KABANATA 8

176 10 0
                                    

***

Natutop ni Amara ang kanyang sarili sa gitna ng dilim. Ang mga ungol na halos magpayanig sa buong lugar ng hindi niya matukoy na nilalang ang nakagising sa kanyang diwa. Dinig niya ang tunog ng dibdib nito sa bawat paghinga at ang hanging ibinubuga nito ay tumatama sa nilalamig niyang katawan. Tumatama naman sa mukha nito ang kaunting liwanag kaya’t nakita niya ang mga mata nito. Masyado itong malaki pero hindi niya magawang matakot. Mukha itong isang dragon, ganoon pa man, hindi bangis ang nakikita niya rito kundi masidhing kalungkutan.

Mula sa kanyang pagkakahiga, tanaw niya ang liwanag mula sa maliit na butas kung saan siya nahulog. Alam niyang malalim ang kanyang kinabagsakan dahil sa layo nito.

Hindi niya maigalaw ang kanyang katawan. Dama niya ang matinding sakit, lalo na sa kanyang likuran. Sa hindi kalayuan ay dinig niya ang lagaslas ng tubig. Maya’t maya ang pagdampi ng mukha ng nilalang na iyon sa kanya. Tila ba ginigising siya o sinisiguradong buhay pa siya at maayos ang kalagayan.

“Kung sino ka man, tulungan mo ako. Hindi pa ako maaring mamatay. Kailangan  ko pang hanapin ang aking mahal na ina,” pakiusap niya.

Sinagot naman siya ng mga ungol nito. Hindi niya man maunawaan ang ibig nitong sabihin, alam niyang nakikisimpatya ito sa kalagayan niya. Walang takot sa kanyang dibdib. Kung tutuusin, napagaan nito ang kanyang loob. Pakiramdam niya, ligtas siyang kasama ito.

“Ina…” umiiyak niyang tawag sa ina. Noo’y muli niyang naramdaman ang pagdampi ng mukha nito sa kanya.

Pilit niyang iginagalaw ang kanyang mga kamay at kumapit sa mukha nito. Totoong nanghihina siya at sa kanyang ulo ay may gumuguhit na kirot, ngunit pinalalakas siya ng kagustuhang makita at muling makasama ang ina. Nagabayan siya nito paupo. Mahina niyang pinunas ang tagaktak niyang pawis, pero naaninag niya sa konting liwanag na may kahalo itong dugo.

Nagtagal siya sa pagkakaupo habang nakahilig sa mukha ng nilalang na iyon. Makalipas ang ilang sandali, nakaramdam siya ng kakaiba sa kanyang katawan. Tila ba kusa nitong ginagamot ang sarili. Nang makayanan niya nang makaupo sa sarili, hinarap siya nito na tila ba may ibig sabihin.

“Salamat, ah. Nandito ka para samahan ako.” Hinimas niya ang mukha nito. Alam niyang natuwa ito dahil napapapikit ito sa bawat paghagod ng kanyang palad. “Saan ba ang daan palabas?”

Muli itong umungol.

“Siguro, nagtataka ka kung bakit hindi ako natatakot sa 'yo. Sabi kasi ni ina, hindi makikita sa panlabas na anyo ang tunay na ugali ng isang nilalang. Hindi dahil 'di siya kagandahan sa paningin ng ating mga mata, masama na siya. Minsan, mayro’ng maiitim na budhi na nagtatago sa likod ng maririkit na maskara.

Nagulat siya nang dagling dumilat ito at lumingon sa kung saan. Pagkatapos ng mga ungol, mabilis siya nitong tinalikuran. Halos yumanig naman ng malakas sa buong paligid. Hanggang sa tuluyan na itong nawala sa kanyang paningin.

“H’wag mo akong iwan! Sasama ako!” sigaw niya.

Nakaririnig pa rin siya ng mga kaluskos. Umaasa siyang babalikan siya nito. Niyakap niya na lamang ang kanyang sarili at napapikit habang nakapatong ang kanyang noo sa mga tuhod niyang may mga sugat din.

“Amara!”

Mabilis na napaangat ang kanyang mukha at nabaling ang tingin sa pinanggagalingan ng munting tinig. Sa kasalungat na direksyon nang dinaanan ng nasabing nilalang. Tumambad sa kanya ang kaibigang lambana at ang nililikha nitong liwanag. Sa likuran naman nito ay si Olan.

“Halika na, delikado sa lugar na ito,” alok ni Olan na akmang bubuhatin na siya.

"Doon tayo?" Tumuro si Amara sa kasalungat na direksyon.

"Hindi tayo maaring dumaan d'yan. Dagat ang bubungad sa atin."

“Duguan siya, Olan!” sigaw ni Irma na puno ng pag-aalala.

Tinitigan siyang mabuti ni Olan sa tulong ng liwanag ni Irma. “Ayos lang siya. Kusang naghihilom ang mga sugat niya.” Kaagad binuhat ng naga si Amara subalit tumutol ito.

“H’wag na. Ibaba mo na ako. Kaya ko na. Hindi ako pinalaking mahina ng kapalaran, Olan.”

Magkakasama silang lumabas patungo sa labasan ng kuweba, ngunit hindi pa man nila tuluyang nararating ang liwanag kung saan naroroon ang lagusan sa hindi kalayuan, natigilan si Amara at napalingon.

“Amara, bakit?” puna ni Irma.

“May mga kalaban, marami sila.”

“Ang mga sigbin!” naibulalas ni Olan.

Sunod-sunod ang naging pag-atake ng mga sigbin. Ang anyo nito ay may pagkakahawig sa isang kambing na minsa’y sa isang aso. Pabaliktad ang mga paa nito. Sinasabing alaga ito ng mga aswang, pero may ilang nag-aalaga nito—maging isang mortal—na tinatawag na sigbinan. Naghahatid ito ng magandang kapalaran sa sinumang nag-aalaga sa kanila. Sinisipsip nito ang dugo ng kanilang biktima.

Namangha si Irma sa liksi at talas nag pakiramdam ni Amara. Nakuryente pa nito ang ilan. Hindi naman siya nagpahuli kaya’t sinalubong niya rin ng mga bolang apoy ang mga papalapit sa kanya. Habang si Olan naman ay ginagamit ang kanyang buntot. Kapwa sila nakikiramdam dahil may kakayahan itong hindi makita, lalo na ng ordinaryong mga mata. Nang dahil sa kanilang ginawa, tila natakot ang mga ito at nagtakbuhan. Nakita nilang pumasok ang mga ito sa mga gintong tapayan na nasa loob ng kuweba.

“Umalis na tayo rito. May nakatirang masasamang engkanto rito na siyang nangangalaga sa mga sigbin. Baka maabutan niya tayo. Hindi nila maaring makita si Amara,” alok ni Olan na pinangunahan na sila paalis.

Mabilis silang tumakbo palabas ng kuweba, sa takot na madatnan ng sigbinan. Habang tumatakbo sila, naalala ni Amara ang nilalang na nakasama niya.

“Hindi niya lang pala ako sinamahan, prinotektahan niya din ako laban sa mga sigbin, pero bakit?” bulong niya sa sarili.

“Sino?” usisa naman ni Irma na narinig ang kanyang tinuran.

Natigilan silang tatlo nang may isang nilalang na biglang sumulpot mula sa kung saan at humarang sa kanilang daan. Natigilan silang tatlo sa gitna nang masukal na gubat.

---

BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni AmaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon