KABANATA 9

186 11 0
                                    

***

“Saan kayo pupunta?” wika ng nilalang na kalahating tao at kalahating toro. May kalakihan ang katawan nito, maging ang kanyang boses. May hikaw siya sa magkabilang tainga.  Nakakatakot ang dating nito sa kanila dahil sa anyo nito na mistulang matapang at mabangis na nilalang. Sinasabing sinuman ang mangahas na nakawin ang kanyang mga alahas ay walang awa nitong pinapatay. Sabi naman ng iba, kapag nakuha mo ito ay mapapasunod mo siyang tila iyong alipin.

“Ang sarangay,” wika ni Irma.

“Ano’ng kailangan mo? Sino’ng nagpadala sa 'yo rito?” tanong ni Amara.

“Magkakamatayan muna tayo, bago mo makuha ang aming prinsesa!” singhal naman ni Olan na matapang siyang hinarap.

“Ginoong naga, wala akong masamang intensiyon. Hindi ako alipin  o utusan ng sinuman. Nandito ako dahil sa sarili kong kagustuhan para tumulong. Walang pumilit sa akin. Sa ngayon, sumunod muna kayo sa akin dahil sadyang mapanganib ang lugar na ito,” paliwanag niya.

“Pa’no kami makasisigurong hindi mo kami nililinlang?” paniniguro naman ni Olan.

“Wala akong mapapala sa inyo. Kung tutuusin, dapat wala akong pakialam sa inyo kahit pa pagsaluhan kayo ng mga sigbin at pagkaisahan ng mga engkanto nagkalat sa lupaing ito.”

“H’wag kayong maniwala sa kanya!” sabat ni Irma.

“Lambana, hindi ko kayo pinipilit na maniwala. Kayo ang magpasya kung susunod ba kayo sa akin o hindi.” Inihakbang na nito ang mga paa paalis.

Napatingin si Olan kay Amara.

“Nagsasabi siya ng totoo. Halina kayo.”


***


Nagtungo sila sa talampas. Mula roon ay tanaw nila ang malawak na karagatan. Ganoon din ang papalubog nang araw. Tahimik lamang nila itong pinanood habang nagpapakiramdaman. Nabaling ang tingin ni Amara sa grupo ng mga ibon na lumilipad sa himpapawid. Lumulusot sa mga ulap. Nililibot ang magandang tanawin. Malaya.

“Mabuti pa sila, malaya,” nasabi niya kasunod nang buntong-hininga.

“Kung mapagtatagumpayan mo ang pinakamalaking hamon sa buhay mo, magiging malaya ka ring katulad nila. Hindi lang ikaw, kundi pati na rin ang nasasakupan mo, kami at ang iyong ina,” tugon ng sarangay. Tinitigan niya si Amara. “Masama ang tingin sa amin ng karamihan—ako, ang naga, ang berberoka, ang anggitay at ang iba pa—lalo na ng mga mortal, pero hindi naman lahat ng katulad namin ay masama. Marami sa amin ang gustong lumaya sa kasamaang nakakabit sa mga pangalan at imahe namin. At kung mayro’n man kaming nagagawang masama, 'yon ay para protektahan lamang ang aming sarili, pamilya at mga pag-aari,” paliwanag nito.

“Nauunawaan ko. Sisikapin kong ipanalo ang laban para sa kalayaan nating lahat. Hindi man sa mata ng mga mortal, kahit man lamang sa sarili nating mundo.” Ngumiti si Amara. “Iuuwi ko si ina ng buhay. Patutunayan ko kay ama na hindi totoong sumama siya sa isang mortal at ginustong iwan kami.”

Mayamaya’y sumilip na ang buwan sa langit. Kinakabahan naman napatitig si Irma roon. “Malapit na ang kabilugan ng buwan. Kailangan nating magdoble ingat. Hindi sila maaaring magtagumpay sa pagnanakaw sa kakayahang hindi naman para sa kanila,” mariing tinuran nito habang nakaupo sa balikat ni Amara.

“Ano nga pala ang pakay mo sa amin, Egay?” tanong ni Amara. “May kaugnayan ba ito sa aking ina at sa nalalapit na kabilugan ng buwan?”

“Ang totoo niyan, hinanap ko talaga kayo. Napadpad ako sa libis at nabanggit sa akin ng anggitay na si Rida ang tungkol sa 'yo, Amara. Kaya hindi naman ako nagsayang ng panahon para magtungo sa talon para sana ihatid ang mensaheng iniwanan sa akin ni Nomi, ang minokawa. Siya ang saksi ng lahat at alam niya kung nasaan ang iyong ina,” kwento ng sarangay.

“Talaga ba? Buhay pa siya?” Malapad na ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Amara.

“Marahil, gano’n nga. Hindi ko alam. Si Nomi lang ang makasasagot sa lahat ng tanong mo. Nagpadala na ako ng mensahe para sa kanya, kani-kanina lang. Baka bukas ay magtungo siya sa dalampasigan para makita ka. 'Yon kasi ang sinabi niyang lugar kung saan kita dapat dalhin para makita siya.”

“Sige, pupunta kami.”

“Kabilin-bilinan ni Nomi na mag-ingat. Maging mapagmasid sa paligid. Ipinahahanap ka na ng pinuno ng mga masasamang engkanto. Naghahanda na sila para sa ritwal ng pagsasalin,” dagdag pa ni Egay.

“Hindi nila makukuha ang kapangyarihang ibinigay sa akin ng buhay. Lalo na kung gagamitin lang nila sa kasamaan. Lalaban ako hanggang sa huling hininga ko, para sa katahimikan ng mundo.

“Nasa likod mo kami, Amara. Hindi ka mag-iisa,” sabat ni Olan.

“Ako rin!” magkasabay na wika nina Irma at Egay na nagkatinginan.

Nagulat na lang sila nang biglang sumigaw si Amara dahil sa pananakit ng kanyang ulo. Hindi naglaon ay nawalan ito ng malay na labis nilang ipinag-alala.

---

BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni AmaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon