Madaling-araw pa lang ay tinune-up na nila Caloy at Peping ang lumang Toyota, paniguradong hindi papalya. Nilinis nila ang sparkplugs at air filter. Winashing din nila na mabuti, nilabhan ang mga seatcovers, brinush ang floormats at pinakintab ang dashboard. Gumagana pa naman ang aircon, subali't mahina na ang blower.
Umaandar ang kotse sa kahabaan ng EDSA na minamaneho ni Caloy.
"Biruin nyo, Ma'm, sa wakas, magco-comeback na kayo!" sabi ng driver.
Napangiti si Andrea, "Comeback. Ang pangit pakinggan. 'Yan yung ayaw na ayaw
marinig ng mga artista. Ibig sabihin nalaos ka na.""Eh, Ma'm, pano kung "back from retirement" na lang?"
"Yan siguro, pwede pa. Parang nagbakasyon lang," tawa si Andrea.
Tumunog ang cellphone ni Andrea. Nagsuot siya ng reading glasses para basahin ang maliliit na letra sa phone.
Text ni Evelyn: Where you na?
Nag-text back si Andrea: Near na. Wait lang.
Tapos, binalikan niya ang paksa nila ni Caloy.
"Saka isang pelikula lang naman ito, Caloy. At extra lang naman ako."
"Kayo naman, Ma'm," sumilip si Caloy sa rear view mirror. "'Lam nyo namang hindi lang extra si Agueda. Matinding role kaya siya. Malay n'yo manalo pa kayo ng Best Supporting Actress!"
Napailing si Andrea sa malaking "baka" na ito at tumingin sa malayo.
"Sus."
Dumating sila sa corner ng EDSA at Kamuning tulad ng instruction ni Evelyn. Medyo traffic. Mainit ang panahon at mahina ang aircon. Nakita ni Andrea si Evelyn na naghihintay sa ilalim ng bus stop. Halos hindi nagbago ang kasuotan nito.
"Hayun! Ayun siya," turo niya kay Caloy.
Tumabi ang Toyota. Namukaan ni Evelyn si Andrea na nakaupo sa likuran. Wala rin kasing tint ang kotse. Sumakay ito sa tabi ni Andrea.
"Hindi naman kami late, 'di ba?"
"Hindi, okay lang," walang ganang sagot ni Evelyn.
Amoy sigarilyo si Evelyn, o 'yung tabako ng matatanda. Masakit din sa ilong ang matapang niyang pabango. Pinakilala ni Andrea si Caloy.
"Si Caloy. Driver ko."
"'Kaw na ang me driver," muni ni Evelyn, sabay kinalabit sa balikat si Caloy, "Pst. Wala na bang ilalakas aircon natin?"
"Todo na po."
"Palagyan nyo 'to ng Freon," sumbat ni Evelyn.
Nagkatinginan sina Caloy at Andrea sa rear view mirror.
"Sa'n po ba tayo?" tanong ni Caloy kay Evelyn.
"Yung mataas na building paglampas ng Quezon Ave., sa bandang kanan, 'yun ang Galaxy Films."
BINABASA MO ANG
Dugo sa Bughaw
General FictionInspired ng mga klassik Filipino movies na gawa ng studios tulad ng Sampaguita, Premiere at LVN, ito'y kwento ng mga artista, past and present, at ng mga taong nasa likod ng paggawa ng pelikula. Isang hindi malilimutang soap opera. Ang istorya ay tu...