Kabanata 14
Bugbog na ang labi ko kakakagat ko dito para pigilan ang matinding pagngisi. Napapadila ako at lihim na tatawa. Ang isiping mapaparusahan siya dahil sa pagtira niya sakin na hindi nalalaman ng grandma niya ay nagpapamukhang baliw sakin ngayon dahil sa kakangiti. Masaya ako syempre pero bigla akong nababahala dahil nahahawa na ata ako sa kasamaan ng ugali niya. Pero tuwing naaalala ko ang pinapapagawa niya sakin sa sarili kong bahay ay nagiging matigas ang puso ko.
Ginising ako noon ng basag ng gamit sa kusina, pagbaba ko ay sinigawan niya pa ako dahil ako daw ang may kasalanan! He's unbelievable! Hindi daw ako naglilinis ng bahay kaya nagkakaroon ng ipis, at kaya nabasag yung baso dahil iyon ang ginamit niyang pangpatay! Ang sarap niyang patayin minsan. Pero ang mapansing topless siya at naka-boxer lang, mas lalong gusto ko siyang patayin dahil natutunaw ang galit ko. Kaya dapat ay mawala na siya sa bahay ko dahil baka isang araw ay hindi ko na makilala ang sarili ko. Delikado siya kasama sa iisang bubong. Delikadong delikado.
Pero sandali, hindi bat hindi alam ng grandma niya yung tungkol dun sa abo? Hindi kaya mas mabuting ako na ang magsabi? Kailangan pero natatakot ako. Baka parusahan niya din ako! Anong gagawin ko? Nakakakonsensyang ilihim ko lang ito, baka multuhin na talaga ako ni Ms. Alexandria.
Napaayos ako ng upo nang makitang parating na ang grandma ni Santi kasunod ng mga katulong. Nagpaluto siya kay Manang Leticia ng pananghalian at dito na niya naisipan kumain sa garden. Gusto ko sanang sabihin na sa dining area na lang kami pero nahihiya ako. Parang nahihilo pa nga itong tumayo kanina pagkatapos ng pagbubunyag ko pero pinapaulit ulit nito na ayos lang siya.
"May idadahilan ako sa aking kakilala na hindi ako makakarating. Napakakulit kasi non!" Sabi nito habang nilalapag ng dalawang katulong ang mga pagkain. Kaya pala nakapustura ito, akala ko ganito talaga ito manamit kahit sa bahay lang.
"Nakakahiya po dahil nakaabala pa ko."
"Bakit mo nasasabi yan? Matagal na kitang gustong makita at makilala, Aracelli. Mabuti na din at nasabi mo iyon ng maaga sakin." Naupo na kami at umalis na ang dalawang katulong na nakauniporme na puti na may halong pula. May burda pa ata ito ng mga roses.
Nginitian ko lang siya. Nararapat lang na isumbong ang hambog na yon! Mabait talaga siya, hindi siya nagalit sakin at sinumpa pa ang apo niya mananagot! Para tuluyan nang gumaan ang pakiramdam ko ay sasabihin ko na ang bumabagabag sakin pero... pagkatapos na kumain dahil baka hindi ko pa matikman itong mabangong sabaw. Ano ito?
Naguumpisa na kaming kumain at napapagana talaga ako dahil napakasarap nitong sabaw. Sabi niya ay sinampalukang manok daw ito. Napakasarap magluto ni Manang Leticia.
"Uhm.." Tinapos nito ang nginunguya at nagpatuloy. "Kamusta ang pangalawang pagbisita mo dito sa Sito Friede?"
Pangalawang pagbisita? Nagkakamali ata ito. "Ito po ang unang punta ko dito sa probinsya niyo."
"Una?"
"Opo." Natawa ako ng maalalang naligaw pa ako non. "Naligaw pa ho ako dahil hindi ko alam kung saan ang bahay ni Ms. Alexandria."
Nagtaka ako nang tinitigan lang ako nito. Nailang ako sa paraan ng pagtingin niya sa buong mukha ko.
"Ikaw yon hindi ba?" Parang tinatanong nito ang sarili.
"Po?"
"Isang tao na matagal ko ng gustong makita." Bumuntong hininga ito. "I saw your picture when your mother moved your things in my daughter's house, nagulat ako at masayang masaya! Magkamukhang magkamukha kayo kaya inaasahan ko.. na ikaw siya, Ara."