KABANATA 2

228 11 0
                                    

***

“Mula nang iwan tayo ng iyong ina, palagi mo na lang inilalagay sa panganib ang sarili mo,” maluha-luhang wika ni Haring Nerio kay Amara na tahimik na nakahiga habang inaapoy ng lagnat. “Ikaw na lang ang mayro’n ako, Amara. Ikaw na lang! Ang ina mo lang ang nawala, pero nandito pa rin ako!”

Ilang buwan na ang nakalilipas mula nang mawala si Reyna Estrelya, at iyon din ang haba ng panahon na nagsimulang naging miserable ang buhay ng mag-ama. Lalo na si Amara. Dinibdib niya ang pagkawala nito kaya napapadalas ang pagtakas niya sa kaharian na ikinapapahamak niya. Mabuti na lamang at palagi siyang naililigtas ng ama at ng ilang tagapaglingkod. Minsan kasi, sumagi sa kanyang bubot na isipan na maaring may kasalanang nagawa ang hari kaya sila nito iniwan. Ngayon, napapaisip siya. Ramdam niya kasi ang sama ng loob ng hari dahil sa malimit na pag-iyak nito at panginginig ng katawan. Bigla siyang nakaramdam ng pagsisi dahil tila dumagdag pa siya sa dalahin nito.

“Patawad, ama,” wika niya nang aalis na sana ito. Kaagad itong lumapit sa kanya at niyakap siya.

“Babangon tayo, anak. Magiging masaya tayo ulit, kahit wala siya. Kailangan tayo ng ating nasasakupan.”

Hindi na nakasagot pa si Amara dahil sa mga katok na umagaw sa kanilang pansin. Hindi nagtagal ay iniluwa ng bumukas na pinto si Leona, ang kanyang tagapangalaga.

“Patawad, mahal na hari, naisturbo ko yata ang pagpapahinga n’yo. 'Yon lamang, may mga naghahanap sa inyo,” paliwanag nito.

“Malalim na ang gabi, Leona. Gaano ba kahalaga ang pakay nila at mukhang hindi na nila maipagpabukas?” tanong ni Haring Nerio na napakunot ang noo.

“Isang babaeng sugatan ang natagpuan sa kagubatang sakop ng ating lupain. Walang nakakakilala sa kanya. Marahil, isa siyang dayuhan. Dahil wala siyang kamag-anak o kakilala man lang, minabuti nila na dito na siya dalhin. Para din malaman ninyo ang tungkol sa pangyayaring ito,” muling paliwanag ni Leona.

Sandaling natahimik si Haring Nerio. Napapaisip. Mayamaya lamang ay muli niyang ibinaling ang kanyang tingin sa kausap at nagwika, “Sige, haharapin ko sila. Susunod na ako.”

“Ama, kung sino man siya, sana matulungan mo siya,” wika ni Amara.

Marahang tumango si Haring Nerio at hinalikan siya sa noo. “Matulog ka na. Ako na ang bahala sa kanila. H’wag kang mag-alala.”

***

I

sang babaeng sugatan. Hindi maalala ang kanyang tunay na katauhan, maliban sa kanyang pangalan. Tila ba nangangapa kung nasaan siya at kung paano bumalik sa kanyang pinagmulan. Nang dahil sa mala-anghel na mukha nito, naawa sa kanya ang hari. Hindi rin maikakaila sa mga sulyap nito na nabighani siya sa taglay nitong kariktan. Inalagaan nila ito at tinanggap nang walang pag-aalinlangan.

Lumipas ang maraming araw, naging isa sa mga tagapaglingkod sa kaharian si Zarina. Bilang ganti umano sa kabutihan ng hari at ng nag-iisa nitong anak sa kanya. Naging katuwang siya ni Leona sa mga gawain at isa sa mga piling pinagkakatiwalaan ng ilang mga personal na bagay.

Samantala, unti-unti na nilang nararamdaman ang epekto ng pagkawala ni Reyna Estrelya. Lalong-lalo na ang mga tinutulungan nitong mahihirap sa kanilang nasasakupan. Ganoon din ang pagpapanatili nito sa kaayusan ng malawak na halamanan na namumutiktik sa sari-saring bulaklak. Isa sa mga dahilan kung bakit isa sila sa pinakamaayos at magandang kaharian sa mundo ng mga engkanto. Naging malungkot ang buong kaharian, pati na ang luklukan ng hari.

