragon. Kaya bakit ito kasali roon?

----
Natigilan si Dayanara nang mapadako ang tingin sa nag-iisang matanda roon na nakaluhod. Nakayuko at tahimik lang ito. Kabaliktaran sa apat na kasama nito. Napakunot noo si Dayanara lalo na nang makilala nito kung sino ang matandang nakaluhod sa harapan.

Lord Owyn!?

Gustong magmura ni Dayanara. Ang daming katanungan ang sunod-sunod na nag unahan sa utak nito.

Syempre kilala niya ito! Sinong hindi nakakilala kay Owyn Pendragon?

Kung may iilang tao mang ginagalang si Dayanara ay isa na roon ang mag-asawang Pendragon. Si Lord Owyn at Lady Kaliya. Iyon ay hindi dahil mabait ito sa kanya, kundi dahil mabait at nararamdaman niyang totoong may malasakit ito sa kapatid, na noon ay halos nakatira na sa Archive.

Kilala din niya ang kapatid ni Lord Owyn na si Drake Pendragon. Kung may isang tao mang pinagkatiwalaan ng lubos sa kanyang ina, iyon ay walang iba kundi si Drake Pendragon, ang royal advisor at tanging kaibigan nito. Maraming traydor at mapagbalatkayo sa palasyo, kaya ang turo sa kanya ng ina ay walang pagkatiwalaan kahit sino, kahit kadugo pa...lalo na pagkadugo. Dahil karamihan ito ang unang magtraydor. Dahil walang kinikilalang kadugo o pamilya ang taong naghahangad ng kapangyarihan!

Ngayon, nasa mga kamay niya ang buhay ng isang Pendragon. Ano ang gagawin niya?

"Bring out the traitors." Utos ni Dayanara kay Brigid. Nagbigay naman ito ng signal sa dalawang kasama. Wala pang dalawang segundo ay maririnig na ang tunog ng kadenang bakal. Nakakadena ang limang lalaking weredragons. Halata sa hitsura at latay sa balat ng limang lalaki ang pinagdaanang parusa.

Pagdating sa harapan ay kusang lumuhod ang lima kahit nahihirapan. Tahimik ang lahat habang nakatingin.

"Khosana, sana maintindihan mo na patago nilang ginawa ito. Bilang pinuno ng angkan ay hindi lahat ng mga ginagawa ng isang membro ng aming angkan ay alam namin. Hindi namin hawak ang kanilang utak." Ang sabi ng isa sa limang pinuno.

Ang apat na pinuno na ito ay maliliit lang ang pinaggagalingang angkan, maliban sa angkan ng Pendragon na isa sa limang makapangyarihang angkan.

"Tama ang sinabi mo Khosana, ang puno na namumunga ng bulok na bunga ay kailangang lipunin. Kaya ipinapangako kong ang lahat ng membro ng pamilya nito mula sa asawa hanggang anak at apo ng traydor na ito ay hahatulan ko ng kamatayan. Isang pagkakataon Khosana, bigyan mo sana ng isa pang pagkakataon ang angkan na patunayan ang aming katapatan!"

Isa-isang naki-usap ang mga pinunong naroroon, maliban pa rin sa isa.

Pagkatapos isa-isang naki-usap ang apat na pinuno ay muling namayani ang katahimikan sa paligid.

Pagkaraan ay may mahinang tikhim na maririnig. Napatuon doon ang pansin ni Dayanara at nang lahat na naroroon.

"Mahal na Khosana... ako si Owyn Pendragon, bilang kabayaran sa pagkakasala ng isang membro ng aking angkan ay handa kong gawing kabayaran ang aking buhay. Tanging hiling ko sana... na ang buhay ko ay sapat nang kabayaran. Na ang aking angkan ay hayaang mamuhay ng tahimik sa Khu-Gwaki. Hindi ko man hawak ang desisyon ng bawat isang membro ng aking angkan, pero bilang pinuno, tungkulin ko at pananagutan ang ano mang pagkakasalang nagawa ng aking kinasasakupan. Isinusumpa ko! Mula sa araw na ito, walang kahit isang Pendragon, ni sa isipan ay magtraydor sa kaharian ng Khu-Gwaki, sa lahi ng mga Weredragons at higit sa lahat, sa mga Gwawrddyd. Malabnaw man o malapot hangang may dugong Pendragon na nanalaytay sa katawan ay habang buhay na panghahawakan ang pangakong ito!" Kasing bilis ng kidlat, gumalaw ang kamay ni Owyn Pendragon. Hawak sa kanang kamay nito ang mahabang espada at mabilis na inumang sa leeg nito at hinila pakaliwa.

Gustong sumigaw ni Morghanen pero walang tinig na lumabas sa bibig nito.

Hindi nakagalaw si Brigid.

Natigilan si Dayanara gustong pigilan si Owyn sa gagawin pero sa sobrang gulat nito ay hindi ito makagalaw sa tamang oras. Tanging nakikita nito ay ang pulang likidong tumutulo sa leeg ni Owyn Pendragon.

Firen (Elemental Mage Prequel Part 2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon