Kabanata 1
Huminto ang tricycle sa tapat ng isang kulay puting bahay. Nahirapan pa si manong imaneho paakyat ang kanyang tricycle dahil pasulong ang daan kung saan nakatirik itong napakaaliwalas at napakagandang bahay.
Bumaba ako at namangha sa ganda ng view. Kitang kita mula rito sa taas ang napakagandang dagat. Wow white island! Napahawak ako sa laylayan ng dress ko ng biglang humangin.
"Ikaw ba hija alam ng magulang mo na magttrabaho ka bilang katulong?" napalingon ako kay manong na ibinababa na ang mga maleta ko "eh hindi bagay sayo magkatulong at ke-bata mo pa."
"Ho?"
"Baka hindi mo kayanin maging amo si Senyorito Santi may pag kamasungit pa naman ang batang iyon eh." sabi niya pa ng tumatawa tawa.
"Manong nagka--"
"Ay naku hala! Nako hehe pagpasensyahan mo na ako hija ha, wag mo na lang intindihin yung sinabi ko." sabi niya habang kumakamot kamot pa sa ulo, "Oh paano aalis na ako. Sana eh magustuhan mo dito sa Sitio Friede. Maganda dito at mababait ang mga tao."
"Salamat ho, naku kung hindi ho kayo napadaan kanina baka kung saan na ako napadpad." napahagikgik ako, "Salamat ho talaga. Eto nga ho pala ang bayad." inabot ko sa kanya ang limang daang bayad ko.
Pinasobrahan ko na itong bayad ko dahil malaki ang utang na loob ko sa kanya. Pagkababa ko kase ng bus kanina wala akong ideya kung saan na ba ang sunod na punta ko. May address ako nitong bahay pero ito ang unang beses na pumunta ko dito kaya hindi ko pa kabisado ang daan.
Naglakad ako sa kahabaan ng kalsada kahit tirik na tirik ang araw. Wala man lang dumadaan na kahit na anong sasakyan. Kahit truck handa akong makisabay maihatid lang ako sa bayan kung saan pwede akong sumakay papunta dito.
Kaso malayo na ang nalakad ko sa napakahabang kalsada na parang walang katapusan eh wala pa ding dumadaan. Pawis na pawis na din ako sa tindi ng araw. Kahit isang tao man lang para mapagtanungan at mahingan ng tulong ay wala. Kokontakin ko na sana si Kuya Sid dahil naiiyak na ako sa takot. Hindi ko na alam kung saang lupalop na ba ako nitong probinsya.
Kahit sobrang tirik ang araw at napapaso talaga ako sa init nito ay puwesto ako sa gitna ng kalsada. Nagbabakasakaling may dumaan at hintuan ako. Sinusundan ko ang guhit sa kalsada habang hila hila ang dalawang maleta ko. Sumigaw sigaw pa ako ng tulong pero bumabalik lang sakin ang sigaw ko dahil napapalibutan ng puno ang kalsada.
Nang hiningal ako kakalakad tumayo na lang ako sa gitna at naalalang may payong nga pala ako na puti terno sa damit kong puti at sapatos na puti. Pero nangawit din ako kaya naglatag na ako ng towel ko na puti-- wala na akong pakielam kung madumihan pa ito basta naupo na lang ako.
Para akong baliw nakaupo sa gitna ng kalsada habang nakapayong tapos nakapalibot sakin ang mga maleta ko. Naghihintay ng milagro at nananalangin na sana wag naman akong abutin ng gabi sa daan. Pinipigilan ko ang sarili ko na kontakin na si Kuya Sid dahil siguradong papagalitan niya lang ako sa katigasan ng ulo ko. Nagpatugtog na lang ako sa cellphone at sinabayan pa ito ng pagkanta.
Sa ganung itsura ako nadaanan ni Manong. Nakita ko pa sa itsura nito nung una ang pagkahilakbot. Ililiko na sana nito pabalik ang tricycle nya pero tinawag ko sya at hinabol. Huminto naman ito at nakakunot ang noo na tumingin sakin.
Akala nya isa na din sya sa mga nagpapatunay na may engkantada ngang nagpapakita sa kalsadang iyon. Natawa ako at sinabing isa akong bagong luwas galing Maynila na naliligaw. Tinanong nya kung saan ba ang punta ko kaya ipinakita ko sa kanya ang address nitong bahay. At sya na nga hinihintay kong milagro. Nagbunga ang paggawa ko ng music video sa gitna ng kalsada.