***
Ayon sa teorya ng mga siyentipiko, isinilang ang buwan sa kalawakan nang bumangga ang isang planeta sa ating mundo. Nakaligtas ang mundo mula sa posibleng pagkawasak, ngunit hindi ang planetang ito. Ang mga maliliit na bahagi mula sa nangyaring banggaan ay nabuo—ang buwan. Hindi lamang ang mga siyentipiko ang nagkainteres na tuklasin ito—kung may buhay ba roon o maaaring tirahan ng tao—kundi pati na rin ang mga kakaibang nilalang na hindi nakikita ng ordinaryong mga mata. Nakagawa ng paraan ang mga masasamang engkanto upang marating at pamugaran ang buwan ng kanilang itim na mahika. Sa pamamagitan ng kanilang ritwal, hindi ito naging imposible.
Tuwing kabilugan ng buwan, lumalakas ang kanilang p’wersa. At ang epekto: pagsisilabasan ng mga nakakatakot na nilalang katulad ng mga aswang, tiyanak at iba pa.
Subalit isang araw, nagulantang sila sa pagpapakasasa nila sa kapangyarihan dahil sa isang propesiya. Isang engkantada ang magsisilang ng sanggol na lilipol sa kanilang lahi. Magtataglay ito ng hindi matatawarang kapangyarihan sa pagsapit ng ikalabing-walong kaarawan nito, kung saan sinasabing magiging mas malapit ang buwan sa mundo. Palalayain niya ang buwan sa kamay ng kasamaan. Hindi na sila makapaghahasik ng lagim sa mundo ng mga taong walang kamalay-malay sa mga nangyayari. Labis na ikinabahala iyon ng kanilang hari na si Demetrio.
Ilang libong taon ang lumipas, matapos ipapatay ni Demetrio ang lahat ng engkantada na nagdadalang-tao, isang sanggol na babae ang isinilang sa lupaing hindi sakop ng kanyang kaharian. Ang anak ng reynang si Estrelya at ng haring si Nerio na kapwa nagmula sa angkan ng mga mabubuting engkanto.
Makulay at masayang buhay ang kinamulatan ni Amara. Ang buhay na puno ng pagmamahalan at kabutihan. Ang kanilang kaharian ay paraisong maituturing, hanggang sa magulantang na lang ang lahat, isang umaga.
“Aaahhhh! Estrelya!” sigaw na gumising sa mga tagapaglingkod ng kaharian, maging kay Amara, na noo’y nasa sampung taong gulang pa lamang.
Napabalikwas si Amara nang bangon at nagmadaling tinungo ang silid ng kanyang mga magulang. Sa pagbukas niya ng pinto, mga basag na plorera at salamin ang sumalubong sa kanya. Magulo rin ang ilang kagamitan. Sa gilid ng higaan ay natutop niya ang amang hari na nakaupo sa sahig habang umiiyak. Hawak-hawak ng duguang kamay ang isang papel na lukot-lukot na dahil sa mahigpit na pagkakahawak doon. Hindi niya malaman kung iyon ay dahil sa galit o lungkot.
Iginala niya ang kanyang paningin, hinanap ang inang kanina lang ay narinig niyang tinatawag ng kanyang ama, subalit nabigo siya. Sumilip siya sa durungawan, ngunit wala rin ito kahit saanmang dako.
“Sino’ng hinahanap mo, Amara?” tanong sa kanya ng ama. Kita niya sa mga mata nito ang sakit na hindi niya lubusang maunawaan.
“Si ina. Nasaan siya, ama?” balik-tanong niya.
Napayuko ito. Muli niyang nasaksihan ang pagpatak ng luha sa gusot-gusot nang papel. Maraming ideyang biglang naglaro sa kanyang isipan. Mga ideyang ikinatakot niya. Hanggang sa muling mag-angat ng mukha ang hari at tumingin sa kanya.
“Wala na siya. Iniwan na tayo ng iyong ina,” malungkot na sagot ng hari.
Ano’ng nangyari? Bakit?
