***
Umiiyak si Amara habang tinititigan sa kanyang mga palad ang kaibigang lambana na tila hindi na magtatagal. Malapit nang maglaho ang liwanag nito. Hindi naman sinasadyang napatakan ito ng kanyang luha, at ang tanging liwanag nito ay tuluyang naglaho. Inilapag niya ang walang buhay na katawan nito sa gitna ng isang malaking dahon. Noo’y tumalikod siya sapagkat hindi niya na kayang pagmasdan ang isa pang buhay na nawala nang dahil sa kanya. Napahagulhol siya ng iyak. Ganoon din ang kanyang mga kaibigan na nakikidalamhati sa kanya. Ikinulong siya ni Olan sa kanyang bisig upang maibsan ang kalungkutan nito.
Nagulat na lamang siya nang may tumawag sa kanyang pangalan. Sa kanyang paglingon, tumambad sa kanya ang nakangiting si Leona. Ang ibang anyo ni Irma. Napalitan ng tuwa ang kanilang kalungkutan.“Leona!” Umiiyak siyang yumakap dito na ginantihan naman nito nang mahigpit na yakap. Kaagad ding napawi ang lungkot ng kanyang mga kasamahan.
“Salamat, Amara.”
“Amara, si Nomi,” tila namamanghang sabat ni Olan.
Napatingala sila sa paparating na si Nomi, habang sumisilip na ang araw sa silangan. Natuwa sila nang makita si Reyna Estrelya sa tunay nitong anyo. Masayang nakasakay sa likod ng minokawa at kumakaway sa kanila.
“Ina!” Masayang sumalubong si Amara sa inang kinasasabikan. Nagtakbuhan naman palapit ang lahat at nagbigay-galang.
Kaagad namang niyakap ni Reyna Estrelya ang anak. Walang mapagsidlan ang tuwa. Ang ilang taong pagtitiis sa pag-iisa sa kailaliman ng karagatan ay natapos na. Ganoon pa man, naging biyaya ang sumpang iyon dahil iyon ang pinakamalaking tulong na natanggap ni Amara sa hamon sa kanya ng kapalaran. Sa kanilang pagtutulungan, nakalaya ang isa’t isa sa itim na mahika.
“Bakit ka umiiyak? Nandito na ako, anak. Salamat sa 'yo.”
“Ina, hindi ko nailigtas si ama. Wala na siya. Sinubukan kong gamitan siya ng kapangyarihan pero hindi gumana. Namatay sila ni Satur dahil sa akin,” malungkot niyang sagot.
“H’wag mong sisihin ang sarili mo. Marahil ay hanggang doon na lang ang kanilang papel dito sa mundo.”
“H’wag ka nang malungkot, Amara. Nandito naman kami para sa 'yo,” sabat ni Olan na sinang-ayunan ng lahat.
“Muli nating itatayo ang pangalan ng ating kaharian. Magkakasama nating tatamasahin ang mga biyaya ni Bathala at igugugol ang ating buhay sa kabutihan. Muli nating iguguhit at bibigyang kulay ang ating mundo na pinadilim ng kasakiman.”
Magkakasama nilang tinupad ang kanilang pinapangarap na buhay. Hanggang sa isang gabi, isang batang naga ang takot na lumapit kina Amara at Olan.
“Ama, ina…" Humahangos itong humarap sa kanila. "Ang buwan!”
Kinakabahang sinilip ng dalawa ang buwan. Ilang sasakyang pangkalawakan ang kanilang nakita. Palibot ito ng maraming ilaw na may iba’t ibang mga kulay. Hindi lamang mundo ng mga mortal ang maaring maapektuhan, maging sila.
"Bagong mananakop."
---
WAKAS
BINABASA MO ANG
BAKUNAWA: Ang Paglalakbay ni Amara
FantasySa isang hindi inaasahang paglalakbay samu't saring nilalang ang makaaagapay. Kakawala ang lihim sa ilalim ng karagatan na siyang simula ng pinangangambahang katapusan. Tunghayan ang kwento ni Prinsesa Amara--ang kanyang pakikipaglaban para sa katot...