January 12, 2017
Oras: 3:15 ng umagaHindi na bago kay Lailanie ang magising ng alas-tres ng madaling araw. Mula noong hindi na sila magkita ni Andres ay nagsimula siyang magkaroon ng mga panaginip. Panaginip kung saan nakikita niya si Andres. Si Andres na umiiyak sa harap ng isang lumang orasan tulad ng napanaginipan niya sa Baguio.
Kinakain siya ng kaniyang konsensiya sa bawat panaginip kung saan nakikita niyang hilam ito sa luha. Alam niya na sobra niyang nasaktan si Andres pero hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makita at makausap ito.
Hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na maipaliwanag sa kasintahan ang lahat. Hanggang ngayon ay hindi niya naipaliwanag kay Andres kung bakit bigla siyang nawala at hindi niya natupad ang kanilang pangako sa isa't-isa.
Hindi maipaliwanag na sakit ang nararamdaman ni Lailanie sa bawat hinagpis na nakikita niya sa mukha ni Andres kapag napapanaginipan niya ito. Hinagpis na nagdudulot rin ng ibayong sakit at pighati sa kanya.
Apat na taon na ang nakakalipas pero heto siya, pinaparusahan ng mga panaginip na hindi niya alam kung kailan titigil. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa kama saka lumabas ng kanyang kwarto. Dumiretso siya sa kusina para uminom ng tubig.
Naginhawaan nang kaunti ang pakiramdam ni Lailanie nang maramdaman ang malamig na tubig sa lalamunan niya. Bumalik na siya sa kwarto niya pagkatapos ng pakay niya sa kusina.
Nakita niyang umiilaw ang cellphone niyang nakapatong sa side table niya. Dinampot niya ito sabay upo sa kama niya. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya nang makita ang pangalang nakatatak sa screen ng cellphone niya.
AVillarreal!
Isang mensahe galing kay Andrew Villarreal.
Sobrang bilis ng tibok ng puso ni Lailanie na parang may nagkakarerang mga kabayo sa dibdib niya. Hindi siya nakapagsalita dahil sa hindi inaasahang pagkawendang ng kanyang puso dahil lang sa isang pangalan.
Pero bakit niya nararamdaman ito? Sa loob nang mahabang panahon, ngayon niya lang ulit naramdaman ang ganitong pakiramdam. Apat na mahahabang panahon na para sa kanya ay tila tumigil ang oras mula nang maglaho ang pag-asa niyang makita at makasama muli ang pinakamamahal na si Andres.
Kahit minsan ay hindi tumibok ang puso niya para sa kahit na sinong lalaki. Tanging kay Andres lang niya naramdaman ang ganito kalakas na tibok ng kanyang puso. At ngayon, naramdaman niya ulit para kay Andrew Villareal.
Alam niyang mali iyon dahil may nobya na ang binata at engaged na siya kay Robert. Kahit hindi niya mahal ito, alam niyang mabait at matapat itong lalaki na karapat-dapat sa respeto niya. Iyon ang pinanghahawakan ni Robert mula sa kanya sa loob ng apat na taon nilang relasyon, relasyong tanging salita ng kanilang mga magulang ang bumuo. Iwinaksi niya sa kanyang isip ang nakakalungkot na isiping iyon saka binasa ang mensahe na natanggap.
"Mornings are new beginnings. New hope. New dreams. Good morning Annie!" sabi ng message na galing kay Andrew.
"Gising pa siya?" tanong ni Lailanie sa sarili habang titig na titig sa message na nasa screen ng kanyang cellphone. Medyo nanginig ang mga kamay niyang may hawak nito habang nagtatalo ang dalawang panig ng kanyang utak kung magrereply ba siya o huwag nang bigyang pansin ang message.
Nagkatagpo ang landas nila dahil sa negosyo at wala hang iba pang magiging dahilan kung hindi iyon lamang. Hindi niya binigyan ng ibang kahulugan ang sinabi ni Andrew noong huli silang mag-usap sa resto na gusto pa nitong makilala ang dalaga.
May parte man ng puso niya na nakaramdam ng kakaibang saya dahil sa tinuran ng binata ngunit purong pagtutol ang inihahayag ng utak niya. Ayaw niyang maging kumplikado ang kumplikado na niyang buhay bago pa man niya nakilala ang binata. At lalong ayaw niyang dagdagan pa ang mga problemang dapat niyang bigyan ng solusyon. She already had so much on her plate right now.
"Thank you for that inspiring message. Good morning!" ang unang mensaheng gusto niyang ireply ngunit . . .mabilis at sunod-sunod na pindot ang ginawa niya. Kailangan niyang gawin ang tama para maging tahimik ang buhay niya.
Nakayanan niya namang mamuhay na walang kumplikasyon dahil nakikiayon siya sa gusto ng ama sa loob ng apat na taon. Kakayanin niya din na mamuhay ng tahimik kahit pa nasasaktan ang puso niya. Para hindi tuluyang mawasak ang kanyang pamilya at ang pangalang iningatan ng kaniyang mga magulang.
