Nakangiti habang nakatanaw,
Sa langit na kulay bughaw,
Kasabay ng pagsikat ng araw,
Ang mundong unti-unting lumilinaw.Huminga ng malalim at ipinikit ang mga mata,
Iniisip lahat ng mga ala-ala,
Ang mga ala-ala na masasaya,
Mga ala-ala kung saan minsan ka nang nakasama.Ang ulap na kay gandang pagmasdan,
Ang ulap na payapang tingnan,
Ang ulap na madaling mawala ng tuluyan,
At ang ulap na katulad mo, tila ba walang nararamdaman.Habang minumulat ang aking mata,
Hinihiling na sana,
Sana ikaw ang una kong makikita,
At sadya nga talagang mapaglaro ang tadhana.Nakangiti ka't nakatingin,
Ayoko na sanang isipin,
Ayoko na sanang pansinin,
Ang tibok ng puso ko't damdamin.Nakita kong papalapit ka,
Hindi ako makakibo at walang magawa,
Tila ba kilala mo ako't nakangiti ka pa,
Tumigil ka sa harap ko, habang ako'y nakatingala.Sa likod mo ang mga ulap,
Kung saan ako madalas mangarap,
Mangarap ng mga bagay na mahirap,
Mahirap abutin kahit nakababa na ang aking talukap.Umupo ka sa tabi ko,
Walang ibang marinig kundi ang aking puso,
Puso kong tanging sinisigaw ang pangalan mo,
At sa sigaw na 'yon, nagising ako.Nagising ako sa katotohanan,
Katotohanang ayokong maramdaman,
Katotohanan, kung bakit ako patuloy na nasasaktan,
Sa ilalim ng mga ulap na 'to, itatago ang aking nararamdaman.Hanggang ngayon nakatingin,
Nakatingin sa malayo at iisipin,
Kung paano mapapasaakin,
Ang ulap na kay tagal ko nang hinihiling.Sa ilalim ng mga ulap na 'to,
Ang pag- asa ko'y nakatago,
Sa ilalim ng mga ulap na 'to,
Nakatago ang nilalaman nitong puso't isipan ko.