Iyan ang mga tanong na hindi niya na naisatinig dahil sa biglang panlalabo ng kanyang mga mata. Hindi naglaon ay hindi niya na rin napigilan ang pagpatak ng kanyang mga luha. Humalik ito sa kanyang makinis na pisngi, samantalang ang sakit at lungkot na naramdaman niya ay namuo sa kanyang lalamunan, naglandas sa kanyang puso na nagpakirot niyon. Nakaramdam niya ng panghihina kaya’t napaluhod siya sa sahig.
“Ina…” wika niya kasunod ng paghagulhol.
“Sumama na siya sa iba, anak. Akala ko, mahal niya tayo, hindi pala. Ipinagpalit niya tayo sa isang mortal.”
“Pero hindi niya magagawa sa 'tin 'yan, ama. Alam niyang ang pagsuway sa batas natin ay may parusang habambuhay niyang pagdudusahan,” hindi pa rin makapaniwalang wika ni Amara.
“Akala ko rin, anak. Akala ko rin, pero nagawa niya. Wala na siya,” giit ng kanyang amang hari.
Walang kaabog-abog na tumayo si Amara at tumakbo palabas. Noon niya lang napagtantong ang ilan sa kanilang mga tagapaglingkod ay nagkukumpulan sa labas ng silid. Sandali siyang natigilan, subalit tumakbo rin siya habang luhaan.
“Amara, saan ka pupunta? Amara! Amara!” humahabol na tawag ng kanyang ama. Ganoon pa man, hindi siya napigilan nito at ng mga yabag na sumusunod sa kanya.
Tumakbo siya palabas ng kanilang kaharian. Umaasang makikita pa ang kanyang ina. Umaasang hindi pa ito nakalalayo para mapigilan niya. Sa bawat paglapat ng kanyang hubad na talampakan sa magagaspang na bato, matitinik na damo at matitigas na ugat ng puno na bumugbog at sumugat dito, mabilis niyang narating ang bukana ng kakahuyan na siyang daan palabas sa kanilang lupain. Natigilan na lamang siya nang makita niya mula sa sulok ng kanyang mga mata ang isang babaeng nakaitim na tila ba nakatingin sa kanya. Hindi niya lamang ito lubusang namukhaan dahil mabilis itong nakatatakas sa kanyang paningin.
“Ina! Ina, sandali! H’wag mo akong iwan!” umiiyak niyang sigaw habang tumatakbo patungo sa direksyong kinakitaan niya sa babae, subalit bigla itong nawala. Sumuot siya sa masukal na gubat. Iginala ang paningin sa paligid. Inubos ang lakas sa mga sigaw, pero walang sagot.
Nabigo siya.
Napaupo siya sa nakausling ugat ng puno at doon ay muling humagulhol ng iyak. Nagtatanong kung bakit. Kung paano na siya ngayong wala na ito.
Mayamaya lamang ay napaangat ang kanyang mukha mula sa pagkakasubsob nito sa kanyang mga palad nang makarinig siya ng mga sitsit. Napamulagat siya nang tumambad sa kanyang paningin ang isang malaking ahas na nasa kanyang harapan. Nagngangalit ang mga mata. Handa nang manuklaw anumang oras. Napatigagal siya, datapwat nakaramdam siya ng tapang sa kabila ng ikinukubling matinding takot.
“Ano? Tutuklawin mo ako? Gusto mo akong patayin?” mariin niyang wika. “Sige, gawin mo! Wala nang halaga ang buhay ko ngayong wala na si ina. Hindi ako natatakot sa kamatayan! Sige na!”
Hindi natinag ang ahas sa kanyang mga sigaw. Ganoon pa man, dahan-dahan itong lumapit sa kanya. Siya naman ay naghihintay na lamang sa pag-atake nito.
Ikinagulat niya na lang nang biglang mag-apoy ang ahas at isang nilalang ang biglang dumakma sa kanyang likuran.
“Aaaahhh!” sigaw ni Amara, bago tuluyang matakpan ang kanyang bibig.
---
BINABASA MO ANG
BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni Amara
FantasySa isang hindi inaasahang paglalakbay samu't saring nilalang ang makaaagapay. Kakawala ang lihim sa ilalim ng karagatan na siyang simula ng pinangangambahang katapusan. Tunghayan ang kwento ni Prinsesa Amara--ang kanyang pakikipaglaban para sa katot...