Nahiga na siya at minabuti niyang bumalik sa pagtulog. Masyado pang maaga para hayaan niyang magulo ang isip niya dahil lang sa isang message o tama bang sabihin niyang dahil lang sa isang tao.
==================
"Lailanie!" halos pabulong ang pagtawag na iyon sa kanyang pangalan.
Boses nang isang babae na parang dinadala ng hangin. Malamig na hangin ang nararamdaman niya sa kanyang mga braso. Gusto niyang imulat ang kanyang mga mata pero parang napakabigat ng mga talukap niya para ibuka ang mga iyon.
"Lailanie!" narinig niyang tawag uli ng boses sa kanyang pangalan. Isang haplos sa kanyang buhok ang naramdaman niya kasabay ng pag-aninag niya sa isang pigura na nakaupo sa gilid ng kanyang kama.
Isang babaeng may perpektong mukha na parang isang dyosa. Hindi niya mawari ang nararamdaman niya nang makita ang babae. Parang napuno ng pag-asa ang puso ni Lailanie.
"S-sino ka? Bakit mo ako k-kilala?" sunod-sunod na tanong ni Lailanie sa kaharap.
Ngumiti ng napakatamis ang babae. "Ako si Orasiana. Matagal na kitang gustong makausap Lailanie." sagot nito habang patuloy ang paghaplos sa kanyang buhok.
"Paano mo 'ko nakilala? Ngayon lang kita nakita." puno ng pagtataka ang maaaninag sa mga mata ni Lailanie habang tinititigan ang napakagandang mukha ng kaharap.
Sumilay ang ngiti sa labi ng kausap. Ngiting nagpakalma sa pakiramdam ni Lailanie.
"Matagal na panahon na kitang pinagmamasdan. Matagal na panahon ko nang nakita ang kalungkutan sa iyong magandang mukha." wika ni Orasiana sa dalaga na lalong nagpakunot ng noo nito.
"Ngunit paano nangyari 'yon? Hindi talaga kita kilala at ngayon lang kita nakita."
"Kailangan mong magising sa totoong mundo Lailanie. Tama na ang pagpigil sa panahon. Hindi ka makakausad kung patuloy kang kakapit sa nakaraan." matalinghagang wika ni Orasiana.
"A-ano po a-ang ibig n'yong sabihin? Hindi ko po kayo maintindihan." tanong niya na sinagot ni Orasiana ng isang ngiti at haplos sa kanyang pisngi.
"Gumising ka na." saad niya saka tumalikod at naglakad palayo Kay Lailanie.
"Teka! Sandali lang Orasiana! Huwag ka munang umalis. Sandali!" sigaw ni Lailanie kasabay ng pagdilat niya. Dali-dali siyang bumangon at tiningnan ang buong paligid. Hindi niya makita si Orasiana, ang babaeng kausap niya kanina lang.
"Nandito lang siya kanina. Bakit bigla nalang nawala?" takang tanong ni Lailanie habang inilibot ang paningin sa kabuuan ng kanyang kwarto.
Gusto niyang paniwalaang panaginip lang 'yon pero damang-dama niya ang haplos nito sa kanyang buhok lalong-lalo na sa kanyang pisngi. Kitang-kita niya ang napakaganda nitong mukha at totoong-totoo ang mga ngiti niya.
Isang tunog galing sa wall clock ng kanyang kwarto ang umagaw ng atensiyon ni Lailanie. Pagbaling niya sa orasan ay siyang pagsapit ng alas-sais ng umaga.
Naalala niya bigla ang mga sinabi ni Orasiana. Masyadong matalinghaga ang mga salitang binitiwan nito sa kanya. Hindi niya lubos maisip kung bakit niya nasabi ang mga salitang iyon.
Napaisip si Lailanie kung paanong nasabi niya na matagal na nitong nasilayan ang kalungkutan sa kanyang mukha. Iyon ang unang pagkakataon na nakita niya ito o mas tamang sabihin niyang napanaginipan.
"Sino ka Orasiana? Anong gusto mong sabihin sa akin?" mga tanong na nagpagulo sa isip ni Lailanie.
"Orasiana..." pangalang tumatak sa isip ni Lailanie.
==================
Ang tagal ko nakaupdate. Sorry na!Ang daming gustong malaman kung ano ang nangyari kay Orasiana sa nakaraan.
Ano ba talaga ang estorya ni Orasiana? Ano ba ang papel niya?
See you sa susunod na chapter. Sasagutin ko ang ilan sa mga taking niyo.
Salamat sa pagbabasa.
BINABASA MO ANG
Orasiana
FantastikDumating ka na ba sa puntong gusto mong pigilin ang oras makasama lang siya nang mas matagal? Eh 'yong puntong gusto mong ikutin ang kamay ng orasan para lang maibalik ang mga panahong nasayang. Ano ang kaya mong isugal makasama lang ang pinakamamah...