AUDITION

443 8 0
                                    

Ako'y isa sa mga taong mayroong pangarap
Ako'y isa sa mga taong kadalasang humihiling sa mga butuin at mga alitaptap
Nais kong ipakita kung ano ang kaya ko, kung sino ako
Kahit pa dumaan ako sa butas ng karayong, sumisid sa dagat ng apoy, ito'y para sa pangarap ko

Ika nga nila, libre lang mangarap, wala kang babayaran
Naniwala ako na lahat ay may tsansang baguhin ang pangarap at gawin itong katotohanan
Naniwala ako na lahat ng tao ay may pagkakataon
Naniwala ako na ang lahat ng bagay ay may tamang panahon

Kaya napagpasyahan ko na simulan na ang aking paglalakbay sa isang maliit na hakbang
Naghintay ako, nagpalakas ng loob, pinaghandaan ang pagkakataong nagaabang
Pinag-aralan ko kung paano ko ipapasa itong aking unang pagsusulit
Bawat oras inilaan ko upang ako'y hindi magmukhang kalait-lait

Araw, linggo, buwan ang lumipas
Sadyang oras ay napakabilis kumaripas
Dumating na ang tamang panahon para ipakita ang aking talento
Ipapakita ko na kung sino talaga ako

Habang ako'y naglalakad, ang paligid ko'y unti-unting bumagal ang takbo
Nagtungo ako sa isang entablado
Walang manonood, ako lang at isang tao na mistulang hurado
Nagkaroon ng malawakang katahimikan na tumagal ng ilang segundo

Nakita na ng aking mga mata ang simula ng aking pangarap
Ang bituing noo'y sinusungkit, ang sagot na kay tagal ko nang hinahanap
Magsisimula na sana akong ipakita ang tunay na ako sa kabila ng nadarama kong kaba
Ngunit nakita ko ang kaniyang mga mata na para bang nagtataka

Bago pa man ako magsimula, ako'y kaniyang pinigilan
Lahat ng nararamdaman kong kagalakan ay unti-unting linamon ng kaba at kadiliman
Tinanong niya ako kung bakit ako naparoroon
Sinagot ko siya na nais kong sumubok sa isang audition

Sa sandaling iyon, alam ko na ang aking inaasahan sa aking pinuntahan at lahat ng aking pinaghandaan ay mawawala na parang bula
Nagkaroon muli ng isang malawakang katahimikan kasama ang aking mga matang nagpipigil bumigay sa luha
Pagkatapos, Umalis siya na parang walang nangyari
Umalis siya at iniwan ako na walang imik at may pusong humihikbi

Nawala ang pag-asa na kay tagal kong pinag-iipunan
Pinaasa niya ako pero mas pinaasa ko ang sarili kong naging mas paasa pa sa lahat ng paasa dito sa lipunan
Hindi man lang niya ako binigyan ng tsansa na aking hinihingi
Hindi man lang niya hinayaan na ipakita at iparating ang gusto ko mangyari

Na mahal na mahal ko siya
Na siya lang ang tanging laman ng aking mga pangarap mula pa sa simula
Subalit ang inakala kong hurado ay isa lang palang simpleng tao
Na hindi pa handang magsagawa ng audition at hindi pa handang sumubok sa pag-ibig na pinapangarap ko.

-----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

A/N: Okay lang ako :) promise :)))))

SPOKEN WORDS POETRY Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon