TUROK

46 1 0
                                    

Nang magsimula akong magturok sa ugat ko ng pag-ibig
Nagsimula na ring madarang sa dantay ng iyong ulo sa aking bisig
Sambitan ng pagsinta habang mga ilong ay magkalapit
Mistula langit sa panlasa... Wala ni alat, walang pait.

Nanatiling bukas ang diwa at salat na rin tulog
Sa bangin ng mga bahaghari at paru-paro ay nahuhulog
Kapag sumisinghot ng pag-ibig... walang gutom, walang pagod
Bumubuhos ang mga tula, lapis ay 'di rin nauupod.

Dilat ang mga mata... Tungo sa pagkabulag ko na pala
Unti-unti na palang nauupos yung dating ako na 'yong nakilala
Nalalason na ang utak, hindi na tama ang pag-iisip
Gustong paniwalain ang sarili na isa lang itong panaginip.

Ngayon sa bawat paglingon ay para bang may sumusunod
Ang iniwan mong sumpaan natin parang sasaksak saking likod
Lulong ako sa pag-ibig, wala naman kasi saking pumigil
Ngayo'y patuloy na sa pagturok hanggang ang puso ay tumigil.

Spoken PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon