***
Nagkamalay si Amara sa lambak na makikita sa likurang bahagi ng kahariang iyon ng mga masasamang engkanto. Nakagapos ang kanyang magkabilang kamay sa dalawang bakal na haligi. Habang ang kanyang dalawang paa ay nakakadena na konektado naman sa upuan na nasa loob ng mga batong nakapormang bilog sa kanyang harapan. Tanaw niya sa kanyang kinaroroonan ang malawak na kalangitang namumutiktik sa mga makikinang na bituin, at sa bilog na buwan na sa wari niya’y sa kanya nakatingin.
Nagdaan sa kanyang harapan ang dalawang matanda. Isang babae at isang lalaki. Mahaba ang mga buhok nito, katulad ng kanilang mga itim na kasuotan. Mapanuyang ngiti ang ipinukol ng mga ito sa kanya.
“Mga salamangkero,” bulong niya sa kanyang sarili. “Ngumiti kayo hanggang gusto n’yo dahil hindi na kayo sisikatan ng araw.”
“Ano’ng sinabi mo? Baka naman ikaw ang hindi na sikatan ng mahal mong araw, anak,” mapanuyang tinuran ng babaeng paparating. Hindi niya man ito lingunin, alam niya kung sino’ng nagmamay-ari niyon.
“H’wag mo akong matawag-tawag na anak. Nakakadiring pakinggan,” pabalang niyang sagot.
“Sabagay, tama ka. Ni hindi ko nga maatim noon na alagaan ka, kung hindi lang kita kailangan.”
Nakita niya sa sulok ng kanyang mga mata, mula sa kanyang pagkakayuko, ang laylayan ng itim nitong damit. Papalapit ito sa kanya. Bigla namang rumehistro sa kanyang isipan ang babaeng hinahabol niya sa gubat, sa pag-aakalang ito ang kanyang ina. Magkatulad ang mga ito.
“Ikaw 'yon! Ang babae sa gubat,” naibulalas niya.
“Oo, hindi ko na ikakaila pa 'yon. Ako rin ang nag-utos sa ahas na tuklawin ka, may nakialam nga lang,” mariin nitong tugon. “Sandali na lang, ibibigay na sa 'yo ng buwan ang ipinangako niyang kapangyarihan. Nakakalungkot lang isipin na hindi mo naman mapapakinabangan.”
“H’wag kang pakasiguro,” banta niya.
“Kung magpapakasal ka lang sana sa anak ko, at sumapi sa amin, hindi ko na kailangang gawin pa 'to. Kaso mukha talagang ayaw mo.”
“Ina!” sabat sa kanila ng isang tinig.
Napaangat ang mukha ni Amara at doo’y nakita niya ang lalaking tila kasing gulang ni Olan. Sa tabi nito ay ang babaeng nakaitim na may takip sa mukha—si Sena. Nilapitan siya nito at hinawakan sa kanang pisngi. Halos manginig naman sa inis si Amara nang dumampi ang mga palad nito sa kanya.
“Nangangalay ka na ba? Gusto mo bang pakawalan na kita?” makahulugan nitong tanong kay Amara na walang napalang sagot. “Pumayag kang pakasal sa akin, matatapos ang paghihirap mong 'to.”
“Pagkatapos, ano? Panibagong paghihirap sa mga kamay mo? Mabuti pang bumalik ka na lang sa lintik na sinapupunan na pinanggalingan mo dahil kahit abutin pa tayo ng isandaang taon ng pakiusapan, wala kang mapapala sa 'kin!” bulyaw ni Amara kay Kael.
Tila nag-init naman ang dugo nito kaya ginantihan siya ng isang malakas na sampal. “P’wes, hindi ko naman ipipilit ang sarili ko sa 'yo! Kailangan ka lang namin pero si Sena naman talaga ang mahal ko!” sinundan pa ito ng isa pang sampal.
“Tama na 'yan! Oras na,” nakangising wika ni Zarina.
Tumabi ang mga ito. Tumambad sa kanya ang malaking buwan. Dahan-dahan niyang iginala ang kanyang paningin sa paligid at sa bawat mukha na nakatutok sa kanya. Nakaramdam siya ng ibayong lakas ng loob at pag-asa nang tumalas ang kanyang paningin sa dilim at nakita niya ang mga kaibigang nagkukubli sa madidilim na bahagi ng lambak. Napapalibutan sila. Naghahanda sa pag-atake at pagliligtas sa kanya.
Hindi naglaon ay nag-ibayo ang liwanag ng buwan. Naramdaman na lamang niya ang pagtugon ng liwanag na nagmumula sa kanyang noo na sinasabing marka ng buwan. Nagtagpo ang liwanag nito at ang liwanag ng buwan. Nagliwanag ang kanyang buong katawan at ang pangangalay sa kanyang posisyon ay napalitan ng lakas at ginhawa. Samantala, sinamantala niya ang pagkakataong 'yon para makipag-ugnayan sa mga kaibigan. Napapikit siya at noo’y narinig niya ang sagot ng mga ito. “Handa na kami.”
Sa kanyang pagdilat, kulay asul na ang kanyang balintataw. Ibinaling niya ang kanyang tingin sa pantas at tinawag ito sa pamamagitan ng kanyang isip. Nagtama ang kanilang paningin hanggang sa tila matauhan ito.
“H’wag kang magpapahalata. Maghanda ka. Lalaban tayo.” Iyon ang mensaheng inihatid ng kanyang mga titig sa pantas na tila nagbalik na sa katinuan.
Nang maglaho ang liwanag, nagkunwari si Amara na nawalan siya nang malay. Dinig niya ang malakas na halakhak ni Zarina at ng mga kasamahan nito.
Gamit ang makapangyarihang pakiramdam at isip ni Amara, nagmasid siya sa paligid. Nakita niyang naupo si Zarina sa loob ng pormang bilog ng mga bato. Nakangisi itong tila puno ng tagumpay habang nakatitig sa kanya. Naupo naman sa magkabila niyang gilid ang dalawang salamangkero.
“Simulan na ang ritwal, bago pa magkamalay ang babaeng 'yan,” utos ni Zarina sa mga ito.
“Ina, oras na,” mensahe ni Amara sa ina sa pamamagitan ng kanyang isip. Noo’y narinig niya naman ang mga ungol mula sa ilalim ng dagat.
Kakaibang lengwahe ang sinasambit ng dalawang salamangkero. Tila may enerhiyang tinatawag sa buwan at humihingi ng tulong at katuparan ng hiling. Mula sa buwan, tatlong maitim na usok naman ang bumaba. Naging isa ang mga ito at naging hugis bilog. Sa uluhan ni Amara ay ang kalahating buwan na nakataob, may hugis bilog sa ibaba nito at ang magkabilang dulo ng nakataob na buwan ay nakakonekta sa bakal kung saan nakatali ang kanyang mga kamay.
“Kapag sumuot ang itim na usok sa bilog, babalutin niyan ang katawan mo. Hihigupin ang lahat ng kapangyarihan, maging ang lakas mo at maisasalin iyon kay Zarina. Malaking tulong ang liwanag ng buwan para mangyari 'yon kaya kailangan mo nang kumilos,” mensahe ng pantas. Pasimple silang nagkatinginan.
Buong lakas na sumigaw si Amara, pilit kumakawala sa kanyang pagkakatali. Nagtaka siya nang hindi man lang iyon matinag, kahit pa gamitin niya ang kuryenteng dumadaloy sa kanyang katawan.
“Hindi mo kaya 'yan, Amara, kung 'yan ang inaakala mo. Pinatitibay iyan ng itim na kapangyarihan ng aking mga mahuhusay na salamangkero. Kawawa ka naman. Katapusan mo na,” nanunuyang wika ni Zarina nang mapansin ang ginagawa niya. Nagtawanan naman ang lahat nang nakarinig sa kanilang reyna.
“Hindi!” Napaluha si Amara habang tinitingnan ang itim na usok na papalapit na sa kanya.
Nang mga sandaling 'yon, nakita niyang papalapit na rin ang kanyang mga kaibigan, ngunit sinalubong sila nang mga kampon ni Zarina. Nagtangka rin ang pantas na si Satur na isabutahe ang ritwal, pero nanigas ang kanyang mga paa bago man lamang makalapit sa mga salamangkero dahil sa nagngangalit na titig ni Zarina.
“Mga hangal! Hindi n’yo mapipigilan ang tagumpay ko!” sigaw ni Zarina sa galit.
“Maaring magtagumpay ka ngayon, pero laging may isang tulad ko na isisilang para tuldukan ang kasamaan mo!” bulyaw ni Amara.
Napapikit na lamang si Amara habang lumuluha nang makitang halos nandoon na ang itim na usok sa destinasyon nito.
“Ano’ng nangyayari? Hindi! Gumawa kayo ng paraan. Hindi 'to maaari!” galit na galit na sigaw ni Zarina.
Mabilis na napadilat si Amara upang malaman kung ano’ng nagyayari. Unti-unting naglalaho ang itim na liwanag, kasabay nang buwang unti-unting nagdidilim.
---
BINABASA MO ANG
BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni Amara
FantasySa isang hindi inaasahang paglalakbay samu't saring nilalang ang makaaagapay. Kakawala ang lihim sa ilalim ng karagatan na siyang simula ng pinangangambahang katapusan. Tunghayan ang kwento ni Prinsesa Amara--ang kanyang pakikipaglaban para sa katot...