Nilalakad ng tatlo ang mahabang pasilyo sa loob ng isang kasumpa-sumpang lugar. Maganda ang paligid, ang tumatayong kastilyo ng mga taong iba ang kahulugan ng mabuti at masama. Maganda ang kulay ginto at pulang carpet na nilalakaran nila. Kapuna-puna ang detalyadong istruktura mula sahig hanggang sa dingding. Mataas din ang kisameng pinaliligiran ng mga mamahaling chandelier. Matataas din ang mga bintanang may magagandang pulang velvet na kurtina. Nakikita ng mag-asawa ang makapigil-hiningang tanawin sa labas mula sa nilalakaran. Ang ganda ng tama ng pang-tanghaling araw sa malawak na hardin sa ibaba na pinalilibutan ng naggagandahang mga bulaklak ng chamomile.
Nakasuot ang mag-asawa ng shock collar na isinuot sa kanila ng kasamang Guardians ni No. 99 sa labas ng pinanggalingan nilang kuwarto. Hindi iyon katulad ng shock collar sa HQ. Mas mabigat iyon at hindi basta-basta matatanggal kahit pa si RYJO si Armida. May tracker din ang mga iyon para kung sakaling lumabas sila ng Citadel, madali silang mati-trace.
"Kumusta ang kasal? Pasensya na kayo, kulang ang mga Superior para dumalo," mahinahong sinabi ni No. 99 sa kanila.
"Superiors? Kulang? Paanong hindi magkukulang, pinatay mo na ang iba," walang kaabog-abog na katwiran ni Armida habang kalmadong sumasabay kay No. 99.
"Manners, young lady," paalala nito kay Armida. "And besides, I only killed those who opposed."
"Opposed on what?" tanong agad ni Josef. "Gano'n ba kayo kalala para traydurin ang isa't isa?"
Huminto sa paglalakad si No. 99 kaya napahinto rin ang dalawa. Tumalikod ito at kalmadong tumingin sa mag-asawa.
"May batas sa Criminel Credo pagdating sa pagtatalaga ng mga tao sa guild. At kapag may isang hindi pabor, para na rin niyang nilabag ang batas. Hindi matanggap ng ilang Superiors ang titulong ibinigay sa prinsesa." Inilipat ni No. 99 ang atensiyon kay Armida. "Si Hawkins lang ang tumanggap ng hamon na all-out war ni RYJO, hindi ang Fuhrer." Isang matipid na ngiti ang ibinigay niya kay Armida bago tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad.
Sandaling nagkatinginan ang mag-asawa, dahan-dahang tumango para sabihing ganoon pala ang nangyari at sumunod muli kay No. 99.
Batas sa Criminel Credo. Maliwanag.
"Alam ng Fuhrer ang ginagawa niya," pagpapatuloy ni No. 99, "at hindi niya sasayangin ang panahon niya para labanan ang isang bata."
"Excuse me?" inis na sinabi ni Armida dahil alam niyang siya ang batang tinukoy ni No. 99.
"Yung wedding namin? Para saan 'yon?" tanong ni Josef para putulin ang inis na mamumuo na sana dahil sa insulto ng sinusundan nila. "Ano'ng kinalaman n'on sa mga Superior? Kasi ang alam ko, desisyon 'yon ng pamilya."
Dinig sa boses ni No. 99 na nakahanda ito sa lahat ng posibleng tanong mula sa dalawa. "Sa tradisyon natin, nagaganap ang kasal kapag may paglilipat ng titulo o pagsasama ng pamilya. Sa sitwasyon ninyong dalawa, the reason is both. Hindi sa inyo galing ang weddings vows kundi sa opisina ng mga Guardian. Hindi lang iyon simpleng kasal lang. That's an oath for the guild. And we're just following a fixed agreement na dapat ay matagal nang nangyari."
"What agreement?" usisa ni Armida. "A fixed marriage? Sino ang nag-decide? Ikaw at si Nightshade?" sarkastiko niyang tanong. "Na ikakasal kami once we grow up? Oh come on!"
Napansin ng mag-asawa ang saglit na pagsulyap ni No. 99 sa likuran. "Ang totoo, wala sa amin ang sagot sa tanong na 'yan. Bakit hindi mo tanungin si Ricardo, baka may ideya siya sa kasunduan."
Muling nagkatinginan ang mag-asawa. Biglang naningkit ang mga mata ni Armida, tinatantiya kung ano ang ibig sabihin ni No. 99. Nagkibit-balikat lang si Josef at nagsawalang-kibo na parang wala itong alam sa sinasabi ng sinusundan nila.
BINABASA MO ANG
Project RYJO 4: The Superiors: Assassins
ActionMuling nagbabalik ang mag-asawa para sa misyong sila lang ang kayang makagawa. Matapos kaya nila ang misyon bago pa mahuli ang lahat? Book 1 of The Superiors Trilogy. ANG FOURTH SEQUEL NG THE NEWLY WEIRD SERIES. ___________________ Book1: The Newlyw...