“Ano nang plano mo ngayon, mahal na hari?” tanong ng pantas na si Satur na kadarating lang mula sa paglalakbay. Wala siya nang mga panahong mawala ang reyna. Makahulugan ang mga titig niya sa hari.

“Ano ba’ng pinatutungkulan mo, pantas? H’wag mo akong tingnan na para bang sinasabi mong walang direkyon ang pamumuno ko,” sagot ni haring Nerio.

“Hindi naman sa gano’n, mahal na hari. Kaya lang, hindi naman lingid sa kaalaman mo na ang kaharian ay nangungulila sa kanilang reyna.”

“Hindi ko siya hahanapin, kung 'yan ang pinupunto mo. Natuto siyang umalis, matuto siyang bumalik. 'Yon ay kung tatanggapin ko pa siya. Hindi ko mapalalampas ang sakit na idinulot niya, lalo na kay Amara,” mariing tinuran ng hari.

“Hindi. S’yempre, hindi 'yon.”

“E, ano? Maari bang h’wag ka nang magpaligoy-ligoy.”

“Ang kaharian ay nangangailangan na ng bagong reyna. Isang reynang uupo sa 'yong tabi sa luklukan, mangangalaga sa ating mamayan, gagabay sa mga tagapaglingkod at makakatuwang mong mamuno,” paliwanag ni Satur.

“Masyado pang bata si Amara, Satur. Hindi pa siya handa,”

“Hindi ang prinsesa ang tinutukoy ko. Wala ka bang napupusuan na iba, para maging reyna at iyong magiging kabiyak?” urirat ng pantas.

“Wala. Sapat na si Amara sa akin. Ihahanda ko siya para sa pag-upo niya sa trono.”

“Nasisiguro mo bang wala, mahal na hari?”

Natigilan ang hari. Dumako ang kanyang tingin sa durungawan kung saan natatanaw ang halamanang unti-unti nang nangangatuyo dahil sa matinding init at tigang na lupa na sabik sa ulan ng pangangalaga at pagmamahal ng isang reyna. Nanumbalik sa kanyang diwa ang alaala ng kanilang masayang pagsasama. Kaligayahang akala nila ay wala nang katapusan. Ang halamanang pangarap nilang ipagkakatiwala kay Amara kapag ganap na itong dalaga ay maaring mawala na rin sa paglipas pa ng mga araw.

Napansin ng pantas ang pananahimik nito. Nag-alala siya na maaring nahalungkat ng kanyang pag-uusisa at suhestiyon ang lungkot na hatid sa hari ng mga pangyayaring naganap. Ang mga imaheng nakita niya sa mga pangitain niya, subalit mas pinili niyang itikom ang kanyang mga labi dahil ayaw niyang basagin ang kaligayahan ng buong kaharian. Kaya nga mas pinili niyang tanggapin ang imbitasyon mula sa ibang lupain para sa isang malaking kasiyahan na handog sa mga pantas at tagapayo.

“Mahal na hari, narito na ang inyong pagkain. Naghatid na rin ako sa silid ni Amara,” magiliw na tinuran ni Zarina.

“Salamat, Zarina.”

“Salamat, binibini. Ang totoo niyan, kanina pa talaga ako nauuhaw,” sabat naman ni Satur, sabay dampot sa basong yari sa tanso.

“Oo nga pala, Satur. Siya nga pala si Zarina, ang ating bagong tagapaglingkod,” pakilala ni Haring Nerio kay Zarina. Nakangiti naman itong lumingon sa pantas.

Sa hindi malamang dahilan, napatigagal si Satur. Tila may kung ano siyang nakita. May kung anong naramdaman. Nabitawan niya ang hawak na inumin. Kasabay nang pagbagsak sa sahig at pagkatapon ng laman nito ay ang kumawalang tinig sa kanyang bibig. “Ikaw?”

---

BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni AmaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon